Inday TrendingInday Trending
Hindi Marunong Bumasa at Sumulat ang Kargador na Ito Kaya’t Araw-Araw ay Pinapahiya ng Kaniyang Amo; Isang Trahedya ang Naganap at Nanginig sa Hiya ang Malupit na Amo

Hindi Marunong Bumasa at Sumulat ang Kargador na Ito Kaya’t Araw-Araw ay Pinapahiya ng Kaniyang Amo; Isang Trahedya ang Naganap at Nanginig sa Hiya ang Malupit na Amo

“Hindi mo ba alam ang pagkakaiba ng letrang A at B!? Sabihin na nating wala ka ngang pinag-aralan pero kailangan mo pa bang kumuha ng abogasya para malaman ang pagkakaiba ng mga letra?! Ang bobo!” Saad ni Homer sa pobreng kargador na si Isagani.

Halos wala na rin namang pakiramdam ang binata sa araw-araw ba namang kinagagalitan siya ng amo. Kailangan niyang kumita ng pera upang maipagawa ang kanilang bahay sa probinsya. Kamakailan lang ay nasalanta ito ng bagyo.

“Pronto! Bilis! Hindi naman kailangan ng utak sa trabahong ito! Ang bagal na nga ng utak mo, ang bagal mo pang kumilos!” Tila nawala sandali sa katinuan si Isagani nang makita niya ang isang aleng kumakain ng bananaque. Alas tres na ng tanghali ngunit wala pang laman ang tiyan niya.

Nang marinig ang amo’y paspas ito sa pagbubuhat ng 20 kilong baboy. Hindi alintanang tumutulo ang pawis sa mata na may halong katas ng kinatay na baboy.

Nang matapos ay umupo ito sa gilid ng truck at kinapa ang bulsa. Otso pesos na lamang ang pera niya at tatlong araw pa ang hihintayin niya upang makuha ang sahod. Agad itong bumili ng tig-pisong sitsirya at kalahating order ng kanin.

Mabuti na lamang at may kasamahan siyang may baong toyo. Sinabawan niya ang kanin ng toyo at wala pang sampung segundo’y naubos niya iyon.

Maya-maya’y napansin niyang itinapon lamang ng batang akay ng kaniyang nanay ang kinakain nitong hotdog, agad niya iyong pinulot at kinain.

Nang sumapit ang gabi’y inatasan silang maglinis ng truck ng amo ngunit nagsitulugan na ang kaniyang mga kasamahan kaya’t mag-isa niya na lamang itong ginawa. Nagmamadali na siyang matapos upang kahit papaano’y makatulog pa. Alas diyes na ng gabi, pagsapit ng alas tres ay kailangan na nilang gumising upang magbuhat ng mga bagong katay na baboy.

Natigilan sa ginagawa si Isagani nang may maamoy siyang tila nasusunog. Akala niya’y may nagsisiga lamang sa may malapit. Pagbaba ng trak ay nanlaki ang mga mata niya nang makitang nagliliyab na sa di kalayuan ang unahang bahagi ng palengke.

Maya-maya’y nagkakagulo na ang mga tao. Nakita niya ang among si Homer na nagsisisigaw. “Nasa loob ang misis at anak ko! May kinuhang mga gamit sa bodega!”

Akmang susuongin nito ang nagaapoy na palengke ngunit pinigilan ito ng mga bumbero.

Walang kagatol gatol na tumakbo ng matulin si Isagani at sinuong ang nagliliyab na apoy, agad itong tumungo sa bahaging bodega.

“Mama! Hindi ako makahinga!” Narinig ni Isagani ang tinig ng batang si Jana. Nanghihina na ito at hindi na maidilat ang mga mata.

“Tulong! Parang awa niyo na! Tulungan niyo kami ng anak ko!” Wika ng babaeng among si Precy. Paos na paos na ang boses nito at lapnos ang mga braso’t likuran.

Agad niyang binuhat ang mag-ina at idinerecho sa palikuran ng banyo, mabuti na lamang at may nahablot siyang tuwalya. Nilublob niya iyon sa tubig at itinaklob sa mag-inang nagtatatarang sa sakit ng mga nalapnos na balat.

Walang pagdadalawang isip na sinuong niya ang mas lumalaking apoy sa daan palabas ng palengke. Unti-unti na ring nagigiba ang mga kahoy na pundasyon nito.

Ingat na ingat niya ang ulo ng mag-ina habang kada takbo’y may bumabagsak na kahoy sa kaniyang ulo at sa kanilang katawan.

Bawat hakbang ay naramdaman ng pobreng binata na tila binibiyak ang kaniyang mga paa. Lapnos na rin pala iyo. Tiniis niya ang nanunuot na hapdi ng katawan at mga tinamong sugat sa mga nagbabagsakang kahoy hanggang sa nailabas niya ang mag-ina. Agad naman silang sinalubong ng mga bumbero at nag-aabang na ambulansiya.

Bawat kirot ng sugat ay damang-dama ni Isagani. Bumalik sa kaniyang ala-ala ang kaniyang pagkabata. Kung saan tangan-tangan siya ng ama’t-ina habang pinapatawa. Naaninagan niya rin ang mukha ng kaniyang pinakamamahal na nobyang pinangakuan niyang babalikan sa probinsya sa oras na makapag-ipon. Huling-huli’y nakita niya ang mukha ng lolang nagpalaki sa kaniya.

“Apo, tama na ang pagdurusa. Kumapit ka na sa liwanag.” Saad ng kaniyang mahal na lola.

Unti-unti’y lumalaki ang liwanag at nang tuluyan niyang ipikit ang mga mata’y biglang nawala ang lahat ng hapdi at kirot na kaniyang nararamdaman. Tila napalitan iyon ng kasiyahan at sa unang pagkakatao’y nakaramdam siya ng kaginhawaang hindi niya maipaliwanag.

Nang dalhin sa ospital ay wala nang buhay si Isagani. Minor burns lamang ang tinamo ng anak ni Homer na si Jana habang si Precy naman ay nagtamo ng 2nd-degree burns. Gayunpaman ay ligtas na ang kaniyang mag-ina sa kapahamakan.

Humahagulgol si Homer habang yakap ang bangkay ng binata. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na nito ramdam ang kaniyang mga yakap, hindi na nito naririnig ang kaniyang hagulgol.

Hindi natin alam kung hanggang kailan na lamang tayo dito sa mundo, gayundin ang buhay ng ating kapwa. Kaya’t hanggang maaari ay magpakita tayo ng pagmamahal at kabutihan sa kanila. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement