Gustong Maging Kasambahay ng Babae sa Mayamang Lalaki, May Napakabigat Pala itong Dahilan
Matagal nang gustong manilbihan ni Kaori sa mansyon ng mga San Victores. Kaya natupad ang kanyang pangarap nang matanggap siya rito bilang kasambahay.
Hindi niya inasahan na napakaganda pala ng loob ng mansyon na iyon. Halatang nabubuhay sa karangyaan ang tumitira doon.
Nang isang tinig ang kanyang narinig.
“Sino ka? Anong ginagawa mo rito?”
“A-ako po si Kaori, ang bagong ninyong kasamabahay!” mabilis niyang sagot.
Napako ang tingin ng babae sa kausap. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang guwapo at maamo nitong mukha, matipunong pangangatawan at magarang pananamit na parang isang prinsipe.
“Ganun ba? Ako nga pala si Gian. Ako ang anak ni Don Gilberto San Victores,” anito.
Hindi agad nakapagsalita si Kaori. Ang mukhang prinsipeng binata ay tunay ngang anak ng may-ari ng mansyon.
“Paumanhin po, ngunit kailangan ko na pong magtrabaho,” wika niya sa magalang na boses.
Tumango lamang ang binata. Habang papalayo siya rito ay hindi niya inakalang lihim pala itong humanga sa kanyang kagandahan.
Isang gabi, habang tulog na tulog na ang lahat ay nagmamadaling bumangon si Kaori sa higaan. Lumabas siya sa mansyon at may kinatagpo.
“Kailan ba natin isasagawa ang plano?” sabi ng kausap.
“Sa lalong madaling panahon. Hintayin niyo ang hudyat ko,” aniya.
Matapos makipag-usap sa lalaking kinatagpo ay agad na bumalik si Kaori sa mansyon at ipinagpatuloy ang pagtulog.
Kinaumagahan, habang naglilinis siya sa pasilyo ay napadaan si Don Gilberto at napatitig sa kanya.
Hindi rin nakaligtas kay Don Gilberto ang maganda niyang hitsura kaya’t natipuhan din siya nito. Maya-maya ay bigla na lamang siya nitong ipinadampot sa mga tauhang lalaki at ikinulong sa lumang bodega.
“Utang na loob, pakawalan niyo po ako!” sigaw ni Kaori na nagmamakaawang palabasin siya sa madilim at nakakatakot na bodega.
Di naman nagtagal ay may nagbukas ng pinto. Bumungad sa kanyang harapan si Don Gilberto. Nakangisi ito at titig na titig sa maputi niyang hita.
“Huwag kang matakot, hija. Hayaan mo akong paligayahin ka at pagkatapos ay papakawalan din kita!” hayok na sabi ng lalaki.
“Huwag po, sir! Huwag niyo itong gawin sa akin, pakiusap!”
Ngunit sadyang bingi ang lalaki sa mga pakiusap niya. Hinawakan siya nito sa magkabilang kamay at marahas na isinandal siya sa pader.
“Pagbigyan mo na ako at hindi ka magsisisi!” anito habang pinupupog siya ng halik sa pisngi at leeg.
“Maawa po kayoo, huhu!”
Nang biglang marinig muli ang pamilyar na boses.
“Bitawan mo siya, dad!”
Napahinto sa ginagawang kalapastanganan si Don Gilberto at nilingon ang pinagmulan ng sigaw.
“Sir Gian?” manghang sabi ni Kaori.
“Tigilan mo ang kapangahasan mo, dad!” anito.
“Pun*eta ka! Sino ka para pigilan ako sa gusto ko, Gian? Anak lang kita!” galit na sigaw ng lalaki.
“Parang-awa mo na dad, huwag ang babaeng iyan, nakikiusap ako sa iyo!”
Napahalakhak nang malakas si Don Gilberto sa sinabi ng anak.
“Huwag mong sabihing gusto mo rin ang babaeng ‘to?”
Sa una ay hindi nakasagot ang binata. Humugot muna ng hangin bago magsalita.
“Huwag mo akong pilitin, dad. Malaki ang paggalang ko sa iyo dahil ikaw ang ama ko at nagpalaki sa akin ngunit hindi ko papayagang manaig ang masama mong balak sa kanya!”
Nagsalubong na ang kilay ni Don Gilberto. Isang malakas na suntok ang pinakawalan niya sa mukha ng anak na agad nitong ikinabuwal.
Hindi nakatayo ang binata sa lakas ng suntok ng ama. Muling tinawag ni Don Gilberto ang mga tauhan, ipinadampot ang sariling anak at ikinulong sa isa pang bodega.
