Ipinakilala ng Babae sa mga Kaibigan ang Sariling Ina Bilang Katulong, Pagtanda ay Ito ang Napala Niya sa Kanyang Anak
Mabusising pinunasan ni Aling Senda ang mga baso matapos niyang hugasan, may bisita kasi ngayon sa bahay nila at nakakahiya naman kung sa may alikabok niya paiinumin ng juice ang mga ito. Matagal na kasing naka-display lang ang mga babasaging baso at inilalabas lang kapag may mga panauhing gaya nito.
Isa lamang ang anak ni Aling Senda, si Erika. Na-biyuda siya 40 taon na ang nakakalipas at mag-isa niyang itinaguyod ang unica hija. Talagang lahat ng trabaho ay pinasukan niya, labada, tindera, naging katulong pa nga siya mapag-aral lang ang anak.
“Manang ang juice! Tagal!” sigaw na nagpagising sa matanda mula sa pagkakatulala.
“Papunta na ma’am, nagpapalaman lang po ng tinapay,” sagot niya.
Nanghihina niyang binitbit ang tray sa salas kung saan naroon ang mga bisita. Dahil sa katandaan ay di niya na masyadong na-tantya ang mesa, nailapag niya na ang meryenda sa maling pwesto dahilan upang matapon iyon. Hindi naman nagkalat pero nalagyan ng juice ang mga tinapay na pinalamanan niya.
“Anak ng! Nakakahiya ka manang sa friends ko! Pasensya na kayo guys ha, may edad na kasi itong katulong namin. Katiwala pa ito ng mommy ko eh, dapat talaga palitan na ng mas bata eh,”
Nangilid ang luha ni Aling Senda sa narinig. Bakit kamo? Dahil ang nagsasalita ay walang iba kung hindi ang nag-iisa niyang anak, si Erika.
“P-Pasensya ka na anak-“
“What did you just call me? My God manang ha, hindi por que mabait ako ay feeling close ka na. Kampante ka na masyado, gawin mo ang trabaho mo.” sabi nito, matalim ang tingin sa kanya dahil nadulas si Aling Senda at natawag itong anak.
Maraming taon na ang nakalipas nang mapagtapos ng matanda ang anak sa pag-aaral. Isa na itong ganap na flight stewardess ngayon, hindi niya malilimutan ang araw ng graduation nito. Iyak siya nang iyak dahil sa wakas ay sigurado na siyang maganda ang kinabukasan ni Erika. Walang katumbas ang kaligayahan niya dahil may pinuntahan ang pagkakabaon niya sa katakut-takot na utang.
Ngunit sa kabila ng tagumpay ay unti-unting nagbago ang ugali ng babae. Kinain ito ng pera. Nakapagpagawa nga ng malaking bahay, pero kinalimutan naman ang kanyang nanay. Ikinahihiya nito si Aling Senda, tuwing may bisita ay sinasabi nitong katulong niya lang ang matanda.
Ayaw na ayaw niyang humaharap ang ina sa bisita pwera nalang kung uutusan niya.
Umiiyak na bumalik si Aling Senda sa kusina, doon na rin siya kumain ng hapunan hanggang maringgan niyang nagsiuwi na ang bisita ni Erika. Kasalukuyan siyang naghuhugas ng pinggan nang biglang makaramdam ng masakit na kurot sa tagiliran.
Pagharap niya ay naroon si Erika, mabagsik ang anyo nito.
“Tarantado rin ho kayo eh no! Pinahihiya nyo ako sa friends ko! Ano ba ang gusto ninyong mangyari? Tingnan nyo nga ang ayos nyo, di man lang kayo nangali-ngaling tawagin akong anak sa harap nila!” bulyaw nito.
Nahawakan ni Aling Senda ang bahaging kinurot ng anak at nakatungong humingi ng pasensya, “Sorry anak ko, hindi ko napigilan kanina-“
“Tama na iyang satsat nyo. Drama-rama na naman eh, basta wag ninyong uulitin dahil next time na mangyari pa ito, sa harap na talaga ng mga kaibigan ko ay palalayasin ko kayo.” nagbabantang sabi nito bago tumalikod.
Naiwan ang matanda na tinatakpan ng nangangatog na mga kamay ang sariling bibig upang pigilan ang paghagulgol.
Makalipas ang maraming taon
Nakangiting minasdan ni Erika ang mga larawan sa dingding, nakarating na siya sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa kanyang trabaho. Doon niya pa nga nakilala ang mister na isang piloto.
“P*tang ina, tulala na naman! Kumilos kana at nandyan na ang mga bisita ko!” napapitlag siya nang marinig ang tinig ng nag-iisa niyang anak, si Unna.
“Ito na anak, ano ba ang gusto nilang meryenda? Banana cue?”
“My God how many times do I have to tell you, kapag may bisita do not call me anak!” banta nito bago lumabas sa kusina.
Gumuhit ang matinding kirot sa kanyang dibdib nang maalala ang pamilyar na linyang iyon, na siya ang nagsasabi noon.
Napagtapos niya si Unna sa isang maganda at sikat na eskwelahan, nasawi ang mister niya sa isang aksidente at tila nagpatung-patong ang malas dahil natuklasan niyang kasal pala ito sa iba.
Ang masaklap pa, lumalabas na siya ang kabit at hindi kinikilala ng batas ang kanilang kasal kahit pa magpakita siya ng mga papeles at litrato bilang ebidensya.
Kaya ang ending, wala siyang nakuha ni singko. Naubos ang pera niya sa pag-aaral ng anak na ngayon ay ikinahihiya siya.
Bago kumilos ay muli siyang napasulyap sa dingding at nagtungo ang paningin sa isang lumang picture frame na nakasiksik sa dulo. Halatang ayaw ipakita sa ibang tao, halatang ikinahihiya.
Dinampot niya iyon at nahaplos..lumang larawan ni Aling Senda.
Ngayon lang siya nakaramdam ng pagsisisi, ngayon niya lang naisip ang kanyang pagkakamali kung kailan huli na.
“Nanay, patawarin mo ako sa lahat..Nanay ko..” paulit-ulit niyang sambit pero hindi na siya naririnig pa ng matanda.
Lahat ng ipinaranas niyang sakit sa ina noon ay siya ring dinaranas niya sa palad ng kanyang anak ngayon. Sabi nga nila, kung ano ang itinanim ay siyang aanihin.