Imbes na Maluha ay Natuwa Pa ang Babae nang Makipaghiwalay ang Kanyang Nobyo, Ano Kaya ang Dahilan?
Mag-iisang taon rin na niligawan ni Emman si Princess. Masasabing sila ang pinaka-sikat na magkasintahan sa buong paaralan dahil sa tagal ng kanilang relasyon. Kahit na maglilimang taon na sila ay malambing pa rin sila sa isa’t isa.
“Goodmorning, love,” bati ni Princess sa kanyang kasintahan.
“Goodmorning din, love,” sagot naman ni Emman kay Princess pagkatapos maghintay sa labas ng kanilang bahay para sunduin ang kanyang nobya. “Goodmorning po tita, pasok na po kami ni Princess sa school,” pahabol nito ng makita ang ina ng kanyang kasintahan.
“Magandang umaga rin sa iyo, Emman. Salamat at di ka nagsasawang sunduin ang aking anak,” sagot naman ng ina ni Princess.
Dumeretso na sa school ang dalawa dahil kailangan na nilang magpractice para sa kanilang nalalapit na graduation. Magkaklase ang dalawa at parehong kumukuha ng kursong Civil Engineering sa kanilang gustong paaralan.
Pagkatapos ng graduation ay nagyaya pa si Emman na kumain kasama ang pamilya ni Princess sa maliit na kainan ng kanyang magulang. Agad naman na pumayag ang pamilya ni Princess dahil na rin matalik na magkaibigan ang kanilang mga magulang.
“Congrats love. Baka pwede muna tayo kumain nila tita sa amin?” aya ni Emman sa kanyang nobya.
“Sige sasabihin ko yan kay mommy. Mukha namang papayag yun kasi kaibigan din naman niya yung mommy mo,” masayang sagot naman ni Princess. Agad nitong ipinaalam sa kanyang magulang ang tungkol rito at sinang-ayunan naman ito ng kanilang mga magulang.
“Love, pumayag sila. Susunod nalang kami dun ha? May bibilin pa kasi kami,” sabi ng dalaga sa nobyo.
“Sige love. Mag-iingat kayo ha. Hintayin namin kayo,” pamamaalam ni Emman sa dalaga.
Pagkarating ng pamilya ni Emman sa kanilang kainan ay agad nang nagluto ang kanyang magulang para sa kanilang hapunan. Makalipas naman ang halos isang oras ay nakarating na ang pamilya ni Princess kila Emman. Naging espesyal ang kanilang selebrasyon dahil ito na rin ang ika-limang taon nila bilang magkarelasyon.
Lumipas ang ilang taon ay may kanya kanya ng trabaho ang dalawa kaya naman nagsimula na silang mawalan ng oras sa isa’t isa.
“Love, labas naman tayo ngayon. Nami-miss na kita eh. Ang tagal na nating hindi nagkikita,” aya ni Princess kay Emman habang kausap sa telepono.
“Hindi kasi ako pwede ngayon, love. May pupuntahan pa akong isang site bago ako makabalik ng office. Bawi nalang ako next time ha,” pagtanggi naman ni Emman habang nag aayos ng gamit papunta sa isang site ng kanyang trabaho.
“Sige. Ok lang. Mag iingat ka. I love you,” sagot naman ng dalaga.
“Ok, love. Thank you sa pag-intindi. Ingat ka rin,” sabi ng binata kay Princess. Pagkatapos ng pag uusap nila agad pinatay ni Emman ang phone dahil nag-aayos siya ng gamit. Gulat naman ang dalaga dahil hindi niya aakalain na bababaan siya agad ng telepono ng kanyang kasintahan.
Nag sunod sunod ang mga araw ay pati maliliit na bagay ay pinag-aawayan na ng dalawa. Naging matipid na rin sa reply ang dalawa tuwing sila ay nagtetext sa isa’t-isa.
“Goodmorning, love,” sabi ni Princess sa text kay Emman.
“Goodmorning din, love,” sagot naman ni Emman. Pagkatapos nito ay hindi na sila nakapag-usap ng buong araw. Napuno na agad ng pagdududa ang dalaga dahil minsan ay dapat na susurpresahin niya si Emman sa kanyang trabaho ng makitang may kausap na babae. Pansin rin niya na mukhang aliw na aliw sa pakikipag-usap si Emman kaya naman ay umalis na kaagad ito.
