Inday TrendingInday Trending
Nanilbihan ang Dalaga sa Bahay ng Amo, Hindi Siya Makapaniwala na ang Kanyang Pinagsisilbihan ay ang Dating Nobyo

Nanilbihan ang Dalaga sa Bahay ng Amo, Hindi Siya Makapaniwala na ang Kanyang Pinagsisilbihan ay ang Dating Nobyo

Alas nuwebe ng umaga nang makarating si Yasmin sa bahay ng kanyang magiging amo. Nahuli siya ng kalahating oras dahil sa matinding traffic sa EDSA.

“Hala, late na ako!” nag-aalalang wika sa sarili.

Pinindot niya ang doorbell ng dalawang beses. Di natagal ay pinagbuksan siya ng isang matandang babae.

“Magandang umaga po, ito na po ba ang bahay ni Mr. Melendrez?” tanong niya sa matanda.

“O, hija. Ito nga! Ikaw na ba ang bagong kasambahay?” anito.

Natagalan bago niya sinagot ang tanong ng kausap.

“Hmm… Opo, ako nga po,” mahina niyang sabi.

“Halika, tuloy ka hija!” paanyaya nito at pinapasok siya sa loob ng bahay.

Bigla siyang nakaramdam ng kalungkutan at inggit nang makita ang kabuuan ng malaking bahay ng kanyang amo.

Ako nga pala si Manang Ester, ang katiwala ni Sir,” pakilala ng matanda.

“Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ako po si Yasmin.”

“Ihahatid kita sa tutulugan mo,” sabi pa ng matanda.

Ipinakita nito sa kanya ang isang maliit na kuwarto na may maliit na kama. Walang masyadong gamit ang bago niyang matutulugan.

Pagkatapos ipakita ng matanda ang kanyang kuwarto ay dinala naman siya nito sa kuwarto ng kanilang amo.

“Ito ang kuwarto ni sir. Ito ang lilinisin mo araw-araw.”

Namangha si Yasmin sa hitsura ng kuwarto ng amo. Napakalaki at maluwag iyon na mayroong malaking kama. May magandang carpet sa lapag at may malaking bintana na may salamin. Airconditioned din ang kuwarto kaya nakaramdam na naman ng inggit ang dalaga.

“Napakasuwerte naman ng may-ari nito,” bulong niya sa sarili.

Bigla tuloy siyang na-curious sa amo.

“Manang Ester, ano po ang hitsura ng amo natin? Kumusta naman po siya bilang amo?” tanong niya sa matanda.

“A, si sir? Naku, napakaguwapong bata at napakabait din. Hayaan mo at makikilala mo rin siya mamayang gabi kapag dumating na.”

Napansin niya na wala man lang mga picture frame o kuwadro sa loob ng bahay. Hindi niya tuloy mapatotohanan ang sinabi ng katiwala na guwapo ang kanilang amo.

Mabilis na lumakad ang oras hanggang sa mapansin ni Yasmin na alas singko na ng hapon.

“Wow, ang bang-bango naman po ng niluluto niyo manang!” sabi niya sa matanda habang nilalanghap ang amoy ng niluluto nitong ulam para sa hapunan.

“Talaga ba? Paborito kasi ni sir ang kare-kare kaya ito ang niluto ko.”

Nang may biglang naalala si Yasmin.

“K-kare-kare?” aniya.

“Bakit hija, paborito mo rin ba ang kare-kare?”

Naalala ng dalaga ang isang tao na paborito rin ang ulam na iyon. Napansin ni Manang Ester ang paglungkot ng mukha niya.

“O, bakit naman ang lungkot mo, may problema ka ba?” nag-aalalang tanong nito.

Saka pa lang natauhan si Yasmin. “W-wala po, manang. May naalala lang po ako.”

“Bakit, paborito rin ba ng naalala mo ang kare-kare?” anito.

Pinamulahan ng mukha ang dalaga. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa matanda.

“Huwag ka nang maglihim pa hija. Naku kayo talagang mga kabataan kahit buking na ay tumatanggi pa rin!”

Napipi na si Yasmin sa pang-aasar ni Manang Ester ngunit nagawa pa rin niyang ibahin ang usapan.

“Manang, kayo lang po ba at ang amo natin ang nandito sa bahay?”

“Oo, hija. Mula nang mamayapa ang mga magulang ni sir ay mag-isa na siyang tumira dito. Dalawang taon pa lang ako bilang katiwala niya pero masasabi kong napakabuti niyang tao.”

“Bakit po walang mga picture frame sa loob ng bahay? Wala pong naka-display na larawan ng amo natin at ng mga magulang niya?”

“Hindi ko rin alam, hija. Kahit ako ay nagtataka kung bakit hindi man lang niya inilalabas ang mga litrato niya at ng kanyang pamilya. Dumating ako dito na ganito na ang ayos ng buong bahay.”

Abala silang nag-uusap nang marinig nila ang busina ng kotse sa labas.

“Dumating na si Sir!” ani Manang Ester.

Sinabihan siya nito na ihain na ang nilutong ulam sa mesa para makakain na ang kanilang amo.

Matapos niyang ayusin ang hapagkainan ay laking gulat niya nang makita kung sino ang dumating.

“A-Alex?” nagtataka niyang tanong.

Nang makita siya ng lalaki ay hindi na ito nagulat na naroon siya.

“A-anong ginagawa mo dito? I-ikaw si Mr. Melendrez?”

Nagtaka naman si Manang Ester sa naging reaksyon ng dalawa nang makita ang isa’t isa.

“Teka, magkakilala ba kayo?”

