Dahil Nakapag-Saudi ay Saksakan ng Yabang ang Lalaki; Nang Lumindol ay Gumuho ang Lahat ng Ipinagmamalaki Niya
Apat na taon nang nagtatrabaho sa Saudi si Romel, ang misis niya ay sa bahay nalang nananatili dahil malaki naman ang sahod ng lalaki at sobra pa sa mga gastusin nila. Mayroon siyang dalawang anak na parehong nag-aaral sa private school, grade 6 ang panganay habang grade 3 naman ang bunso.
“Mahal!” kaway ni Anita, ang misis ni Romel. Nang matanaw niya ang babae ay agad siyang lumapit rito bitbit ang kanyang mga maleta.
Kauuwi niya lang galing sa Saudi, ang plano nila ay hindi na siya babalik dahil tapos na namang gawain ang kanyang malaking bahay. May kaunti na rin silang naipon para magsimula ng maliit na negosyo, mayroon rin silang mga baboy na ipinaaalaga sa kamag-anak niya sa probinsya.
“Halika, kain muna tayo.” yaya niya sa misis. Akay niya ang dalawang anak, kumpleto pati mga pinsan niya sa pagsundo sa kanya.
“Ha? Nagluto ako sa bahay eh, marami-rami rin iyon,” sabi ng babae.
“O edi kainin mamaya. Basta kain tayo ngayon, sa mamahalin ha para makita naman nila na marami akong pera,” bulong niya sa babae na napapailing nalang.
Mula kasi nang makahawak ng salapi si Romel ay tumodo na ang yabang nito. Unti-unti siyang nilayuan ng mga kaibigan dahil kay hilig niya ring mang-api sa mga hindi maka-level sa kanya. Ang nakadikit nalang sa kanya ay iyong mga sipsip at handang dilaan ang paa niya maambunan lang ng pera at syempre, gustong gusto niya iyon.
Mabilis lumipas ang isang Linggo at kay bilis mangalahati ng naipong pera ng lalaki. Wala kasi siyang ibang ginawa kung hindi manlibre, paraan niya iyon upang maipamukha sa mga kakilala na limpak limpak ang kayamanan niya.
“O, saan ka pupunta?” tanong ng misis niya isang hapon.
“Dito lang, ililibre ko sina pareng Celso. Babalik din ako before dinner,” sagot niya, bihis na bihis.
“Ha? Akala ko in-unfriend mo na kamo iyon sa FB dahil hindi naman makasakay sa’yo? Bakit nag-iba yata ang ihip ng hangin ngayon?” nagtataka si Anita.
“Well, mali ang desisyon ko na tanggalin sila sa friends ko sa FB dahil di na nila makikita ang posts ko na kumakain tayo sa mamahaling restaurant. Wag ka nang kumontra mahal, ako naman ang nagyaya eh. Gusto ko lang malaman ang buhay nila ngayon.” sagot niya at nagtuloy-tuloy na sa paglabas.
Ilang sandali pa ay masaya na silang nagkukwentuhan, may kaunting alak rin silang inorder.
“Ikaw ba pareng Manuel, saan ka ngayon?” tanong ni Romel.
“Sa Pasay pare, staff ako doon.” nakangiting sagot ni Manuel.
“Ayos naman ang sahod? Nasa magkano?” usisa niya pa, tinanong niya iyon para maikumpara niya sa sinasahod niya na tiyak niya namang mas malaki.
“Maliit lang, pero sapat na naman sa amin. May maliit na negosyo naman rin si Anna kaya tulungan kami,” sabi ni Manuel.
“Naku yan, yan ang sinasabi ko. Nakukuntento agad, pare wag gano’n. Ang anak mo nasaan? Nasa public school diba? Paano ka nakasigurong maganda ang turo doon, ang cheap kaya sa public! Ako, yung dalawang tsikiting ko, nasa private na para sigurado.
At saka, may bahay na ako. Malaking-malaki. I mean pare look at me, grabe ang pundasyon na itinanim ko kaya wala nang makakatibag sa akin. Sabi nga ng misis ko, magpasalamat raw sa Diyos sa biyaya. Naku! Sabi ko, t*ng inang yan, ba’t sa Diyos ako magpapasalamat? Dapat sa sarili ko! Dahil ako naman ang dahilan kung ano ang mayroon kami ngayon.” litanya niya, sinadyang lakasan ang boses para marinig ng iba.
“Grabe tropa natin, mas mataas pa sa Diyos,” kantsaw ni Celso.
“Hindi pare, realtalk lang. Ako naman talaga diba? Diyos ba ang nag-Saudi? Diyos ba ang bumili ng ginto sa leeg ko, di ba’t ako? So thank you, myself!” sabi niya at sinundan iyon ng malakas na tawa.
Marami-rami ang nainom niya noong gabing iyon, halos lupaypay na siya nang ihatid ng mga kaibigan sa bahay nila. Kasalukuyan silang nagdo-doorbell sa gate nila nang biglang makaramdam si Romel ng matinding pagkahilo.
“Pare, t*ng ina ng ininom natin. Grabe ang hilo ko talaga, yumayanig ang paligid!” reklamo niya.
“P-Pare, hindi ka nahihilo. Lumilindol!” kinakabahang sabi ni Celso.
Tila nawala ang pagkalasing niya dahil doon, ilang sandali pa ay may narinig silang sumisigaw mula sa loob ng bahay. Ang mag-iina niya!
Tatakbo sana siya pero nanlambot ang tuhod niya at umikot ang paningin, nakita niya na lamang si Manuel at Celso na pumapasok sa loob. Paglabas ng mga ito ay kasama na si Anita at ang kanilang dalawang anak.
Segundo lang ang lumipas- ganoon nalang ang kaba niya nang pagkalabas na pagkalabas ng kanyang mag- iina ay biglang gumuho ang kanilang bahay.
Natapos na ang lindol pero tulala pa rin ang pamilya lalo na si Romel, walang natira sa bahay nila.
Napaluhod nalang siya habang unti-unting tumutulo ang luha. Nakaramdam siya ng tapik sa kanyang balikat, si Manuel. Katatapos lamang nitong tumawag sa bahay at nakahinga ng maluwag nang malamang ligtas ang mag-ina.
“Pare..ayos ka lang ba? May kaunti akong pera rito, pahihiramin nalang kita. At kung gusto nyo, doon nalang kayo ni Anita sa amin pansamantala,” alok nito.
Nayakap niya ang lalaki. “Pare patawarin mo ako, sa mga nasabi ko. Patawarin mo ako na minaliit kita, ako pa ngayon ang tutulungan mo,”
Ginamit ng mag-asawa ang natitirang ipon para magpatayo ng maliit na bahay na nilagyan rin nila ng sari-sari store. Mula noon ay hindi na naging mayabang si Romel, natuto siyang makuntento at magpasalamat sa kahit na anong ibinibigay ng Diyos.
Maski na nawala ang lahat sa kanya ay grabe pa rin ang saya niya dahil hindi kinuha sa kanya ang pamilya. Pinatunayan lamang ng Diyos na ito ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Binatukan lang siya, pinaalalahanan lang na naliligaw na siya ng landas.