Wasak ang Puso ng Binata Dahil Nabuntis ng Iba ang Babaeng Mahal Niya, Nang Marinig Niyang Iiwan Ito ng Nobyo ay Nagprisinta Siyang Panagutan ang Bata
Hinding hindi malilimutan ni Alvin ang unang beses nakita niya si Martina. Bata pa lamang siya noon, naglalaro siya ng basketball sa kanilang bakuran nang tumigil ang isang van kasunod ang isang malaking truck. Ibinaba ng mga kargador ang kagamitan ng bago nilang kapitbahay, manghang mangha pa nga siya nang makita ang malaking TV na buhat ng mga ito. Matagal niya na kasing inuungot sa mommy niya na ibili siya ng ganoon sa kwarto niya.
Pero mas lalo siyang natulala nang masulyapan ang batang babae na bumaba mula sa van. Maamo ang mukha nito at may bitbit na teddy bear, nang makita pa siya nito ay ngumiti ang bata. Alam ni Alvin, mula noon ay inangkin na nito ang kanyang puso. Kaya naman nang magbinata siya at ngayong isa na siyang ganap na nurse ay hindi niya pinalagpas ang pagkakataon na makipagkaibigan sa dalaga, nais niyang bigyan ng panahon ito upang makilala muna siya. Ayaw niyang ligawan kaagad, bukod doon ay nasa huling taon pa lamang ng kolehiyo si Martina, mas matanda siya rito ng dalawang taon.
“Buti na lang hindi na kuya ang tawag mo sa akin no? Mas mukha ka kasing matanda sa akin eh,” sabi niya rito isang hapon, nakiki-meryenda siya sa bahay ng mga ito.
Ibinato naman ng dalaga sa kanya ang isang pirasong biscuit, “O iluwa mo yang kinakain mo, nakikikain ka nalang nambubwisit ka pa, isusumbong kita kay Tita.” sabi nito.
“Mas mahal ako ng tita mo kaysa sayo,” pang aasar niya pa. Ang totoo ay naaawa siya sa dalaga, tita lang kasi nito ang nagpalaki rito, wala rin itong kapatid. Hindi niya sinubukang magtanong kung nasaan ang mga magulang nito dahil baka ayaw nitong pag usapan iyon.
“Tama na yang asaran nyo dyan, pareho ko kayong mahal. Ikaw Alvin, wala ka bang shift sa ospital?” tanong ng tita nito na kanina pa pala nakikinig sa usapan nilang dalawa.
“Wala tita, talagang mas gusto kong ubusin ang day off ko sa pang aasar sa pamangkin mo.” sabi niya habang punung puno ng biscuit ang bibig.
Napailing naman ito, bago muling nagsalita, “Tina, pwede ka bang makausap sandali.” Tumayo ang dalaga at nag usap ang mga ito, di niya alam kung ano ang pinagbulungan ng dalawa pero sure siya na good news iyon dahil mukhang masaya si Martina nang bumalik sa kanya.
Mabilis lumipas ang isang taon at naka-graduate ang dalaga, dahil matalino ito ay agad rin itong nakahanap ng trabaho. Sobrang saya ni Alvin dahil sa tingin niya ay ito na ang tamang oras upang ipagtapat ang pag ibig niya, ilang taon na rin siyang naghintay. Kaya naman nang gabing iyon, nagpa-pogi talaga siya! May bitbit siyang rosas at naka-polo pa siya nang kumatok sa bahay ng mga ito.
Gulat naman na pinagbuksan siya ng pinto ni Martina. “Aba, san ang burol?” biro nito sa kanya, sa halip na mainis ay nginitian niya lamang nang pagkatamis tamis ang dalaga, namula naman ang pisngi nito.
Upang basagin ang katahimikan ay nagsalita muli si Martina. “T-tamang tama ang dating mo, may ipapakilala ako sayo. Sumunod ka sakin.” sabi nito at biglang tumalikod. Nagtataka man ay sumunod na si Alvin, ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makitang nakaupo sa salas ang isang gwapong lalaki.
“Matthew, sya si Alvin. Alvin, siya si Matthew ang-” hindi na natapos pa ni Martina ang sasabihin dahil agad na pinutol ito ni Alvin.
“May nakalimutan pala ako sa bahay namin. Nice meeting you pare, sige,” sabi niya lang. Tinanguan ang babae at malalaki ang hakbang na lumabas sa bahay ng mga ito.
Simula noon ay hindi na siya nagparamdam pa kay Martina, ang sakit sakit ng puso niya. Biruin mo, ilang taon siyang naghintay tapos sa isang iglap ay wala na ang babaeng mahal niya. Masama ba na naghintay sya hanggang maka-graduate na ito? Masama bang unahin niya ang kapakanan nito kaysa sa puso niya? Kung alam niya lang, niligawan niya na ito dati pa. Edi sana, hindi na siya naunahan.
