Labis ang Inis ng Ina Dahil Mas Pinipili ng mga Anak ang Sumama sa Ama, Ano Kaya ang Dahilan?
Magmula nang mapagdesisyunan ng mag-asawang si Sarah at Ryan na maghiwalay, naiwan ang dalawang anak nila sa ina ng mga ito.
Nang dahil sa hilig sa pag-iinom at labis na oras na nilalaan sa pakikipag-barkada, naisip ni Sarah na hindi na niya kayang pakisamahan ang lalaki.
Malaki ang sinasahod ni Sarah. Isa siyang kilalang dentista sa kanilang bayan. Kaya naman lahat ng luho ng anak ay kanyang naibibigay. Siya rin ang nagpapa-aral at nagbibigay ng pera sa mga ito. Ang ama namang si Ryan ay isang taxi driver. Maliit lamang ang kinikita nito dahil hindi naman sa kanya ang sasakyang minamaneho. Kung kaya’t hindi sapat ang kanyang kinikita upang mapantayan ang mga ibinibigay ng dating asawa.
“Mommy, pwede po bang kay daddy kami matulog ngayong weekend?”, paalam ng anim na taong gulang na anak na si Carly.
“Sige na Mommy, ngayon lang naman po ulit e.”, dagdag pa ng panganay niyang anak na si Mark.
“Ano na naman ‘yan? Bakit ba gustong gusto niyo doon? E ang init init sa bahay ng ama niyo. Wala ngang aircon doon e. Tapos ano na lang uulamin niyo? Isda na naman?”, inis na sabi ni Sarah.
Hindi sumasagot ang dalawang bata. Alam nilang kapag dinagdagan pa nila ang sasabihin, o kung magpaliwanag pa sila, ay mababawasan ang tiyansa na sila ay payagan. Gustong gusto ng dalawang bata sa kanilang ama. Kahit na simple lamang ang pamumuhay nito dahil sa kakulangan sa pera.
“O sige na. Oo na. Umuwi kayo ‘pag sinabi kong umuwi kayo ah. Isang tawag ko lang at hindi kayo umuwi, hinding hindi na kayo makakabalik doon.”, pagbabanta ng ina sa dalawang anak. Takot lamang ito na malamangan siya ng dating asawa.
Nang dumating na ang Linggo ng gabi, inihatid na ni Ryan ang dalawa sa gate ng bahay ni Sarah. Alam nilang lahat na hindi pwedeng lumagpas ng gate ang mga paa ni Ryan dahil manggagalaiti sa galit si Sarah kung nagkataon.
“Daddy, I love you! Ingat po kayo.”, malambing na sabi ni Carly sa ama pagkahatid nito sa kanya.
Pagkapasok pa lamang ng dalawa, sinalubong na sila ng bunganga ng kanilang ina.
“Ano? Nag-enjoy kayo? Paano kayo mag-eenjoy e puro pang mahirap na pagkain lang kinakain niyo doon?”, nakangiting tanong ni Sarah. Halatang iniinis ang mga bata upang hindi na bumalik doon.
“Ok lang po, kasama naman po namin si daddy.”, sagot ng panganay.
“Ah ganoon ba? Ako itong nagpapakahirap magtrabaho sa clinic para may maipakain sa inyong masasarap araw-araw. Para may maipasahod sa yaya niyo. Para may maipang-aral kayo. Para may maipangluho kayo! Bakit gustong gusto ninyo sa ama niyo? Hindi ba ako sapat?”, inis na tanong ng ina.
“Hindi naman po.”, nangingilag na sagot ng panganay.
At dahil bata pa at hindi marunong magsinungaling, sumagot ng tunay ang anim na taong gulang na si Carly.
“Kasi po lagi kami nilalaro ni Daddy. Mabait po siya saka lagi po siyang may oras sa amin. Hindi rin po kami pinapalo kapag walang ginagawang masama.”, paliwanag ng batang babae.
Lalong nanggigil sa inis si Sarah. Hindi niya matanggap ang sinasabi ng mga bata. Lubos ang kanyang galit na hindi nakikita ng kanyang mga anak ang hirap na ginagawa niya sa pagtatrabaho para may perang maiuwi sa mga ito.
“Hindi puro ganon! Palibhasa e walang kwenta ang trabaho ng ama niyo kaya maraming oras para sa inyo. Hindi tulad ko!”, patuloy ang paninira ng babae sa pagkatao ng dating mister.
