Ikinahihiya ng Bata ang Inang Nag-iisa Lamang ang Mata, Halos Mapunit ang Kanyang Puso nang Malaman ang Dahilan Nito
Kahit nasa ika-limang baitang pa lamang si Andrew ay palagi na itong tinutukso ng kanyang mga kaklase at ibang kaibigan. Hindi dahil may mali sa kanya, kundi dahil sa kanyang ina na iisa lang ang mata.
“Ah mama mo pirata! Isa lang mata,” panunukso ng mga kaklase ni Andrew.
“‘Wag nga kayong mang-asar. Susumbong ko kayo kay teacher!” asar na sabi nito sa kanyang mga kaklase.
“Teacher ka d’yan! Kahit naman si teacher ay aasarin ang mama mo,” panunukso pa ng isa.
Halos mangiyak-ngiyak naman si Andrew sa mga panlalait ng kanyang mga kaklase. Kaya naman siya ay nagmadaling tumakbo papalayo sa mga ito. Habang tumatakbo naman siya ay nakita niya ang kanyang ina sa gate ng kanilang paaralan para sunduin siya. Imbes na maawa sa ina ay nagalit pa ito sa kanya dahil nawawalan siya ng mga kaibigan.
“Kung hindi dahil sa’yo, sana hindi ako nilalait ng mga kaklase ko,” galit na sabi ni Andrew sa kanyang ina.
“Bakit naman, anak? Ano bang nagawa ko at nilalait ka ng mga kaibigan mo?” pag-aalalang tanong ng ina habang dahan-dahang lumuhod sa harap ng anak para yakapin ito.
“Kasi isa lang ‘yang mata mo! Gusto ko ng normal na nanay, ‘yong kumpleto ang mga mata. Para ‘di ako aasarin ng mga kaibigan ko,” sagot naman ng bata sa ina. Pagkatapos ay kumawala ito sa yakap ng ina at kumaripas ng takbo palayo para makauwi agad ng kanilang bahay.
Halos madurog ang puso ng ina, hindi nito napigilan ang sarili kung kaya naman ay bigla itong umiyak habang pinapanood ang anak na lumayo sa kanya. Napansin naman agad siya ng ibang mga magulang na naghihintay kaya nilapitan siya ng mga ito at inalalayang tumayo.
“Mommy Celia, ano ho ang nangyari? Bakit nagka-ganoon ang anak mong si Andrew?” tanong ng isa niyang kaibigan.
“Tinutukso daw kasi siya ng mga kaklase niya dahil isa lang ang mata ko,” sagot naman nito sa kapwa ina.
“Bakit kasi ayaw mo pa sabihin sa kanya ang dahilan ng pagkawala ng mata mo?” tanong ng kaibigan.
“Ayaw ko kasing sisihin niya ang kaniyang sarili,” paliwanag naman ni Celia sa kaibigan.
“Sige na, mauuna na ako. Uuwi na ako upang ipaghanda ng hapunan ang anak ko. Maraming salamat sa inyo,” pahabol nito.
Bago pa man umuwi ay dumaan si Celia sa palengke para bumili ng manok dahil alam niya na paborito ni Andrew ang fried chicken. Pagkauwi ay nadatnan niya ang anak na natutulog sa harapan ng bahay nila. Naisip naman nito bigla na walang susi si Andrew ng bahay. Ginising naman ni Celia ang anak para yayain na itong pumasok sa loob subalit hindi pa rin siya pinansin ng anak.
Pagkatapos ng hapunan ay nilapitan ni Andrew si Celia para tanungin kung bakit isa lang ang mata nito ngunit ayaw sabihin ng ina ang dahilan.
“Bakit ba kasi isa yung mata mo mama?” tanong nito sa ina.
“Kahit sabihin ko sa iyo ay hindi ka maniniwala. Sa susunod ay malalaman mo rin ang dahilan ko at sana ay maintindihan mo,” masayang sagot ng ina. Pagkatapos sabihin ito ay niyaya na niyang matulog ang anak na agad namang sinunod ni Andrew.
Tiniis na lamang ni Andrew ang mga panlalait sa kanya ng kanyang mga kaklase hanggang sila na ang sumuko sa mga pang-aasar sa kanya. Ngunit, pagtungtong sa mataas na antas ay nag-iba ang panlalait ng mga kaklase ni Andrew. Umabot na sa punto na sinasaktan na siya ng kanyang mga kaklase dahil sa aswang daw ang kanyang ina.
“Hoy anak ng aswang. Bakit ka pa nandito? ‘Di ka pa uwi?” pang asar na sabi ng kanyang kaklase.
“Wala kang karapatan na laitin yung ina ko. Perpekto ba mama mo?” sagot naman ni Andrew dito dahilan ng pagka-pikon ng kanyang kaklase. Agad siyang sinuntok ng kanyang kaklase na umabot naman sa gulo ng buong klase hanggang sila ay pigilan ng isa sa mga estudyante.