Dahil sa nawalan na rin ng gana ang lalaki ay iniwan nito si Kaori na nakasalampak sa semento.
“Ito na ang tamang oras ng paniningil ko, Don Gilberto! Pagbabayaran mo ito!” anas niya.
Nang sumapit ang dilim ay doon na isinakatuparan ni Kaori ang balak. Dahil nakalimutan ni Don Gilberto na ikandado ang bodega kung saan siya nakakulong ay masuwerte siyang nakatakas. Kinuha niya ang kanyang cell phone at may pinindot na numero.
Maya-maya ay may mga dumating na pulis sa mansyon at inaresto si Don Gilberto.
“Hulihin niyo ang lalaking iyan! Isa siyang kriminal!” sigaw ni Kaori.
Nagpumiglas si Don Gilberto sa mga pulis. Galit na galit sa pag-aresto sa kanya.
“Anong ibig sabihin nito? Hindi niyo ba ako kilala? Ako si Don Gilberto San Victores ang may-ari ng San Victores Corporation!”
“Isa kang huwad! Wala kang karapatan sa kayamanan ng mga San Victores dahil anak ka lamang sa labas!” galit na sabi ni Kaori.
Gulat na gulat ang lalaki sa ginawang pagbubunyag ng babae.
“Narito ang mga ebidensiya ng pagpaslang mo sa mga MAGULANG kong sina Antonio at Gabriela San Victores. Ipinaligpit mo sila para sa iyo mapunta ang lahat ng ari-arian maging itong mansyon! Umamin na rin sa mga pulis ang mga kakuntsaba mo kaya wala ka nang ligtas, Gilberto!”
Si Kaori pala ang totoong tagapagmana ng kumpanya, mga ari-arian at mansyon ng mga San Victores. Siya ang kaisa-isang anak ng mga magulang na ipinapaslang ng bastardong kapatid ng kanyang ama para masolo ang lahat ng yaman ng pamilya. Masuwerte siyang nakaligtas nang ambushin ng mga suspek na binayaran ni Gilberto ang kotseng sinasakyan nila hanggang sa mahulog sa bangin.
Napulot siya ng mabait na mag-asawa na siyang nagpalaki sa kanya. Napag-alaman niyang siya ang kaisa-isang anak ng mga napaslang nang makita ng mga umampon sa kanya ang suot niyang damit na mayroong binurdahang pangalan niya na may apelyidong San Victores.
Dali-dali siyang ipinasuri ng abogado ng ama at lumabas sa DNA test na siya nga ang nawawalang anak ng tagapagmana.
Mula noon ay pinlano niya ang lahat para makapaghiganti at mabawi ang nararapat sa kanya. Nagtapos siya ng abogasya, pinag-aralan niyang mabuti ang mga batas na may kinalaman sa kaso ng kanyang mga magulang para sa muli nilang paghaharap ng taong dahilan kung bakit siya naulila.
Sa nalaman ay labis na nanlumo si Gilberto at napaluhod. Pagsisihan man niya ang nangyari ay huli na dahil sa kulungan na ang bagsak niya.
Pinuntahan naman ni Kaori ang bodegang pinagkulungan kay Gian at pinakawalan ito.
“Nahihiya ako sa lahat ng ginawa ni dad. Ako na ang humihingi ng tawad!” sabi ng binata.
“Wala kang dapat ihingi ng tawad, dahil wala ka namang kasalanan. Biktima ka rin ng sarili mong ama,” aniya.
“H-hindi ko siya totoong ama. Inampon lang niya ako, binihisan at pinakain ngunit kahit kailan ay hindi ko naramdamang minahal niya ako. Pera at kapangyarihan lang ang mahalaga sa kanya,” malungkot nitong wika.
Hinaplos ni Kaori ang pisngi ng binata.
“Hindi pa naman huli ang lahat para may magmahal sa iyo ng totoo,” nakangiti niyang sabi.
Mabilis na nabawi ni Kaori ang lahat ng para sa kanya. Maayos niyang pinatakbo ang kumpanyang inalagaan at minahal ng kanyang mga magulang.
Naging katuwang niya sa pamamahala si Gian na di kalaunan ay naging kasintahan niya at naging asawa. Nahanap nila sa isa’t isa ang pagmamahal na ipinagkait sa kanila ni Gilberto. Pagmamahal ng tunay na magulang para kay Kaori at pagmamahal ng isang ama para kay Gian.
Hindi lang pala napagbayaran ni Gilberto ang kasalanan sa pamilya niya, nagkaroon din siya ng tunay na pag-ibig sa katauhan ng binatang nagtanggol sa kanya sa kinilala nitong ama.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!