Inday TrendingInday Trending
Dinuga ng Arkitektong Ito ang Bahay ng Isang Lalaki, Hindi Niya Inaasahang sa Misis Niya ang Balik ng Karmang Malupit

Dinuga ng Arkitektong Ito ang Bahay ng Isang Lalaki, Hindi Niya Inaasahang sa Misis Niya ang Balik ng Karmang Malupit

Sikat si Emman sa kanilang lugar bilang isang magaling na arkitekto. Halos lahat yata ng magagandang bahay sa kanilang lugar ay siya ang gumawa at nagdisenyo. Ito na rin ang kaniyang hanapbuhay at pinagkakakitaan.

“Mahal, magpapagawa daw sa ‘yo si Rico ng bahay nila. Kakauwi lang kasi noon galing Saudi, e alam mo namang kilala ka dito sa atin kaya ikaw ang kinukuha,” saad ni Olivia, ang asawa ng lalaki.

“Oh, mukhang updated ka diyan sa ex mo ha, at talagang gusto mong ako pa ang gumawa ng bahay nila,” galit na sagot ni Emman sa babae.

Malaki ang issue ng lalaki sa dating nobyo ng kaniyang asawa dahil alam niyang mahal na mahal ito ni Olivia at naging panakip butas lamang siya.

“Oh ‘di ba tapos na tayo sa issue na iyon? Bakit ganyan ka na naman?” baling naman ni Olivia.

“Oh ‘di ba mahal na mahal mo yun, baka bukas makalawa mabalitaan ko na lang kayo na ulit at iniwan mo na kami ng anak mo,” wika naman ni Emman.

“Ikaw ang pinakasalan ko, ikaw ang mahal ko at ang tagal na nun Emman, move on. Trabaho itong binibigay ko sa’yo, kung ayaw mo e di huwag, kaysa naman ganyan ka at nakakarinig ako ng kung ano-ano sa ‘yo,” saad naman ng babae.

“Gagawin ko iyon. Baka isipin pa ng ex mo e hindi ako magaling, hayaan mong ipakita ko sa kaniya ang galing ko, sabihin mo gagawin ko at sabihin mo rin na mahal ang bayad sa akin,” sagot naman ni Emman sabay lagok ng kaniyang inumin na orange juice.

Alam ng lalaki na hindi pagmamahal ang nararamdaman ng kaniyang asawa dahil nagpakasal lang naman ito noong nabuntis niya ang babae at naging mahirap para sa dalawa ang kanilang unang taon ng pagsasama. Tila ba isang bato si Emman na tinitiis ang lahat ng sakit.

“Boss, ikaw na ang bahala sa bahay ko ha, sana yung matibay ang gawin mo kahit sa murang halaga lang dahil diyan ko balak itira ang magiging pamilya ko,” saad ni Rico kay Emman.

“Wag kang mag-alala boss, alam ko ang ginagawa ko at makapagkakatiwalaan mo ako,” sambit naman ni Emman.

Agad na ginawa ni Emman ang bahay ni Rico at dahil sa galit niya dito ay dinaya niya ang lahat ng materyales na ginamit sa pagpapatayo ng bahay ng lalaki. Halos kalahati ang binulsa niya sa perang binigay sa kaniya ni Rico.

“Kahit man lang sa pera makabawi ako sa’yo,” bulong nito sa sarili.

Sa loob lamang ng anim na buwan kasama ng mga manggagawang binayaran ni Emman ay agad na natapos ang bahay ni Rico.

“Boss, talaga palang magaling ka. Ang bilis mo lang natapos ang bahay ko, salamat sa’yo,” saad ni Rico sabay abot sa kaniyang kamay sa lalaki at kinamayan naman iyon ni Emman sabay ngiti.

“Naisahan din kita!” isip-isip ni Emman habang nakatingin sa bahay ng lalaki.

Isang araw, pauwi na si Emman galing sa mall. Tatawagan niya sana ang asawa dahil traffic ngunit natigilan siya nang mapansing umuuga ang mga laruan sa harapan ng kaniyang sasakyan kahit pa nga nakatigil naman ito, ilang sandali pa’y napagtanto niyang lumindol ng halos tatlong minuto. Agad-agad na tumunog ang kaniyang telepono,

“Kuya, nasaan ka na? Si ati dadalhin sa uspital koya! Yung bahay kasi ni Rico bumagsak yung 2nd floor ba at nadaganan si ati!” saad ni Lilibeth, ang Bisayang kasambahay ng lalaki.

Hindi na sumagot pa si Emman at agad na sumugod sa hospital, pagkita niya kay Rico ay agad niya itong sinapak.

“Anong ginagawa ng asawa ko sa bahay mo!? Ano iniiputan niyo akong dalawa!?” galit na galit na pahayag ng lalaki.

“Ano ba Emman, kakarating mo lang ganyan agad ang bati mo. Pwede ba! Pumunta ako dun sa bahay nila dahil nakita ko yung mga resibo niya sa bahay natin dun sa mga binili mong materyales, pakiramdam ko kailangan niya kaya binigay ko!” sambit naman ni Olivia na may benda ang ulo.

“Boss, hindi ko alam anong problema mo sa akin pero ayon sa nakita ko, ang laki ng pandarayang ginawa mo sa akin. Matagal na kaming ayos ni Olivia at ikaw na lang ang nag-iisip ng masama. Sa lahat ng bahay doon sa lugar natin, tanging bahay ko lang ang bumigay nitong dumaan na lindol. Ngayon alam ko na ang sagot kung bakit,” pahayag naman ni Rico.

“Akala ko kasi ngayong bumalik ka na ay aagawin mo sa akin ulit si Olivia,” baling ni Emman sabay yuko.

“Ikaw ang mahal ko Emman at sana paniwalaan mo iyon dahil matagal ko nang kinalimutan si Rico. Magkaibigan na lang kami at hindi na hihigit pa doon,” wika ni Olivia na lumuluha na rin.

Nahimasmasan si Emman sa kaniyang galit at tinignan ang kaniyang asawa, mabuti na lang at hindi napuruhan ang ulo nito dahil kung nagkataon hindi niya mapapatawad ang sarili sa kaniyang ginawa. Humingi ng despensa si Emman kay Rico at pinatawad naman ito ng lalaki, inalok na rin ni Emman na siya na ang gagawa ng nasirang bahagi ng bahay niyo at ililibre na niya iyon.

Napagtanto ni Emman na walang mabuting naidudulot ang panlalamang sa kapwa pati na rin ang kawalang tiwala sa iyong asawa. Ngayon, maayos na ang kani-kanilang pamilya.

Advertisement