Sumama ang Loob ng Anak nang Maramdamang Pinabayaan Siya ng Kanyang Nanay, Natuwa Siya nang Malaman ang Totoo
Iisa lamang ang anak ni Hilda sa pumanaw niyang asawa. Kaya naman mahal na mahal niya ang anak niyang si Eman.
Sa takot na baka mag-rebelde ang kanyang anak at mapabarkada sa mga maling kaibigan, ay pinigilan niya ang sarili na maghigpit sa anak.
Karamihan kasi ng mga nakakausap niyang magulang, iyon daw ang nagiging dahilan kung bakit nagrerebelde ang mga anak nila.
Nawala ang tatay ni Eman noong siya’y katorse pa lamang. Tatlong taon na ang nakalilipas at kitang-kita na araw-araw ay namimiss pa rin ng binata ang kanyang ama.
Masaya si Hilda na hindi umiinom ng alak at nagyoyosi ang kanyang anak tulad ng ibang 17 anyos na mga binata.
Ngunit talagang ang bisyo ng anak niya ay ang pagbababad sa kompyuteran at maglaro ng maglaro tuwing walang pasok.
Laking gulat na lang ni Hilda nang dumating ang isang araw na may dalang babae si Eman. Wala namang nakukwento ang binata sa kanyang nanay na may nobya na pala siya.
“Ma, pwede ba kitang makausap?” tanong ng binata
Kinabahan agad si Hilda sa tono pa lang ng boses ng kanyang anak. Seryosong-seryoso ito at mukhang seryoso rin ang kanyang sasabihin.
“Ano iyon, anak? Girlfriend mo na ba siya?” nakangiti pa ring sagot ni Hilda habang nakatingin sa anak at sa babaeng kasama niya.
“Oo ma, siya si Kaye. Kaklase ko siya at girlfriend ko siya. Pero ma, sana mapatawad mo ako,” aniya.
“Ha? Anong patawarin? Hindi naman masamang magkaroon ng nobya anak,” sagot ng kanyang nanay.
“Hindi iyon ma.”
At matapos ang malalim na buntong hinga, “Buntis si Kaye, ma at ako ang tatay,” nakayukong sabi ni Eman.
Sa totoo lang ay hindi alam ni Hilda ang kanyang mararamdaman ng mga oras na iyon. Dahil sa kanyang pananaw, kasalanan niya rin kung bakit naging ganoon ang anak niya, sa pagiging maluwag niyang ina.
Pero gusto niyang magalit ng sobra-sobra sa kanyang anak sa kadahilanang hindi naman sila mayaman at hindi ganoon kalaki ang kanyang kinikita. Tapos magkakaroon pa siya ng apo? Sino na lang ang gagastos sa pangangailangan ng mag-ina niya?
Bukod pa riyan, nag-aaral pa si Eman at hindi pa nakakatapos ng kolehiyo, paano niya bubuhayin ang mag-ina niya?
Sa dami ng sabay-sabay na tumakbo sa isip ni Hilda, iyak na lamang ang kanyang nagawa. Tinanong niya rin kung nasabi na ba ng dalawa ang sitwasyon sa magulang ng mga babae.
“Hindi pa ma, inuna po muna naming sabihin sa inyo, dahil hindi ko rin po alam ang gagawin ko,” naiiyak na sagot ng binata.
“Saan mo balak patirahin ang mag-ina mo?” aniya.
“Kung papayag po kayo at ang mga magulang niya, dito po sana sa atin, sa bahay,” sagot ng binata.
“Paano ang mga kailangan niya at ng bata?” tanong ni Hilda. At hindi nakasagot ang binata sa tanong na iyon.
“Kung makakausap niyo ang magulang mo, Kaye, maaari kayong tumira dito. Ikaw, Eman, pag-aaralin pa rin kita, dahil responsibilidad ko iyon bilang nanay mo. Pero dahil pinili mong maging ama, wala akong ibibigay ni singkong duling sa inyo. Bukas na bukas ay maghahanap ka ng trabahong papasukan mo para mabigay ang pangangailan ng mag-ina mo. Pag nakatapos ka na sa kolehiyo, aalis na kayo ng bahay na ito, at bubukod na. Kung gusto niyong tumira dito sa bahay ko ngayon, iyon ang kundisyon ko,” dagdag ng nanay.
Aminadong sumama ang loob ni Eman dahil buong akala niya’y tutulungan siya ng kanyang nanay. Hindi niya alam kung paano niya kakayanin ang hirap ng isang estudyanteng naghahanap-buhay.
Makalipas ang tatlong taon, nakapagtapos ng pag-aaral si Eman, gaya ng pangako ng kanyang ina. Pero hindi ito naging madali. Mula Lunes hanggang Biyernes ay pumapasok siya sa eskwelahan sa umaga, at pagdating naman sa hapon hanggang madaling araw ay nagtatrabaho siya bilang waiter sa isang kainan. At madalas, kahit Sabado at Linggo ay pumapasok pa rin siya sa trabaho.
Hindi pa rito kasama ang pagod niya bilang isang ama. Dahil pag siya’y nasa bahay nila, yun naman ang oras ni Kaye para gumawa ng ibang gawaing bahay o di kaya’y maglaba, kaya’t si Eman naman ang magbabantay ng kanilang anak.
Kung minsan ay nakakaramdam siya ng galit sa kanyang ina dahil pakiramdam niya’y hinayaan na siya nito. Kaya’t nang siya’y makatapos sa pag-aaral ay agad silang naghanap ng bahay na malilipatan para bumukod, gaya ng napag-usapan.
Ilang araw pa lang silang nakabukod sa kani-kanilang pamilya ay nahihirapan na sila. Pero habang tumatagal, napapansin nila parehas na nagiging madali na lang ang mga bagay-bagay dahil sanay na silang gawin ito.
Doon napagtanto ni Eman na hindi pala siya talaga pinabayaan ng kanyang nanay. Dahil lahat ng ginawa ng kanyang ina ay para pala talaga sa kanila. Kung hindi siya itutulak ng kanyang nanay na magtrabaho at kumayod, hindi siya matututong maging isang responsableng ama.
Isang taon pa ang nakalipas at nagpakasal din si Eman at Kaye. Ang kanilang anak pa ang naging ring bearer sa kasal nila.
Malaki rin ang natutunan ni Kaye sa kanyang biyenan – ito ay kung paano maging isang mabuting ina at responsableng asawa. Laking pasasalamat ng mag-asawa sa itinuro sa kanila ng kanilang nanay Hilda.