Linggo, libre sa oras ang dalawa. Napagkasunduan nilang magkita upang mag-usap.
“Love, labas naman tayo. Tagal na natin ‘di nagkikita,” aya ni Princess kay Emman.
“Sige. Kita tayo sa park ha,” sagot naman ni Emman sa dalaga. Imbis na tuwa ang naramdaman ni Princess ay napalitan pa ito ng lungkot dahil dati ay sinusundo pa siya ng kanyang nobyo tuwing lalabas sila. Wala nalang siyang nagawa kundi pumunta sa park pagkatapos mag-ayos.
Magkakalahating oras na silang nakaupo sa parke subalit hindi pa rin sila nag-iimikan. Hindi na nakapagpigil si Emman kaya siya na ang unang nag salita.
“Wala ka bang napapansin sa atin, Princess?” tanong ni Emman sa nobya. Gulat naman si Princess dahil hindi ito sanay na tawagin sa kanyang pangalan ng kanyang nobyo.
“Wala naman, love. Bakit?” sagot naman ni Princess.
“Nawawalan na ng sigla itong relasyon natin. Tingnan mo nga ngayon, magkasama tayo pero para tayong hangin sa isa’t isa,” sagot ni Emman sa dalaga. Napatingin si Princess kay Emman pagkatapos itong sabihin ng binata. Hindi niya alam na manggagaling mismo ito sa kanya.
“Ayaw mo na?” malungkot na tanong ni Princess. Napayuko nalang si Emman pagkarinig ng tanong kaya naman iniangat ni Princess ang kanyang mukha kaharap ng kanya at muling nagtanong.
“Ayaw mo na ba, love?” Tanong muli ni Princess.
“Palagi na lang tayong nag-aaway. Palagi na lang kitang napapa-iyak. Hindi na kita napapasaya, love. Kahit sa maliliit na bagay ay nag-aaway tayo. Nakita nga kita dati na binisita mo ako pero ‘di ka tumuloy dahil nakita mong may iba akong babae na kausap,” sagot naman ni Emman.
“Mukha kasing mas masaya ka sa kanya kaya ‘di ko na kayo inistorbo,” sabi ni Princess.
Nabalot ng katahimikan ang paligid sa halos dalawang minuto. Pagkatapos ay nagsalita na naman si Emman.
“Itigil na natin ito,” mga salitang lumabas sa bibig ng binata na nag patulo ng mga luha ni Princess.
“Sigurado ka na ba?” tanong ni Princess habang pilit na pinipigilan ang pag iyak.
“Oo, sigurado na ako. Itigil na natin ito… At mag simula muli tayo,” sagot ni Emman. Gulat na gulat ang dalaga sa sinabi ng binata. Nawala ang mga luha na naipon sa kanyang mga mata dahil dito.
“‘Yong babaeng katrabaho ko ay anak ng may-ari ng isang jewelry shop,” biglang sabi ni Emman na tila ipinapaliwanag ang eksenang naabutan ni Princess.
“Anong mayroon sa jewelry shop?” Tanong ni Princess na may halong kaba.
“Nung una palang napapansin ko na nawawalan na ng buhay ang relasyon natin. Pero ayaw kong mawala ka. At ngayon sakto ang panahon para itigil na natin ito para makapagsimula muli pero hindi na bilang magkasintahan,” pagkatapos sabihin ni Emman ang mga ito ay unti-unti itong lumuhod sa harapan ng dalaga at sinabing
“Magsimula tayo bilang magasawa. Will you marry me, Princess?” Napatayo sa tuwa ang dalaga dahil hindi niya inaasahan ang nangyari. Ang buong akala niya ay maghihiwalay na sila ni Emman ng tuluyan. Niyakap niya ang kanyang kasintahan at binigay ang matamis na oo sa tanong nito.
Ibinalita na rin ng dalawa ang kanilang pagpplanong pagpapakasal sa kanilang mga magulang at agad naman na sinangayunan ito. Ikinasal ang dalawa sa parehong taon sa tulong ng kanilang mga magulang. Mas lalong naging matibay ang kanilang pagsasama dahil na rin sila ay magkasama na sa isang bahay.
Natutunan ng dalawa na mas makakabuti na magsimula muli ng magkasama kaysa itigil at iwan ang lahat sa wala.