“Tumigil na nga kayo! Hoy Fred, sino ka para manlait ng magulang? Akala mo kung sino ka eh puro ka naman bagsak,” sabi ni Patricia na presidente ng kanilang klase. “Ipaparating ko ito sa guidance office para maturuan ka ng leksyon. Sisiguraduhin kong may matututunan ka sa pakikipag-usap sa’yo at sa magulang mo ng guidance councilor natin,” pahabol nito. Agad naman na umalis ang mga kaklase ni Andrew at bumalik sa kanya-kanyang mga pwesto dahil nahalata nila na seryoso na ang kanilang class president.
Nagpasalamat si Andrew kay Patricia dahil sa ginawa nito. Ipinaliwanag na rin ni Patricia kay Andrew na walang sino man ang pwedeng mangmaliit at manlait ng magulang.
“Salamat ha? Kung hindi ka sumulpot ay baka talagang nagkagulo na sa classroom natin,” sabi ni Andrew.
“Wala ‘yon. Mali sila kaya sila ang pagsasabihan ko. Pero Andrew, ok lang ba kung matanong kita? Bakit nagkaganon yung mama mo?” pagtatakang tanong ni Patricia.
“Hindi ko alam eh. Sabi niya ay malalaman ko na lang daw yun sa tamang panahon,” sagot naman ni Andrew dito.
“Sige, hindi na kita tatanungin ng mga personal na bagay. ‘Wag ka na palang mag-alala, hindi ko hahayaan na ma-bully ka pa,” masayang banggit naman ni Patricia kay Andrew.
Makalipas ang ilang taon ay nakapagtapos ng high school si Andrew at kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo sa Maynila. Habang naglalakad ito papasok ay kinalabit siya ng isang matandang babae.
“Excuse me. Ikaw si Andrew ‘di ba? Anak ni Celia?” tanong ng babae.
“Opo. Bakit po? Sino po kayo?” tanong naman ni Andrew na may halong pagtataka kung sino ang kausap niya dahil ngayon lang niya ito nakita at nakilala.
“Magkapareho kayo ng mata ng ni Celia. Halos walang pinagkaiba,” masayang sabi nito sa binata.
“Hindi ko po kayo maintindihan. Sino po kayo?” gulat na tanong ni Andrew na may halong takot sa taong kausap niya.
“Ako si Dra. Dalia. Halika, mag-usap muna tayo,” yaya ng ginang kay Andrew.
Sumama si Andrew sa ginang sa isang kainan para makipagkwentuhan.
“Wala ka talagang natatandaan?” panimulang tanong ni Dra. Dalia.
“Tungkol saan po ba?” sagot naman ni Andrew.
“Sa mga nangyari sa’yo at sa pamilya mo noon. Kung bakit isa lang ang mata ni Celia,” sabi naman ng ginang.
“Wala po eh. Pwede niyo po bang ikwento sa akin ang nangyari para maliwanagan ako at baka sakaling matandaan ko,” pakiusap naman ni Andrew dito.
“Dati, nung bata ka pa lang ay na-disgrasya kayong pamilya na ikinawala ng iyong ama. Pagkabangga ng sasakyan niyo ay nauntog ka ng malakas sa dashboard at naapektuhan ang iyong kaliwang mata, na kalaunan ay naging sanhi ng pagkabulag. Dahil dito, nag-usap kami ng iyong ina at ang sabi niya sa akin ay ayaw ka niyang matukso sa paaralan na isa lang ang mata kaya naman ibinigay niya ang kanyang mata sa’yo. Ako naman ang doctor na gumawa ng operasyon sa inyong mag ina,” kwento ni Dra. Dalia.
Pagkatapos magkwento ng ginang ay humagulgol ang binata sa kaiiyak.
Bumalik sa isip niya ang mga araw na lagi niyang sinisigawan ang kanyang ina dahil ikinahihiya niya ito dahil sa kapansanan. Kaya naman pagkatapos ng pag-uusap nila ay agad ng umuwi si Andrew at pagkauwi nito ay niyakap niya ng mahigpit ang ina at nagpasalamat. Hindi naman alam ni Aling Celia ang dahilan kung bakit umiiyak habang nagpapasalamat ang kanyang anak sa kanya.
“Mama, maraming salamat sa mga sakripisyo mo para sa akin,” humahagulgol na sabi ni Andrew sa ina.
“Salamat saan?” tanong naman ng nagtatakang ina.
“Ikinwento sa akin lahat ni Dra. Dalia. Ngayon ay malinaw na po ang lahat sa akin. Maraming maraming salamat sa sakripisyo mo, mama,” sagot naman ni Andrew sa ina.
Naluha si Celia nang makita ang anak na mahigpit na naka-yakap sa kanya.
“Walang anuman, anak. Lahat ng iyon ay para sa iyo,” aniya.
Magmula noo’y imbes na ikahiya ay palagi pang ipinagmamalaki ni Andrew ang kanyang ina. Natutunan din niyang ipagtanggol si Celia mula sa mga taong nang-aalipusta sa kakulangan nito. Ginawa rin niyang inspirasyon ang ina upang maagang makatapos ng kolehiyo, makapagtrabaho, at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang uliran at mapagmahal na nanay.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!