Inday TrendingInday Trending
Binibiro ng Baklang Parlorista ang Customer Niyang Dahil Marami Itong Sugat sa Ulo, Mabigat Pala ang Pinagdaraanan ng Bata

Binibiro ng Baklang Parlorista ang Customer Niyang Dahil Marami Itong Sugat sa Ulo, Mabigat Pala ang Pinagdaraanan ng Bata

Mag-i-isang taon pa lamang na nagtatrabaho ang baklang si Florante sa isang beauty parlor bilang manggugupit. Marunong rin siyang mag-rebond ng buhok, ang totoo ay dito na lamang siya natuto dahil di niya naman talaga binalak na magtrabaho dito sa Maynila, kaya lang siya napadpad rito ay para hanapin ang kanyang kapatid na babae, si Myra. Maraming taon na ang lumipas nang umalis ito sa kanila sa probinsya at ngayon lamang siya nakaipon ng lakas ng loob upang hanapin ang kapatid. Pero ilang buwan na siyang naghahanap at mauubos niya na rin ang ipon niya pero di niya pa rin ito nakikita, kaya naman namasukan muna siya rito sa parlor upang kahit paano ay may income siya.

“Baklang Floring, ano yang pagkatulala mo dyan? Hinahanap ka na ng customer mo. Ikaw raw ang gustong maggupit sya kanya, baklang to, nilagyan mo ng gayuma ang tubig na inispray mo sa buhok niyan ano, para maging suki mo?” biro sa kanya ng isa pang baklang manggugupit. Abala ito sa pagti-trim ng buhok ng isa pang customer.

Sinilip niya ang tinutukoy nitong customer at nakita niya ang labing isang taong gulang na si Arianne, suki niya nga ito dahil sa kanya palagi nagpapagupit. Bukod kasi sa mabait siya, naaaliw ang bata dahil mahilig siyang magkwento, hindi rin siya nadidiri sa ulo nitong maraming sugat.

“Upo ka princess, ano ang gusto mong gupit? Kalbuhin na natin ang buhok mong parang walis tambo?” biro niya rito.

Natawa naman ang bata, sanay na ito sa kanya. “Hindi po Kuya Florante, gupitan mo po kahit hanggang balikat.M-may libreng shampoo pa rin po ba ako?” sabi nito.

“Diyos ko po! Hindi kita ililibre ng shampoo kung Kuya ang tawag mo sa akin, baka sabunutan pa kita.” aniya pero natatawa rin, sa totoo lang ay naaawa siya sa batang ito. Nakikita niya kasi ang kanyang kapatid na si Myra sa bata, hawigin nito ang babae noong maliliit pa lamang sila.

Sinimulan niya nang gupitan si Arianne, sa totoo lang ay medyo nagtataka siya dahil sa edad nito ay ito lamang ang mag isang pumupunta sa kanya para magpagupit sa parlor. Ang iba ay sinasamahan pa ng magulang. Nalaman niya rin sa bata na nag iipon talaga ito ng pera para may pampagupit.

“Day, matanong ko lang. Dati ka bang may kuto? Ang dami kasing sugat ng ulo mo, pero wala naman akong makitang lisa. Parang malinis naman,” sabi niya habang tuloy lamang siya sa paggugupit.

“Wala po akong kuto. Alam nyo po bang nag eenjoy akong kausap kayo? Kaya talagang nag iipon ako para lang makakapunta ako rito at magpapagupit.” pag iiba ng usapan na sabi nito. Halata naman iyon, medyo maiksi pa kasi ang buhok nito ay gusto nang magpagupit ulit sa kanya, nakakaunawa namang sumulyap rin ang katabi niyang bakla na naggugupit, tila ba may alam ito.

“Bakit dito ka lang ba masaya? Wala bang happy sa bahay nyo?” biro nya pero di na sumagot ang bata at ngumiti lang. Medyo nailang naman si Florante at nagtuloy na sa paggugupit. Maya maya pa ay iginiya niya na ang bata upang shampoo-hin ito, kukuha siya ng shampoo nang bigla siyang hilahin ng kanyang kasamahang bakla sa isang gilid.

“Luka luka ka! Bakit mo tinatanong ng ganoon iyang si Arianne, hindi mo ba alam?” sabi nito na kinurot pa ang kanyang tagiliran.

“Aray! Ang ano? Hindi alam ang ano?” nalilitong tanong niya.

“Binubugbog ng ama yan, ang bali-balita ay iniuuntog sa pader kaya nagkakasugat sugat ang ulo,” sabi nito. Gulat na gulat naman siya sa kanyang narinig.

“Eh ang ina? Nasaan raw? Bakit pumapayag?”

“Ang alam ko, may sakit na ang nanay ng batang yan. Nakaratay raw at lumalaki ang tyan, kawawa yan.” sabi nito. Binalot ng pagkahabag sa bata si Florante, nang shampoo-han niya ito ay medyo nailang pa ang bata dahil naiiyak niya itong tinititigan.

“Day, may baon akong pagkain. Gusto mo hati tayo? Pauwi na rin ako mamaya eh, sasamahan na kitang makauwi para kwentuhan tayo sa daan,” sabi niya sa bata, nais niyang ihatid ito hanggang sa bahay upang masigurong safe itong makauwi. At wag lang sanang ma-tyempuhan na makita niya ang ama nito dahil ipapa-barangay niya talaga ang lalaki.

“Talaga po? Sige!” masayang sabi ng bata.

Pagkatapos kumain ay sinamahan niya na itong maglakad pauwi. Sa iskwater ito nakatira, habang papalapit sa bahay ng bata ay palakas nang palakas ang tibok ng puso ni Florante sa hindi niya maipaliwanag na dahilan.

“Pasok po kayo, ayos lang ho. Wala ang tatay ko,si nanay lang ang nandito.” sabi ng bata at niluwagan pa ang bukas ng pintuang kahoy.

Agad na bumungad kay Florante ang isang babaeng hinang hina na nakaratay sa papag. “Kuya Florante, nanay ko po.” sabi ng bata.

Ngingiti sana si Florante pero nanlaki ang mata niya nang matitigan ang mukha ng babae. Ang laki ng ipinayat nito pero hinding hindi niya malilimutan ang mukhang iyon, ang kapatid niyang si Myra!

“Myra!” sabi niya.

“K-kuya..sabi ko na nga ba susunduin mo ako balang araw.” lumuluha pero nakangiting sabi nito.

May cancer sa bituka si Myra, nang gabing iyon ay inialis niya ang mag ina sa miserableng buhay ng mga ito at inilipat sa kanyang apartment. Nang magtangkang manggulo ang mister nito ay ipinakulong niya ang lalaki, sapat nang ebidensya ang mga sugat sa ulo ni Arianne para hindi na makalaya pa ito.

“Kaya pala ayaw kong tinatawag mo akong Kuya Florante, Tito Floring mo pala ako.” sabi niya kay Arianne at niyakap ito.

Siya ang nag alaga sa mag ina, di nagtagal ay pumanaw na si Myra. Si Florante na lamang ang tumayong magulang sa kanyang pamangkin, babawi siya sa kanyang kapatid sa pamamagitan ng pagmamahal sa anak nito.

Alam niyang nakangiti si Myra kung saan man ito naroon dahil panatag na ang loob nito, dumating na ang kanyang Kuya upang alagaan ang naiwan niyang anak.

Advertisement