Inday TrendingInday Trending
Nagmalasakit ang Nurse sa Matandang Inabandona na ng Pamilya sa Ampunan, Grabeng Biyaya Pala ang Babalik sa Kanya

Nagmalasakit ang Nurse sa Matandang Inabandona na ng Pamilya sa Ampunan, Grabeng Biyaya Pala ang Babalik sa Kanya

Limang buwan nang namamalagi si Aling Tessy sa isang Home for the Aged kung saan siya ipinagkatiwala ng kaniyang mga anak. Mas gusto pa ng mga ito na magbayad ng ibang tao upang alagaan siya, ni hindi nga siya madalaw ng mga ito.

“Malungkot ka nanaman Nanay Tessy, ano’ng iniisip mo?” Tanong ng kaniyang nurse na si Faith.

“Nami-miss ko lang ang mga anak at apo ko iha, hayaan mo’t lilipas din ito.” sagot niya.

Hindi naman mapakali si Faith sa tuwing nakikita niyang malungkot at tulala ang matanda, kaya hangga’t kaya niya itong samahan sa kaniyang silid ay ginagawa niya.

“Gusto mo bang maglakad-lakad tayo sa labas? Pwede kitang samahan.” Wika niya.

“Mabuti pa nga, at naiinip na rin ako rito sa aking kwarto.”

Inalalayan niya ang matanda sa pagtayo at sinamahan sa kaniyang paglalakad sa hardin.

Doon ay masayang nagkwento si Tessy ng tungkol sa kaniyang kabataan.

“Alam mo noon iha, napakarami kong manliligaw, pero isa lang ang nagpatibok ng puso ko.”

“Mukhang mala-beauty queen ang ganda niyo noon nanay ah.”

“Aba’y oo sinabi mo pa, madalas akong isali ng aking nanay sa mga patimpalak, palagi rin akong nananalo.”

Natutuwa si Faith na makitang kahit papaano ay nababaling ang lungkot ng matanda sa ibang bagay. Bagaman alam niyang pansamantala lamang ito ay masaya na siyang makita itong ngumingiti.

“Nay, maggagabi na po, kailangan ko na kayong ihatid sa inyong silid.” wika niya.

“Sige iha, tayo na.”

Kinaumagahan ay nakita nanaman niyang malungkot ang matanda at tila malalim ang iniisip. Agad niya itong binati upang painumin na ng mga bitamina at kwentuhan. Kitang kita naman sa mukha ni Tessy ang kaniyang pananabik na makitang muli ang paborito niyang nurse.

“Good morning nanay!” masayang bati ni Faith.

“Andito ka na pala, kanina pa kita hinihintay, wala akong makausap dito eh.”

“Naku pasensya kana ha, may pasyente kasi doon sa kabilang ward nagwawala, Aling Tessy ha, baka mamaya ganun ka din wag mo kong pahihirapan.” Biro niya. Hinampas naman siya si Tessy habang tumatawa.

Kagaya ng nakagawian ay lumipas ang maghapon ni Tessy sa hardin, kung minsan ay binabalik balikan siya ni Faith upang kamustahin. Minsang nakigamit si Tessy ng telepono ngunit ayaw nitong ipaalam sa nurse kung sino ang kaniyang tatawagan. Kinabukasan ay dumating ang isang abogado at matagal itong nakipagusap kay Tessy ng pribado. Paglabas nito ay agad namang pumasok si Faith sa kaniyang silid.

“Anak niyo ba yun nay? Parang ngayon ko lang yun nakita ah.” Paguusisa niya.

“Ah hindi, kaibigan ko lang iyon dumalaw para kamustahin ako.” Sagot niya.

Naging masaya ang pamamalagi ni Tessy doon dahil kay Faith, makalipas nga ang dalawang taon ay binawian na ito ng buhay dahil sa mga dumapong sakit at komplikasyon, labis naman itong ikinalungkot ni Faith.

Makalipas nga lang ang tatlong linggo ay bumalik ang abogado na dumalaw kay Tessy at kinausap si Faith.

“Hindi sayo ipinaalam ni Tessy pero labis siyang nagpapasalamat sa mga araw na sinamahan mo siya.”

“Bukal naman ho iyon sa loob ko dahil napamahal na rin sya sakin, kayo po ang abogado nya di po ba?”

“Ako nga iha, gusto ko lang ibigay sayo itong pamana na iniwan ni Tessy para sa iyo.”

Iniabot sa kaniya nito ang isang tseke na may malaking halaga kalakip ang isang liham mula sa matanda at ipinaliwanag ang mahigpit na bilin nito na ibigay ito sa kaniya sa oras na siya ay pumanaw.

“Hindi ko ho ito matatanggap.” wika niya.

“Tanggapin mo na iyan, maliit na pera lang iyan kumpara sa mga kayamanan na iniwan niya para sa kaniyang mga anak. Sige ka baka multuhin ka nun.”

Sa pagpupumilit ng abogado ay tinanggap na ni Faith ang bigay na tseke at binasa ang maiksing liham ni Tessy para sa kaniya.

“Faith, salamat sa lahat ng ngiting idinulot mo sa akin, babaunin ko ito magpakailanman, sana ay tanggapin mo ang huli kong regalo para makatulong sa iyong buhay. Mahal kita. -Tessy.”

Hindi na napigilan ni Faith ang maluha, malaking tulong sa kaniya ang iniwang salapi ni Tessy, ginamit niya ito upang mabayaran ang mga utang ng kaniyang pamilya at ang iba ay itnabi niya sa kaniyang ipon. Palagi niyang inaalala ang kaibigang matanda sa tuwing madadaanan niya ang silid nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement