Naglayas ang Bata sa Pag-aakalang Makakatulong Ito sa Kanyang Mareklamong Ina, Nadurog ang Puso ng Kanyang Ina nang Malaman Ito
Pitong taong gulang pa lamang si Loisa nang umalis ang kanyang amang si Gerry mula sa kanilang bahay. Naiwan siya roon kasama ang kanyang nanay na si Connie.
Imbes na punan ni Connie ang pagkukulang ng dating asawa, lalo pang nahirapan ang bata sa kaniyang pag-aadjust sa pag-alis ng kanyang ama dahil sa kapabayaan ng nanay niya. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay nagigising siya sa pagputak at pagrereklamo nito.
“Ano ba namang buhay ‘to?! Iniwan ka na nga ng asawa mo, wala man lang kahit isa sa pamilya niya ang nagpunta rito upang kamustahin ako!” malakas na pagbubunganga ni Connie kahit wala naman itong kausap.
“Siya nga ay nagpapakasaya sa buhay binata niya, e ako? Wala! Nakatali ako rito kay Loisa! Wala e, sa ina raw ang bata kapag single parent ka!” dagdag pa nito habang naghuhugas ng mga pinaglutuan niya mula kagabi.
Nalungkot naman si Loisa. Niyakap na lamang niya ng mahigpit ang teddy bear na ibinigay sa kaniya ng kaniyang yumaong lola noon.
Napapakain naman sa tamang oras ang bata, napapaliguan ng maayos, at naihahatid sa eskwela tuwing umaga. Ngunit sa tuwing sinusubukang manlambing ng bata sa kanyang ina ay sinusungitan lamang siya nito.
“Mama? Tabi po tayo matulog, please? Kwentuhan mo po ako ng story, parang dati po,” paglalambing ni Loisa bago matulog.
“Anong tulad ng dati? Noong dating nandito pa ang papa mo? Aba! Iniwan na tayo! Huwag kang maghanap ng taong wala rito! At isa pa, pagod ako! Pagod na pagod ako mula sa pagkayod ko buong araw sa trabaho, tapos ngayon ay mangungulit kang magpakwento?” nanggagalaiting sagot ni Connie.
Hindi na nakaimik ang bata at dumiretso na lamang sa higaan niya upang subukang makatulog mag-isa, ngunit hindi niya mapigilan ang mga luha na tumulo mula sa kanyang musmos na mga mata.
Kinabukasan, ganoon na naman ang eksena sa kanilang malungkot na bahay.
Araw-araw, iba’t-ibang bagay ang nakapagpapaputok ng butchi nitong si Connie. Tila imbes na tilaok ng manok ay tilaok ng kanyang ina ang gumigising kay Loisa tuwing umaga. Hanggang dumating ang isang umaga nang marinig ni Loisa ang ina na may kausap sa cellphone nito.
“Mamaya? O sige, sasama ako! Nang makapaglibang naman!”
“Ay nako! Bwisit! Si Loisa nga pala, walang magbabantay. Bakit kasi sa ipinanganak pa itong batang ‘to e! Bwisit na bwisit pa ako sa tuwing makikita ko ang mukha, kamukhang-kamukha ng ama niya!” dagdag pa ni Connie.
Labis na ikinalungkot ng bata ang kanyang narinig, at isang mabilis na solusyon ang sumagi sa kanyang isip. Kinuha nito ang kanyang teddy bear at kinausap.
“Kawawa naman si mama, ano? Siguro kung umalis na lang ako rito, hindi na siya mahihirapan. Magiging masaya na siya,” aniya.
Sa murang edad, nag-empake ng iilang damit ang bata nang makaalis na ang kanyang ina papasok sa trabaho nito. Ayon din sa isang telenovela na nakikita niyang pinapanood ng kanyang ina tuwing gabi, nag-iwan siya ng sulat sa kanilang mesa upang magpaalam sa ina na maglalayas na lamang siya.
