Inday TrendingInday Trending
Muntik nang Masira ang Buhay ng Estudyanteng ito Dahil sa Pang-aapi ng Kaklase; Malampasan kaya Niya ang Mga Pagsubok sa Eskwelahan?

Muntik nang Masira ang Buhay ng Estudyanteng ito Dahil sa Pang-aapi ng Kaklase; Malampasan kaya Niya ang Mga Pagsubok sa Eskwelahan?

Bilang guro ng mga batang nasa ika-anim na baiting sa elementarya ay kaliwa’t kanan ang mga batang nangungulit sa gurong si Jocelyn. Kung minsan ay hindi na niya nabibigyang pansin ang mga sumbong ng kaniyang advisory class dahil sa dami ng kaniyang gawain.

“Teacher! Si Vince ang kulit oh, hinihila yung buhok ko,” sumbong ni Thalia.

“Ano ba kayo, ang dami kong kailangang itsek na test papers wag nang magulo,” ang tanging sagot ni Jocelyn.

Patuloy ang pang-aasar ni Vince kay Thalia dahil ni minsan ay hindi naman talaga siya nasita ng guro. Nariyang hinihila niya ang buhok ng babae, kinukurot ang tagiliran at sinisira ang kaniyang mga kagamitan.

“Vince isa pa, isusumbong na kita sa mga magulang ko.”

“Magsumbong ka, puro ka naman sumbong eh.”

Mabait at masipag mag-aral ang batang si Thalia, madalas siyang nakakakuha ng matataas na grado at siya palagi ang nauuna sa pagpapasa ng kanilang mga school projects.

“Abalang-abala ata ang anak ko, anong pinagkakaabalahan mo?” tanong ng ama niya.

“Ah etong science project ko po papa, kailangan na namin itong ipasa sa Biyernes eh.”

“Gusto mo bang tulungan kita?”

“Okay lang po papa, para matutunan ko din kung paano ito gagawin.”

Kinabukasan ay dinala ni Thalia ang kaniyang proyekto upang ipasuri sa kaniyang guro sa siyensa. Sa ganda at linis ng kaniyang pagkakagawa ay hinangaan siya nito.

“Maganda ang gawa mo Thalia, napakahusay, siguradong mataas na grado ang maibibigay ko sayo niyan,” wika ng guro.

“Talaga po ma’am? Sige po, tatapusin ko lamang po ito mamaya sa bahay at ipapasa ko sa inyo sa deadline namin.”

“Sige good job hija, aasahan ko iyan.”

Hindi napansin ni Thalia ang nanonood na si Vince sa kaniyang pakikipag-usap sa guro. Noon pa man ay nakikita na nitong isang malaking kompitensya si Thalia dahil sa napakagaling nito sa anumang subject.

“Sipsip ka talaga no? Dinala mo pa dito yang project mo para maipagyabang,” wika niya kay Thalia habang sinusunggaban ito.

“Anong pinagsasabi mo? Dinala ko ‘to para ipa-check kay ma’am kung tama o mali. Bitawan mo ko Vince!”

Dumating ang araw ng Biyernes at dala na ng lahat ng bata ang kani-kanilang science project. Sa pagpasok ni Thalia ay napatingin silang lahat sa napakagandang proyekto na hawak nito. Labis naman itong ikinagalit ni Vince. Sa oras ng kanilang lunch break ay nakakuha siya ng pagkakataon upang galawin ang proyekto ni Thalia.

“Ma’am, magbabanyo lang po ako,” paalam ni Thalia kay Jocelyn.

“Sige balik ka kaagad,” sagot ng abalang guro.

Paglabas ni Thalia ay inilaglag ni Vince ang kaniyang proyekto sa sahig at nang walang nakapansin sa kaniyang ginawa ay tinapakan pa niya ito at saka sinipa papunta sa gilid. Bumalik siya sa kaniyang upuan na para bang walang ginawang kalokohan.

