Binibini Noon ay Bihis Maton na Ngayon, Ano nga Ba ang Dahilan sa Malaking Pagbabago?
“Oh ayan na si Madel, tagay ka muna!” sigaw ni Baltazar, isa sa mga tambay ng Barangay Pwersa.
“Pinagloloko niyo na naman ako, tigilan niyo na ang kakayaya sa akin dahil niyo ako mapapainom,” baling naman ni Madel na isang dalaga na may bihis lalaki ang pormahan.
“E paano ka magiging lalaki niyan kung ganyan ka kahina sa tagayan? Halika na dito at samahan mo kami para masanay ka! Kung alam ko lang na magiging ganyan e di sana niligawan na kita noon baka sakaling di ka nagkaganyan,” baling pang muli ng lalaki at sabay-sabay silang nagtawanan.
“Tigilan niyo na si Madel,” pahayag ni Jerome, ang kapitan sa lugar.
Pinakabata ang lalaki sa buong lalawigan bilang isang kapitan ng barangay sa kaniyang edad na 27 anyos at hindi ito naging hadlang upang makapagbigay siya ng maayos n serbisyo.
“Ay kap, ikaw pala yan. Nagkakabiruan lang naman kami ni Pareng Madel, alam naman naming bata mo yan kaya hindi namin gagalawin yan kap,” saad pang muli ni Baltazar kay Jerom. Pina-upo naman na ang lalaki ng ibang niyang kasama at nilapitan naman ni Jerome si Madel.
“Tara na sabay na tayong umuwi,” wika pa nito at sinabayan sa paglalakad ang dalaga.
“Nako, ikaw kap. Tigilan mo nga ang kakadikit sa akin, mamaya isipin pa nila e type mo ako,” baling naman ng dalaga.
“E bakit hindi ba?” mahinang bulong ng lalaki.
“Ano yun? Ano yung binubulong mo diyan?” tanong naman ni Madel.
“Wala, sabi ko hindi rin. Iisipin ng mga kabarangay natin na isa akong mabuting kapitan at may malapit na puso sa lahat ng kaniyang nasasakupan. Pero seryoso, huwag ka na lang dumaan dun, mamaya mapagtripan ka pa dun. Ano ba kasing pumasok diyan sa isip mo at bakit ka biglang nagsuot lalaki?” wika naman ni Jerome sa dalaga.
“Ang tagal na nating magkakilala, babaeng-babae ka dati ha. Ano nangyari sa’yo ngayon? Na brokenhearted ka ba? Kaya ka nagka-ganyan?” tanong pang muli nito.
“Tigilan mo na ako Jerome, saka na lang natin pag-usapan pa. Sige na mauuna na akong pumasok sa bahay namin. Salamat nga pala dun sa pagtatanggol mo kanina, the best kapitan ka talaga!” baling ni Madel kay Jerome.
Magkababata ang dalawa, sabay na lumaki ang mga ito kaya naman ganoon na lang kapalagay ang loob nila sa isat-isa. Malaki ang pagtataka ni Jerome dahil isang dalagang pilipina ang kaniyang kaibigan noon, sumasali pa nga ito sa mga beauty contest ngunit nitong huling buwan lang ay biglang nagbihis lalaki at kilos lalaki na rin.
“Hindi mo na ba ako tinuturing na kaibigan? Sabihin mo na sa akin, alam kong may problema ka,” saad pang muli ni Jerome at pinigilan si Madel na buksan ang gate ng kanilang bahay.
Tumigil naman ang dalaga at muling isinara ito, umupo sa tabi ng kalsada at niyaya si Jerome.
“Kailangan ko to e,” maiksing pahayag ni Madel sa lalaki.
“Paanong kailangan? Ano ba talagang nangyayari?” nag-aalalang tanong ni Jerome dito.
“Yung bagong kinakasama kasi ng nanay ko e muntik na akong mapagsamantalahan mabuti na lang at nasapak ko siya sa mukha. Ayokong ipakita na natatakot ako sa lalaking iyon kaya kailangan kong magtapang-tapangan para protektahan na rin ang mga kapatid ko,” napaluhang sagot ng dalaga.
“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin yan? Para saan pa’t naging magkaibigan tayo kung hindi naman kita matutulungan sa mga ganyang bagay,” pahayag ng lalaki.
“Hindi naman ito tungkol sa takot lang kundi tungkol na rin sa nanay ko, hindi kasi siya naniniwala na manyakis yung bagong jowa niya at ginawa niya sa akin iyon. Ayoko lang matulad kami sa mga napapanuod ko sa TV na namolestya ng amain dahil baka sa kulungan talaga ako pulutin,” saad naman ni Madel at naluha.
“Palagi kong nakikita na binubosohan niya ako at iba ko pang kapatid pero wala akong magawa, kaya kailangan kong maging malakas,” dagdag pa ng dalaga.
“E hayop naman pala e! Tara na at ako mismo ang dadampot! ‘Yang pagbibihis lalaki mo ay hindi makakapagligtas sa’yo o maging sa mga kapatid mo, ” baling naman ni Jerome.
“E syempre ‘pag ganito ay wala masyadong balat na nakikita at magkasing siga na rin kami,” wika pa ni Madel at ngumit ng bahagya.
Nagulat ang dalawa nang biglang bumukas ang gate nila at nagpakita ang nanay ni Madel na si Aling Nita, “Hindi mo na kailangan mahirapan anak, nakipaghiwalay na ako sa manyakis na iyon! Huling-huling ko sya na namboboso ng ibang babae kaya ayun at nandoon na siya sa barangay,” sambit ni Aling Hermie.
“Patawarin mo ako, anak,” saad muli ng ale at niyakap ang anak.
“Akala ko pusong lalaki ka na talaga, pero hindi ko man lang naisip na baka may pinagdadaanan ka. Napakatanga ko para pabayaan kayo para sa walang kwentang lalaking iyon,” sambit pa nito.
“Kapitan Jerome, kayo na ho ang bahala sa lalaking iyon. Ipahuli niyo po sa pulis o bahala na kayo dahil hindi ko na tatangapin sa pamamahay ko ang hayop na yun!” baling naman ng ale kay Jerome.
Simula noon ay naging maayos nang muli ang pagsasama ng mag-ina at naramdaman ni Madel na wala nang kapahamakang nag-aabang sa kanilang pamilya.
Ibinalik na rin ng dalaga ang dati niyang pananamit. Hindi rin nagtagal at nagkaroon na rin ng lakas ng loob si Jerome na umamin sa matagal na niyang ikinukubling pag-ibig para sa dalaga. Noong una’y nag-alinlangan pa si Madel, ngunit kinalaunan ay sinagot na rin niya ang panliligaw nito.
Dahil sa naging karanasanan ng ngayong nobya na niyang si Madel, naging mas mapagmatiyag ang Kapitan sa mga kababaihan sa kanilang baranggay. Ipinaalam niya sa mga ito na kahit anong oras ay bukas ang kanyang opisina sa kahit sinumang gustong mag-report ng kung anumang kabastusan na ginagawa sa kanila.
Magmula noon ay naging masaya ang relasyon ng magkasintahan, at naging mas matahimik at payapa naman ang kanilang maliit na baranggay.