“May oras din naman po kayo e, pero yung oras ninyo puro po kayo cellphone. Puro po kayo nood ng tv. Marami po kayong oras pero wala po para sa amin.”, sagot ng panganay na anak, na hindi na makapagpigil dahil nasasaktan sa mga masasakit na salitang sinasabi ng kanyang ina laban sa ama.
“Eh di doon na lamang kayo! Ganoon naman pala e! Para guminhawa ang buhay ko. Tutal napakalaki ng gastusin ko sa inyo, tapos hindi naman pala ninyo napapansin. Tawagan niyo na ang tatay niyo. Ngayon din! Magpasundo na ulit kayo!”, galit na galit na sabi ni Sarah, na tila hindi mga bata ang kausap.
Umalis ang dalawang bata na sinundo ng kanilang ama. Iyak nang iyak ang ginang sa ginawang desisyon. Napagtanto niyang mag-isa na naman siya sa bahay, at hindi na babalik ang kanyang dalawang anak dahil pinalayas niya na ang mga ito.
Tinawagan niya ang ina dala ng sobrang kalungkutan at kinuwento ang nangyari.
“Alam mo, Sarah, eto lang ang masasabi ko. Tutal noon hindi ka nakikinig, sana ngayon pakinggan mo na. Napapansin ko ang labis na pagkainit ng ulo mo sa tuwing nilalapitan ka ng mga anak mo. Lahat ng gawain sa bahay, ang yaya ninyo ang gumagawa. Ikaw, parating nakahiga?”, prangkang sinabi ni Lydia, ang nanay ni Sarah.
“Eh, Ma! Alam mo namang pagod ako sa trabaho. Hindi ko kayang gawin lahat -lahat ng mag-isa!”, paliwanag ni Sarah sa kanyang ina.
“Alam ko, naiintindihan ko. At sa totoo lang, kita ko sa batang isip ng mga anak mo na naiintindihan nila. Sarah, puro na lang ba ikaw ang iintindihin? Intindihin mo ang kalagayan nila. Palagi mo silang pinapalo. Ang init ng ulo mo sa trabaho, dinadala mo pag-uwi sa bahay ninyo.”, diretsong sinabi sa kanya ng kanyang ina.
“At isa pa, hindi lang puro pera ang kailangan ng bata. Kailangan nila ng kalinga, oras at pagmamahal, Sarah. Hindi sila mga empleyado mo na pinapasahod mo. Hindi sila mga robot. Kung kausapin mo sila e parang hindi sila mga bata.”, dagdag pa ng kanyang ina.
Dahil hindi matanggap ang mga naririnig, umiral na naman ang init ng ulo ng babae. Binabaan niya ng telepono ang kanyang ina at nagmukmok mag-isa sa bahay.
Nakatulog nang umiiyak si Sarah, nang managinip siya na nawala ang kanyang mga anak. May masasamang loob daw na dumukot at kumitil sa buhay ng dalawa niyang anak. Hingal na hingal nang magising si Sarah na halos mabaliw sa napanaginipan. Kaya walang nang pag-aatubuli at agad niyang tinawagan ang kanyang mga anak. Humingi siya ng tawad sa mga ito at sa lahat ng pagkukulang niya.
“Mga anak, patawarin ninyo si Mama. Alam ko ay marami akong pagkukulang sa inyo. Maniwala kayo, gagawin ni Mama ang lahat ng aking makakaya para hindi na maulit ang mga ginagawa ko noon.”, pagsusumamo ng ina sa dalawang anak habang nakaluhod sa harap ng mga ito.
Dagdag pa niya, “Umuwi na kayo, please? Pangako, magiging mabuting ina na ako sa inyo. Pangako.”
Agad namang ngumiti ang dalawang bata, sabay sabing “Mama, mahal na mahal ka po namin. Tara, uwi na po tayo?”
Kinausap din ni Sarah ang dating asawang si Ryan. At dahil sigurado na sila sa desisyong maghiwalay, pinagkasunduan na lamang nila kung paano ang schedule ng pagdalaw ni Ryan sa mga bata.
Magmula noo’y hindi na ipinagdamot ni Sarah ang mga bata sa kanilang ama. Itinigil na rin niya ang pakikipagkompetensiya sa dating asawa, at tinanggap na kailangan ng ama ng kanyang mga anak.
Nagbago na rin sa pakikitungo sa mga bata si Sarah. Pinigilan na niya ang pamamalo ng walang dahilan at hindi na rin niya ito sinasabihan ng masasakit na salita sa tuwing ito’y magagalit.