Hindi makapaniwala si Yasmin na si Mr. Melendrez, ang bagong niyang amo, ang may may-ari ng malaking bahay na kanyang pinaglilingkuran ay ang dati niyang nobyo. Si Alex.

“Kumusta ka na, Yasmin?” tanong ng lalaki.

“I-ikaw ba ang dahilan kung bakit ako narito? P-aanong nangyari…” halos hindi makapasalita ang dalaga. Hindi malaman kung ano ang itatanong sa lalaki. Naguguluhan siya sa mga pangyayari.

“Hinanap talaga kita, Yasmin. Mula nang mawala ang mga magulang ko sa sama ng loob dahil sa panghahamak ng pamilya mo ay ginusto kong ipakita sa iyo ang katas ng paghihirap ko. Ang dating inaalipusta at sinasabihang hampaslupa ay nakaahon na sa hirap at isa nang matagumpay na negosyante,” wika ng lalaki.

“K-kalimutan mo na ang mga naging kasalanan ng mga magulang ko. Pumanaw na rin sila sa isang aksidente matapos na pumanaw ang mga magulang mo. Napagbayaran na nina mama at papa ang mga ginawa nila sa iyo Alex,” sabi ni Yasmin sa kausap.

“Kung ganoon lang sana kadaling kalimutan ang sakit na idinulot nila sa akin lalo na nang paghiwalayin nila tayo. Minahal kita, Yasmin ng sobra-sobra pero ano ang ginawa mo? Mas naniwala ka sa kasinungalingang sinabi sa iyo ng mga magulang mo kaysa paniwalaan ako. Wala akong kasalanan sa ibinintang nilang pagnanakaw ko sa inyong hacienda. Alam mong inosent ako pero hindi ka naniwala sa akin at kasama ka pa nang ipagtabuyan kami ng aking mga magulang. Sa sama ng loob ay inatake sa puso si itay na agad niyang ikinasawi. Hindi kinaya ni inay ang pagkawala ni itay kaya nagkasakit siya at tuluyan ding pumanaw.”

Hindi na napigilan ni Yasmin ang pagdaloy ng luha sa mga mata sa ginawang paninisi sa kanya ng lalaki.

“Patawarin mo ako, Alex. Hindi ko ginusto ang mga nangyari. Tinakot ako nina mama at papa na ipapapaslang ka nila kapag hindi ko sila sinunod. Hindi mo alam kung gaano ako nagdusa nang sinunod ko sila. Nagkandamalas-malas ang negosyo ni Papa at nalugi ang hacienda. Kasunod noon ay nasawi sila sa aksidente nang bumangga ang sinasakyan nilang kotse. Nailit ang lupa at ang bahay ng aking pamilya, walang natira sa akin kahit isang kusing dahil ipinambayad lahat sa utang. Mula noon ay natuto na akong mamuhay mag-isa. Nagtrabaho ako sa fastfood chain para may panggastos sa araw-araw ngunit sa kamalasan ay natanggal ako sa trabaho kaya nang makita ko sa dyaryo na may nangangailangan ng kasambahay ay agad kong isinend sa email address na naroon ang aking resume. Iyon pala ay ikaw ang tumanggap sa akin. Kaya pala nagtaka ako kung bakit hindi man lang ako dumaan sa interview at natanggap ako agad ay dahil plinano mo itong lahat. Kaya pala kahit isang larawan ay wala sa buong bahay dahil ayaw mong malaman ko ang totoo. Magsaya ka na, Alex dahil nagtagumpay kang ipamukha sa akin ang narating mo ngayon. Gawin mo na ang gusto mo sa akin. Alilain mo ako hanggang sa gusto mo, doon man lang ay mapagbayaran ko lahat ng sakit na ibinigay ko at ng pamilya ko sa iyo,” litanya ni Yasmin na napaluhod na sa sahig sa sobrang pagka-awa sa sarili.

Hindi siya natiis ng lalaki . Nilapitan siya nito at itinayo siya sa kinaluluhuran.

“Hindi ko alam na iyon pala ang dahilan kung bakit mo ako tinalikuran. Ibig bang sabihin ay minahal mo talaga ako, Yasmin kahit pa isang hamak na trabahador lang ako sa inyong hacienda?” naluluhang tanong ni Alex.

“Oo, Alex. Minahal kita at hanggang ngayon ay mahal pa rin kita,” pagtatapat ng dalaga.

Hindi nila namalayan na magkayakap na pala ang kanilang mga katawan at nagdikit na rin ang kanilang mga labi. Hinalikan ang isa’t isa ng buong suyo at pananabik.

Nang biglang may nagsalita sa likuran nila.

“Ehem, ehem!” parinig ni Manang Ester habang pinupunasan ang luha sa mga mata.

“Tama na ang drama na iyan. Mabuti pa ay kumain na tayo. Mamaya niyo na ituloy ang usapan niyong dalawa!” anito.

Natawa na lang sina Yasmin at Alex sa sinabi ng matandang katiwala.

Bago sumunod sa hapagkainan ay muling nagyakap ang dalawa at humingi ng kapatawaran sa isa’t isa.

“Sorry and I love you!” wika ni Alex.

“I love you too, Alex!” sagot ni Yasmin.

“Nagluto si manang ng paborito mo.”

“Kare-kare?”

“Oo,” sabi ng dalaga sabay haplos sa pisngi ng lalaki.

Kahit pa matindi ang pinagdaanan ng dalawa ay nanaig pa rin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Pinakasalan ni Alex ang dalaga at bumuo sila ng sarili nilang pamilya. Ang dating malungkot at walang kasigla-siglang bahay ng mag-asawa ay napuno ng ingay ng kanilang mga naging anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement