Inday TrendingInday Trending
Kahit Bawal ay Panay ang Pagsisiga ng Lalaki sa Tapat ng Kanyang Bahay, Isang Aksidente ang Magtuturo sa Kaniya ng Leksyon

Kahit Bawal ay Panay ang Pagsisiga ng Lalaki sa Tapat ng Kanyang Bahay, Isang Aksidente ang Magtuturo sa Kaniya ng Leksyon

Sa tuwing nakakaipon ng basura si Mang Bernie, dahil tatlong beses sa isang linggo lamang dumaraan ang truck ng basura sa kanilang lugar, ay nagsisilab na lamang siya ng apoy upang magsiga sa kaniyang bakuran. Mapa-dahon, plastik, papel, o kahit anumang kalat na maaaring magliyab ay agad niyang sinisindihan upang “hindi na nakakalat” sa kanyang bahay.

Kalilipat pa lamang ng matanda mula sa bahay kung saan niya pinalaki ang apat na anak, dahil nang pumanaw ang kanyang asawa ay naging tila napakalaki na ng bahay na iyon para sa kanyang mag-isa. Kaya naman napagdesisyunan niyang lumipat sa isang maliit na baranggay, at bumili ng maliit na bahay na sakto lamang para sa kanya.

“Ano ba naman ‘yong matandang bagong lipat! Tuwing umaga ay nagsisiga,” reklamo ni Lily, isang nanay sa kanilang baranggay habang kakwentuhan ang ilan sa kanilang mga kapitbahay.

“Kaya nga e! Ang baby ko, imbes na sariwang hangin ang nalalanghap e usok lamang mula sa bakuran niya ang naaamoy. Perwisyo!” dagdag ng bagong panganak na si Cathy.

“Hindi ba’t ilegal iyon? Ang pagsisiga?” sabat naman ng binatang si Julio.

Nang mapagtanto nilang may batas nang naisulong ukol sa pagbabawal ng pagsisiga, napagkasunduan ng karamihan sa kanilang isumbong at ipagbigay alam sa tanggapan ng kanilang barangay ang pangyayari.

“Nako po! Si Sir Benny Dimaguiba? Kapit na kapit kay mayor ‘yong matandang iyon. E kabilin-bilinan sa akin ay huwag ko raw kakantiin e,” sagot ng barangay captain na si Kap. George.

“Ganoon ba? Palakasan pa rin ho ba ang sistema hanggang sa ngayon?” pabalang na sagot ng binata.

“Pasensiya na kayo, subukan niyo na lamang pakiusapan ng personal. Baka naman madadaan sa mahinahong pakikipag-usap,” ‘ika ni Kapitan George.

Wala nang nagawa ang mga nagrereklamo kung hindi ang sumunod sa payo ng kapitan. Sama-sama silang dumiretso sa bahay mismo ng matanda.

“Tao ho? Tao ho! ‘Tay?” anila habang kumakatok sa gate ng matanda.

“Anong tatay? Anak ba kita? Anong kailangan ninyo?! Aba’y natutulog ako!” masungit na sagot ni Mang Bernie.

Nagkatinginan muna ang mga magrereklamo, at saka nagpaliwanag sa matanda.

“Marami ho kasi kami ang nagagambala sa pagsisiga ninyo tuwing umaga, mayroon hong mga sanggol na nahihirapang huminga, pati na rin ho ang ilan sa amin na may hika. At isa pa, masama ho iyan sa kapaligiran,” mahinahong paliwanag ni Julio. Siya ang hinayaang magpaliwanag sa matanda dahil kilala siya sa pakikipag-usap ng maayos.

“Ano? Ano bang pakialam ninyo? Sa bakuran ko naman ako nagsisiga ah?”

“Pero siyempre ang usok ho ay sa amin…”

“Magtigil kayo! Wala akong pakialam. Doon kayo sa presinto maghain ng reklamo. Que aarte ninyo!” pagsabat ng matanda sabay pasok sa loob ng kaniyang bahay.

Napakamot na lamang ng ulo ang mga residenteng apektado. ‘Ika ng isa’y hayaan na lamang muna ang matanda dahil karma na raw ang bahala dito.

Maya-maya, nagulat ang mga tao nang makitang nagsusunog na naman ng mga tuyong dahon at plastik ang matanda. Sa mga sumunod na araw, imbes na isang beses sa isang araw ay ginagawa na nitong dalawa hanggang tatlong beses ang pagsisiga. Para bang nananadya pa ito sa mga kapitbahay niya.

Ngunit tila ba nagkatotoo ang hinuha ng isang residente. Isang araw ay nagising na lamang ang mga tao sa palahaw ng bumbero na dumaraan sa kanilang eskinita.

“Sunog! Sunog! May sunog!”

Napag-alaman nilang nagkaroon ng sunog sa bahay mismo ng matanda dahil sa naiwan nitong nagbabagang plastik, na umabot sa ilang kagamitan niya sa bahay na gawa sa kahoy. Mabuti na lamang at maagang dumating ang mga bumbero, at walang ibang bahay na nadamay kung hindi ang bahay lamang ng matanda.

Hindi na nakapanayam ng mga residente ang matanda, dahil bago pa man nila ito maka-musta matapos maapula ang sunog, nabalitaan nilang agad na itong umalis ng kanilang baranggay at hindi na muling nagpakita pa.

“Hayan! ‘Yan ang nakukuhang karma ng mga taong walang malasakit sa kapwa, lalo na sa kalikasan,” bulong-bulongan ng mga residente habang nagpapasalamat na hindi sila nadamay nang dahil sa katigasan at kapabayaan ng matanda.

Bali-balitang palipat-lipat pa rin ng tirahan ang matanda dahil hindi nito maalis ang nakasanayang pagsisiga, dahilan upang madalas siyang ireklamo. Nawalan na rin siya ng kapit sa mayor dahil naging mabaho na rin ang record ni Mang George sa dami ng nagrereklamo laban sa kanyang pangalan.

Advertisement