Nang Dahil sa Bridal Shower at Stag Party ay Hindi na Natuloy ang Kasal ng Magkasintahang Ito, Ano nga Ba ang Nangyari nung Gabing Iyon?
Siyam na taon nang magkasintahan si Bernadeth at si Simon, mula sa pagiging sikat noong kolehiyo ay malaki na ang pinagbago ng kanilang relasyon. Kung dati ay puro date at labas kung saan-saan ang kanilang inaatupag, ngayon ay biglang nagseryoso sa buhay ang dalagang si Bernadeth.
“May problema ba tayo ha? Bakit ba palagi na lang mainit ang ulo mo sa akin these past few weeks,” wika ni Simon sa kaniyang nobya.
“Hindi mo pa rin talaga alam e ano? Ang tagal tagal na natin pero paulit-ulit lang ang pinag-aawayan natin,” baling naman ng babae.
“Oh, ang tagal tagal na natin pero ginagawa mo pa rin akong manghuhula. Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na ang mga lalaki ay hindi manghuhula. Bobo kami, kaya kailangan lagi sa amin DI-NI-DIK-TA,” mariing pahayag ni Simon.
“B*bo ka! Bwisit ka, tayo na lang ang hindi kinakasal sa batch natin Simon. Tayo na lang ang mukhang walang future, forever magjowa, kasama sa pagtaba ngunit nganga naman sa life goals!” baling ni Bernadeth at hinampas ng unan si Simon.
Kakadalo lang ng dalawa sa kasal ng kanilang kaibigan at totoo naman ang sabi ng dalaga, sa kanilang anim na magbabarkadang magkasintahan ay tanging sila na lang ang hindi pa kinakasal o hindi man lang kumuha ng masters degree o nag abogado. Pakiramdam ni Bernadeth ay napag-iwanan na sila dahil hindi na katulad ng dati na sikat at nangunguna ang dalawa sa magkakaibigan. Kinaiingitan pa nga sila noon ngunit kinakantsawan na sila ngayon.
“Oh ito na naman tayo. Kinumpara mo na naman ang buhay natin sa kanila. Iba tayo Bernadeth, hindi ko pa kayang pakasalan ka dahil pinag-aaral ko pa si bunso at sumosuporta ako sa bahay. Hindi ko pa kayang magtayo ng pamilya,” paliwanag ni Simon sa babae.
Matagal na nilang pinag-aawayan ang issue ng kasal, hindi lamang ito ang unang beses na ipapaliwanag muli ni Simon ang kanilang sitwasyon na hindi makita ni Bernadeth.
“Maghiwalay na lang tayo! Break na tayo, wala kong future sa katulad mo,” baling ng babae at saka umalis. Sa dinami-dami rin ng kanilang away, ito lang ang unang beses na nakipaghiwalay ang babae at nagtagal pa nga ng ilang buwan ang kanilang away na hindi na talaga siya kinibo nito.
“Patawarin mo na kasi ako, sige na magpapakasal na tayo kung yan talaga ang magpapasaya sayo. Sige na,” pahayag ni Simon sa nobya.
“Okay! Ibabalita ko na ito sa barkada,” maligayang sagot ni Bernadeth na para bang yun lang talaga ang hinintay mula sa lalaki kahit pa nga tatlong buwan silang hindi nagkita at nag-usap.
Mas mayaman ang pamilya ng dalaga kesa kina Simon kaya nga hirap na hirap ang binata na pantayan ang mga gusto nito sa pagplaplano ng kanilang kasal. Kahit pride ay kinain na rin ng binata para sa kaniyang mahal na nobya.
Isang gabi, nagpaparty si Bernadeth at imbitado ang lahat ng kanilang mga kaibigan. Pinagsabay na niya ang bridal shower at stag party para kakaiba naman daw ito.
“Oh mabuti naman magpapakasal na kayong dalawa, akala namin forever magjowa lang ang peg niyo!” pahayag ni Isaac, isa sa mga kaibigan ng lalaki.
“Bigla akong niyaya ni Simon e, hihindi pa ba ako? E di ito na!” masayang wika naman ni Bernadeth at itinaas ang baso ng alak.
“Hay naku, sana lang talaga bago niyo pasukin ang pag-aasawa ay na-enjoy niyo muna ang inyong single life,” wika naman ni Matet, isa pa ring kaibigan ng magkasintahan.
“Bakit may magbabago pa? E magpapakasal lang naman kami nitong si Simon tapos parang ganun lang ulit, ganito lang. Cool lang,” baling naman ni Bernadeth at hinawakan ang kamay ng nobyo na kanina pang tahimik.
“Alam mo sa pag-aasawa, kahit na gano niyo na katagal na kilala ang isa’t-isa ay magaadjust pa rin talaga kayo. Mas seryoso na ang lahat ng bagay, hindi laging masaya kasi halos araw-araw kayong mag-aaway dahil sa mga desisyon o bagay na hindi niyo mapagkasunduan. Katulad ng kung saan idadaos ang new year at pasko, paano ang mga nakasanayan niyo dati. Kasi ngayon kayo na talaga ang pamilya,” paliwanag ni Matet.
“Totoo yan, kasi iiwan niyo na ang pamilya niyo para sa inyo. Dyan magsisimula ang problema kasi bubukod na kayo ng bahay, so babayaran niyo yun out of your own pocket, pagkain, billings at kung ano-ano pang masakit sa ulo na dapat intindihin dahil kailangan niyong panindigan ang sitwasyon na pinasok niyo,” dagdag pa ni Lotlot, isa pa nilang kaibigan.
“Hindi basta kasal lang ang kasal dahil seryosong bagay iyan,” baling pa ni Isaac. Nagkatinginan naman ang dalawang magkasintahan at ngumiti ito. Pinalipas nila ang gabi at inantay na maka-alis ang mga bisita. Umupo sa sofa ang dalawa at nagtitigan muna.
“Sorry,” saad ni Bernadeth na unang bumasag ng kanilang katahimikan.
“Sorry din,” baling naman ng lalaki.
“Sorry kung nagmamadali akong magpakasal at palagi kong kinukumpara ang timeline ng buhay natin sa mga kaibigan natin,” pahayag ng dalaga.
“Sorry kung mahirap lang ako at hindi kita mapakasalan agad. Ayoko na magpakasal tayo tapos sasandal lang tayo sa mga magulang mo, pasensya ka na Bernadeth,” malungkot na saad ni Simon.
“Mahal na mahal kita Simon kaya tititigilan ko na itong kalokohan ko, mag-iipon muna tayo at magtutulungan tayo dahil hindi biro ang papasukin natin pag nagkataon,” wika ni Bernadeth at niyakap niya ang nobyo.
Hindi na muna nila itinuloy ang kasalan at mula noon ay hindi na nila pinag-awayan pang muli ang pagpapakasal dahil nakita naman ni Bernadeth ang pagsusumikap ni Simon para sa pamilya nito at para sa kaniya. Kaya nagtrabaho na rin siya at nagsimulang mag-ipon para sa buhay na papasukin niya kasama si Simon na hindi sila sasandal sa kanilang mga magulang.