“Dear ma, aalis po ako kasama si teddy. Gusto ko po happy ikaw, mama. Sorry po kasi pinanganak pa ako. I love you.”
Dala ang isang daang piso, na akala ng musmos na pag-iisip ni Loisa ay sapat na upang siya ay mabuhay ng mag-isa, umalis ang bata sa kanilang tahanan upang mapasaya ang kanyang ina. Ayon din sa kanya’y ayaw na niyang nakikitang nahihirapan ang ina nang dahil lamang sa kaniya.
Nang makauwi si Connie, agad siyang nagtaka nang mapansing tila ba walang tao sa kanilang pamamahay. Kumaripas ito ng takbo sa kwarto ng kanyang anak, at nagulat nang mabasa ang iniwan nitong sulat.
Agad tumakbo si Connie papuntang presinto upang ipahanap sa pulisya ang kanyang anak. Halos mabaliw siya sa pag-iisip kung nasaan na ito.
Makalipas ang ilang oras, isang pulis ang kumausap sa kaniya.
“Misis? Wala po hong balita sa anak ninyo. Inireport na ho namin siya sa mga police station na malapit dito. Nagpakalat na rin ho kami ng mga larawan niya sa mga sikat na lansangan dito sa atin,” anito.
Hindi makapagsalita si Connie. Paulit-ulit niyang binabasa ang maiksing sulat na gawa ng kanyang sariling anak. Dahil hindi niya na malaman ang gagawin, naisipan niyang pumunta sa isang simbahan malapit sa presintong kanyang pinaghihintayan.
“Diyos ko? Alam kong alam Mo na nawalan ako ng pananalig sa Iyo magmula nang iwan ako ng aking asawa. Kasunod noon, naging walang kwentang ina ako sa aking nag-iisang anak. Pero, parang awa Mo na, ibalik Ninyo ang aking anak. Kunin Mo na po ang lahat, huwag lang ang anak ko. Ipinapangako kong magbabago na ako at hinding-hindi na siya pababayaan kahit kailan,” mataimtim na panalangin ni Connie habang nakaluhod sa gitna ng altar.
Patuloy ang pag-agos ng luha ni Connie, nang biglang isang pamilyar na kamay ang humawak sa kaniyang balikat.
“Mama? Galit ka pa po?” sabi ng maliit na boses, ang boses na kanina pa niya nais marinig. Ang boses ng kaniyang anak na si Loisa.
“Anak! Anak ko! Loisa, ang mahal kong anak!” sigaw ni Connie habang maghigpit na hagkan ang bata.
“Nakita ko ang iyong anak na palakad-lakad sa lansangan. Mabuti at nadaanan ko siya bago ako makauwi sa bahay ko,” wika ni Gina, ang isa sa mga dati niyang kaklase noong elementarya.
Labis-labis ang pasasalamat ni Connie kay Gina, ngunit lalo siyang nagpasalamat sa Maykapal dahil agad nitong dininig ang kanyang panalangin.
Mabilis ang naging pagbabago sa pag-uugali ng babae. Kung noo’y tila walang pakialam si Connie sa anak, ngayon ay todo na ang ginawa niyang pag-aalaga rito.
“Anak? Patawarin mo ako sa lahat ng pagkukulang ko ha? Hindi ikaw ang may kasalanan. Wala kang kasalanan. Naging napakabuti at napaka-maintindihin mong anak,” anito.
“I love you, mama. Nag-pray din po ako kay Jesus na sana ay bumalik na ang dati kong mama. Ang bait Niya po talaga!” sagot ng bata.
“Tunay ngang mabait,” nakangiting sagot nito. Matapos magyakapan ay sabay na nagdasal ang mag-ina upang magpasalamat sa Maykapal.
Natutunan ni Connie na hindi niya dapat idinamay ang walang kasalanang bata sa galit at pighating naramdaman niya mula sa pag-iwan sa kaniya ng asawa. Mula noo’y inilaan niya ang lahat ng lakas at oras niya mabigyan lamang ng magandang buhay ang kaniyang pinakamamahal na anak.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!