“Torpe ka kasi. Torpe ka, g*go!” sabi niya sa sarili habang padabog na isinasalansan ang mga patung patong na papel sa nurse’s station. Naka-duty siya ngayon sa ospital, ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makita niya si Martina na lumabas sa klinika ng OB Gyne, ang doktor na tumitingin sa mga buntis. Kasama nito si Matthew.
Diyos ko po!
Hindi maaari! Parang binudburan ng asin ang wasak niyang puso, paano na ang gagawin niya, mukhang tuluyan nang mawawala sa kanya si Martina kung buntis nga ito. Hindi niya alam kung ano ang nagtulak sa kanya pero sinundan niya nang palihim ang dalawa. Nagkubli siya sa isang pader at nakinig sa usapan ng mga ito.
“Paano na ang gagawin natin? ang lungkot ko, akala ko pa naman ay simula na ito ng pagbabagong buhay natin.” sabi ni Martina.
Nanlalaki ang mata ni Alvin.
“Hayaan mo na. Siguro tanggalin nalang natin siya sa eksena, okay naman tayo diba kahit wala siya? Hindi na malalaman ng tita mo ito dahil malulungkot siya.” sabi naman ni Matthew.
Napahawak sa dibdib niya si Alvin, at ang damuhong ito! Gusto pang ipalaglag ang bata!
“Ano? Baliw kaba? Hindi natin siya pwedeng tanggalin sa sistema, parte siya ng buhay nating dalawa Matthew. At bakit naman hindi sasabihin kay Tita? Karapatan niyang malaman.” sabi ulit ni Martina sa lalaki.
“Ah basta ako, mas gusto kong tanggalin na siya sa buhay ko at kalimutan. Move on nalang ganon,” sabi nito at inakbayan pa ang babae. Di na nakatiis pa si Alvin, ano’ng klaseng tao itong boyfriend ni Martina na papatayin ang sariling anak? Lumabas siya mula sa pagkukubli at hinawakan sa balikat ang nagulat na lalaki.
“O Alvin kumusta pare-“
“Alam mo kung wala lang ako sa trabaho, nasuntok na kita! Gagawa gawa ka ng kalokohan pare di mo pala kayang panindigan, kung ayaw mong panagutan si Martina ayos lang! Ako ang aako sa kanilang dalawa, pakakasalan ko sya at ako ang kikilalaning ama ng baby nya. Walang awa ka sa inosenteng anghel pare, mamahalin ko ang batang yan na parang akin. Umalis ka dyan,” sabi niya at kinuha ang kamay ni Martina upang ilayo roon. Nakaramdam pa siya ng konting inis dahil tila natatawa ang babae.
“Huy teka lang. Teka lang sabi!” sabi nito at pinigilan siya, nagtataka namang napatingin siya rito.
“Ano? Akala mo hindi ko nakita na galing kayo sa OB Gyne? Buntis ka diba? Wala ka nang maililihim sa akin. Wag kang mag alala Tina, mahal kita noon pa. Ako ang bahala sa baby mo, mula ngayon, ako na ang ama niya.” sabi niya rito, nakapagtapat tuloy siya ng pag ibig nang di oras.
“Umamin ka rin! Kailangan pang mapagkamalan mo kami ng kakambal ko,” sabi nito.
“Ha?” nalilitong sabi niya.
“Ano ‘ha’? Tignan mo, pati ang kakambal kong si Matthew ay nalito sa pinagsasabi mo,” sabi ng babae. Sinulyapan niya si Matthew at naroon nga ang pagkalito sa mukha nito, maya maya pa ay natawa ito.
Teka, kambal ang dalawa?!
“Bakit di mo sinabi sa akin?” nanlalaki ang matang sabi niya sa babae.
“Dahil nag walk-out ka nung ipinapakilala ko sya sayo! Sya yung matagal naming hinanap ni Tita, at ngayon ay hinahanap namin ang tunay naming ina. Kaya kami nanggaling sa OB dahil sabi ni Tita ay ang matandang doktora raw ang nagpaanak sa nanay namin, sa kasamaang palad ay walang alam ang doktora sa kinaroroonan ng nanay namin. Kaya rin sabi ni Matthew, kalimutan na lang at mag move on..”
Natulala naman si Alvin, di siya makapagsalita. Grabe.
“Huy? Kanina ang tapang mo.. ano nga ulit yung sabi mo? Mahal mo ako?” kinikilig na sabi ni Martina.
Hindi pa nakakasagot si Alvin nang biglang lumapit si Matthew, “Ops, ligawan mo muna pare.” biro nito.
Tinotoo iyon ni Alvin, niligawan niyang muli si Martina at matapos ang isang buwan ay sinagot rin siya nito. Hindi niya ito minadaling magpakasal dahil hinayaan niya muna ang dalaga na makapagtrabaho at ma-enjoy ang buhay, ayos lang sa kanyang maghintay. Nakapaghintay na siya nang matagal na panahon, ano ba naman yung dagdag na ilang taon?
Bukod pa doon, alam naman ni Alvin na sulit ang kanyang paghihintay kung si Martina naman ang kapalit.