Pagbalik ni Thalia ay nagulat na lamang siya na makitang nasa sahig na ang kaniyang proyekto at sira sira. Agad siyang lumuha dahil sa itsura pa lamang nito wala nang pag-asa na maayos niya pa ito. Nanginginig na dinampot ni Thalia ang proyektong isang linggo niyang pinaghirapan at dinala ito sa kaniyang guro.

“Ma’am, may sumira po ng project ko sa science, baka hindi ako ipasa ng teacher namin,” umiiyak na wika niya.

“Oh anong nangyari dyan? Sinong sumira?”

“Hindi ko po alam, pagbalik ko nasa sahig na eh.”

“Naku ma’am, nahulog po yata yan. Ikaw kasi Thalia diyan mo lang nilalagay sa gilid ng la mesa mo,” sabat naman ni Vince.

Mas pinaniwalaan ni Jocelyn ang mga salita ni Vince at hindi naman makapalag si Thalia dahil wala siya sa mga oras na nasira ang kaniyang proyekto at wala ring nakakita sa tunay na pangyayari. Gaya ng inaasahan ay walang grado na naibigay sa kaniya sa araw na iyon.

Malungkot na umuwi si Thalia at dumiretso sa kaniyang kwarto. Tulala niyang tinitigan ang wasak-wasak na proyekto. Tila ba nawala na rin siya sa sarili at kinuha ang napakaraming gamot mula sa kanilang first aid kit.

Matapos noon ay sumulat siya ng maiksing mensahe para sa kaniyang mga magulang.

“Ma, pa, sorry po pero di ko na kaya. Lagi na lang akong inaapi sa eskwela. Wala akong kaibigan, wala akong malapitan, yung guro ko palaging hindi nakikinig sa akin, yung mga kaklase ko nilalayuan ako. Wala naman akong ginawang masama sa kanila.”

Ininom ni Thalia ang mga gamot na hawak at nahiga sa kaniyang kama. Mabuti na lamang at hindi pa man siya natatagalan na walang malay ay nakita agad siya ng kaniyang magulang at agad isinugod sa ospital. Umiiyak ang kaniyang ina nang siya ay nagising kinabukasan.

“Thalia, anak! Bakit mo naman ginawa yun?”

“Sorry mama,” ang tanging nasagot niya.

“Huwag kang mag-alala, inireklamo ko na ang guro mo pati ang Vince na iyon. May isa sa mga kaklase mo ang nakapagpatunay na siya ang sumira sa proyekto mo at palagi ka niyang inaaway, matatanggal na siya sa eskwelahan ninyo.”

Naging malaking balita ang ginawa ni Thalia sa loob ng kanilang paaralan, natanggal si Jocelyn sa kaniyang posisyon dahil sa hindi niya pagresponde sa mga estudyanteng dumadaing ng pang-aapi ng ibang kaklase, at tuluyan na ring napatalsik si Vincent dahil naglakas loob na rin ang iba pa niyang inaaway na magsumbong. Naging aral naman ito para sa iba pang mga guro upang maging mapagmatiyag sa kanilang mga estudyante.

“Ma’am, eto na po ang bago kong proyekto,” bungad ni Thalia sa guro niya.

“Salamat Thalia, hija, gusto ko sanang malaman mo na natutuwa ako dahil nakabalik ka na, kung may kailangan ka ay huwag kang magaatubiling lumapit sa akin,” sagot ng guro.

Naging mas maayos nga ang buhay ni Thalia mula ng mawala ang kaniyang mapang-aping kaklase, naging kaibigan niya rin ang iba pang estudyante na naging biktima ni Vince. Magmula noon ay natutunan ni Thalia na hindi solusyon sa mga problema ang kanyang ginawa, at nangako siya sa kanyang mga magulang na magsasabi agad kung sakaling maulit ang ganoong pangyayari.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement