Inday TrendingInday Trending
Walang Habas ang Reklamo ng Ina sa Anak Dahil sa May Taning na ang Buhay Niya, ‘Di Niya Inaasahang Mauuna Pa Pala Ito sa Kanya

Walang Habas ang Reklamo ng Ina sa Anak Dahil sa May Taning na ang Buhay Niya, ‘Di Niya Inaasahang Mauuna Pa Pala Ito sa Kanya

Dahil sa maagang pagpanaw ng asawa ni Merly, mag-isa niyang itinaguyod ang kaisa-isang anak nilang babae na si Jessica. Kahit mahirap, sa tulong ng ilang kamag-anak at kaibigan, ay naigapang niya itong buhayin at mapag-aral.

Masaya na sanang namumuhay ang dalawa sa kanilang maliit at mapayapang tahanan, ngunit tila napaglaruan sila ng tadhana. Napapadalas ang pagkirot ng ulo ni Merly kaya naman agad siyang sinamahan ni Jessica na magpatingin sa doktor.

“Misis, sa kasamaang palad, isang malaking bukol ang matagal na palang nasa iyong ulo. Malapit ito sa iyong utak. Base sa aming mga tests, nasa anim na buwan na lamang ang itatagal ng iyong buhay,” malungkot na sabi ng babaeng doktor kay Merly.

Tila napatulala na lamang si Merly mula sa mga narinig. Habang si Jessica naman ay hindi na mapakali at nag-iiyak na sa harap ng doktor.

“Hindi po pwede iyon! Wala na po bang magagawa? Operasyon? Gamot? Kahit ano po ‘yan, gagawan ko ng paraan! Parang awa niyo na, pagalingin niyo ang mama ko,” pagmamakaawa ni Jessica sa doktor.

“Pasensiya ka na, hija. Nasa malalang stage na ang tumor sa utak ng iyong ina. Oo, pwede nating subukan ang ilang operasyon. Pero napakababa lamang ng tiyansa na madugtungan nito ang buhay ng iyong ina,” mangiyak-ngiyak na sagot ni doktora.

Gayunpaman, nais ni Jessica na sumailalim ang kanyang ina sa operasyon. Nalaman niyang aabutin sa kalahating milyon ang operasyon. Para sa kanya, hindi magiging sagabal ang pera dahil maganda naman ang tinapos niya, maganda ang trabaho niya, at may malaking ipon siya sa bangko.

“Anak, hindi mo na kailangang ubusin ang ipon mo para sa akin. Isa lamang ang kahilingan ko,” wika ni Merly sa anak.

“Ano po ‘yon, mama?” tanong naman ng umiiyak pa ring si Jessica.

“Gusto kong maging napakasaya sa ilang buwang natitira sa aking buhay,” saad nito.

Gumawa ng listahan si Merly ng mga bagay na nais niyang gawin, mga lugar na gusto niyang puntahan, pati na rin ang mga pagkain na noon niya pa gustong tikman. Lahat ng iyon ay ipinangako sa kanya ni Jessica na gagawin nila upang masulit ang natitirang taon sa buhay ng ina.

Isang gabi, naisipan ni Jessica na maglambing sa kanyang ina.

“Mama? Pwede po bang suklayan niyo ako gaya ng dati?”

“Suklayan? Jessica, ilang buwan na lamang ang buhay ko, pagsusuklayin mo pa ako?”

“Ay, sorry po mama. Akala ko po kasi ay ayos lang sa inyo. Mama, please, lumaban ka. Hindi ko pa kayang mawala ka,” nagsimula na naman ang pagpatak ng luha ni Jessica.

“Ikaw ba ang mawawala sa mundo? Jessica naman. Bumalik ka na sa kwarto mo. Nakita mo namang may ginagawa ako,” reklamo ng matanda habang naglalaro sa bagong bili niyang cellphone.

Agad napansin ni Jessica ang malaking pagbabago sa ugali ng kanyang ina. Naging mainisin, masungit, pala-reklamo, at madalas ay galit ito. Gayunpaman, mas pinili niyang intindihin ang kalagayan ng ina kaya naman tiniis niya ang napapadalas na reklamo at pagbubunganga nito.

Isang gabi, pumasok si Merly sa kwarto ng kanyang anak.

“Jessica! Jessica! Bumangon ka, dalian mo,” sigaw nito.

Nagmadaling bumangon ang dalaga sa pag-aakalang may masakit sa kanyang ina.

“Ibili mo ako nito, ngayon na. Parang ang sarap kasi. Napanood ko lamang sa Facebook. Sinubok kong kainin ‘yong sabaw diyan, kaso hindi ko nagustuhan,” wika nito.

“Hala, mama? Seryoso ka ba? Alas dos na ng madaling araw. May opisina pa po ako mamaya,” sagot ni Jessica.

“Ano? Alam mong may taning na ang buhay ko, tapos ganyan ka sa akin? Bwisit! Talagang malas ako sa’yo, ano?” sigaw nito.

Walang nagawa ang dalaga kundi ang sumunod sa kakaibang hiling ng ina. Alas dos na ng madaling araw, ngunit kinuha niya ang susi ng kanyang sasakyan upang maghanap ng mabibilhan ng isang mangkok ng ramen.

Naiwan si Merly sa bahay na naghihintay sa pagbabalik ng anak dala ang pagkaing hindi niya maialis sa isip niya. Inabot na ng alas kwatro ngunit hindi pa ito nakakabalik. Sa paghihintay ay hindi inaasahang makatulog na siya sa kanilang sofa.

Kinabukasan, nagising si Merly sa isang malakas na katok sa kanilang pintuan.

“Ano ba ‘yan, Jessica? Alas nuwebe na, ngayon ka lang nakabalik? Saan mo ba ‘yan binili sa Japan pa?!” sigaw nito habang binubuksan ang pinto. Inaakala niyang si Jessica na iyon, ngunit isang estranghero ang nakatayo sa kanilang pinto na may malungkot na mukha.

“Kayo ho ba si Merly San Jose?” tanong nito.

“Oo, bakit? Anong kailangan mo?”

“Ang anak niyo ho… Nasa morgue na ho siya,” wika nito.

“HA? Anong ginagawa niya roon?!”

Ipinaliwanag ng lalaki na kaninang madaling araw, habang pauwi si Jessica dala ang mainit na pagkain, hindi inaasahang bumangga ito sa isang madilim na poste malapit sa kanila. Dahilan upang masawi ang buhay ng kawawang dalaga.

Nang makarating sa morgue, nakita ni Merly ang katawan ng kanyang anak. Halos hindi na makahinga ang matanda sa pag-iyak dala ng sakit na nararamdaman.

“Kayo ho ba ang nanay niya?”

Nang tumango si Merly ay iniabot ng isang lalaki ang supot ng pagkain.

“Bago ho tuluyang mawala si Jessica, binilin niya ho ito sa akin. Ang sabi niya, ibigay ko raw po sa inyo. Mahal na mahal niya raw po kayo. At isa pa, ituloy niyo raw ho ang iskedyul ng operasyon ninyo,” wika ng lalaki na nag-rescue pala sa kanyang anak.

Lalong umagos ang mga luha sa mata ng matanda. Sising-sisi siya sa ugaling ipinakita sa anak. Alam niyang naging makasarili siya dahil naging mahirap para sa kanya ang pagtanggap na mawawala na siya sa mundo. Kung hindi lang niya pinilit ang anak na bumili ng walang kabuluhang pagkain, sana ay kapiling niya pa rin ito.

Wala na siyang nagawa kundi ipanalangin ang kaluluwa ng namayapang anak, at sundin ang mga habilin nito. Pagkatapos ng libing ay agad siyang nagtungo sa ospital upang ituloy ang operasyon. Ngunit, makalipas lamang ang ilang oras habang nasa loob siya ng operating room ay agad binawian ng buhay ang matanda. Hindi na raw kinaya ng matanda niyang katawan ang matatapang na gamot na kinailangan para sa operasyon.

“Anak? Jessica, ikaw ba ‘yan?” bulong ni Merly na isa nang ganap na anghel.

“Mama! Ako nga, mama,” sagot nito habang niyayakap ng napakahigpit ang kanyang ina.

“Patawarin mo ako, anak. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal!” iyak ni Merly.

“Mama, kalimutan na po natin ‘yon. Sa pag-akyat natin sa langit ay napatawad na ng Diyos ang ating mga kasalanan. Nga pala, may isa pang anghel na gusto po kayong makita,” sagot ni Jessica.

Nang lumingon si Merly, nakita niya ang asawang si Pablo. Napaiyak na lamang ito dala ng labis na kaligayahan. Muli ay nakumpleto na ang kanilang pamilyang matagal nang pinaghiwalay ng tadhana. Habang nagyayakapan ang tatlo, kasabay nito ang nag-aawitang mga anghel na tuwang-tuwa sa muling pagkikita ng tatlo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement