Matapang sa Social Media Ngunit Tiklop Kapag Nakompronta Na, Anong Leksyon ang Matututunan ng Babaeng Ito?

Matapang sa Social Media Ngunit Tiklop Kapag Nakompronta Na, Anong Leksyon ang Matututunan ng Babaeng Ito?

FunStories

“Bwisit talaga itong ka-opisina ko! Lahat ng trabaho, halos ako na ang gumagawa. Tapos kapag pinapagalitan kami ni boss, ako pa rin ang walang kwenta! Badtrip!” reklamo ni Heidi sa kaibigang si Steph.

“Oh? Grabe naman! Alam mo, kausapin mo ‘yang katrabaho mo. Para maayos niyo agad,” payo naman ni Steph.

“Kakausapin? Para ano pa? Nako, walang magandang dulot ‘yon. Malamang awkward na kami sa opisina kapag sinabi ko ‘yon,” sagot naman niya habang hawak ang kanyang cellphone.

Maya-maya pa ay nakapost na agad sa Facebook ang reklamo ng dalaga.

“Puro ka sipsip, wala ka namang kwenta! Sige lang, ikauunlad mo ‘yan ‘teh!”

Napailing na lamang si Steph nang makita ito. Sa ilang taong pagkakaibigan nila ni Heidi, magmula nang mauso ang Facebook ay doon na laging naglalabas ng sama ng loob ang kaibigan niya. Palagi niya itong pinapayuhan na kausapin na lamang ang kaalitan upang maresolbahan kaagad, ngunit tila saksakan ng tigas ng ulo nito. Kaya naman para bang nagsawa na lamang si Steph sa kasasaway sa kaibigan.

Akala ng mga kaibigan ni Heidi sa Facebook ay napakatapang at palabang babae siya, pero ang totoo ay doon lamang niya iyon nagagawa. Maski ang pagpaparinig sa personal ay hindi niya kayang gawin. Natatakot din kasi siya sa mga komprontasyon na posibleng pagmulan ng malaking away.

Gayunpaman, sa tuwing nag-iinit ang ulo niya ay sa Facebook agad siya didiretso. Kung titingnan mo nga ang timeline niya, puro reklamo lamang ang makikita mo rito.

Isang umaga, pagpasok ni Heidi sa trabaho ay nakasakay niya ang dati niyang kaklase. Pagod siya dahil hindi sapat ang naging tulog niya dahil pinaalagaan pa sa kanya ang anak ni Steph noong gabi dahil may importanteng lakad sila ng kanyang asawa. Dahil ngayon lamang sila nagkita ng kaklase niyang si Alyssa, normal lamang na mangamusta ito.

“Girl! Kumusta? Tagal nating ‘di nagkita ah!” bati ni Alyssa.

“Uy. Oo nga e,” matipid na sagot ni Heidi.

Patuloy pang nagkwento nang nagkwento si Alyssa, panay naman ang tango at ngiti lang ni Heidi. Pero ang totoo noon ay bwisit na bwisit na siya. Kaya nang makababa siya ng jeep, agad niyang kinuha ang kanyang cellphone upang magpost na naman.

“Puyat ka na nga dahil pilit kang pinag-alaga ng makulit na bata, sasabayan ka pa ng saksakan nang daldal na kakilala! Bwisit! ‘Di makaramdam na ayaw ko makipag-usap! Hays!”

Pagkatapos ay agad niyang binulsa ang kanyang cellphone. Agad din namang gumaan ang loob niya dahil nakasanayan na niyang matapos gawin iyon ay gumiginhawa na ang pakiramdam niya.

Nakarating ng trabaho si Heidi at ginawa ang mga normal niyang ginagawa sa opisina. Uwing-uwi na rin siya dahil nga kulang ang tulog niya noong nakaraang gabi. Maya-maya ay tumunog ang kanyang cellphone.

*Steph Trinidad calling*

“Oh, Steph? Bakit napatawag ka? Kumusta ang pinuntahan niyo ni hubby?” masayang bati ni Heidi.

“Bumaba ka. Nasa lobby ako,” seryosong sagot ni Steph.

Lubos naman ang pagtataka niya dahil wala naman silang planong magkita ngayong araw. Matapos magpaalam sa boss niya ay bumaba na si Heidi, at sumalubong sa kanya ang galit na galit na si Steph.

“Wala kang pinipili, ano? PATI AKO, HEIDI? BESPREN MO?!” gigil na sabi ni Steph.

“Ha? Anong sinasabi mo, bes?”

“Ayan! Diyan ka magaling. Sa maang-maangan. Kay galing mong magparinig, tapos kapag harapan na e tameme ka!”

“Akala ko ba ayos lang sa’yo na alagaan muna si Justin? Ang ayos-ayos ng usapan natin. Tapos bigla kong makikita sa Facebook na kung ano-ano nang sinasabi mo. Na parang labis kang agrabyado!” pagpapatuloy ni Steph.

Sa lakas ng boses niya, nakuha rin nila ang atensyon ng iba pang katrabaho ni Steph. At dahil sang-ayon sila sa naririnig, hindi napigilan ng iba na makisali.

“True! Lakas magparinig, pero hindi masabi sa personal. Ano ka? Bata?” dagdag ng isang ka-opisina niya na minsan na niyang naparinigan.

Marami pang iba ang sumunod na nagsalita. Labis na napahiya si Heidi sa kinalabasan ng huli niyang pinost.

“Ah- eh, sorry! Patawarin niyo ako,” umiiyak na sabi ni Heidi. Halos lumuhod na ito sa harapan ni Steph.

Tila nahimasmasan din naman ng galit si Steph, at agad pinatayo ang kaibigan.

“G*ga! Ang OA mo, may paluhod-luhod pa. Sorry din, ang lakas ng boses ko. Narinig pa tuloy ng iba,” sabi ni Steph habang hinahatak palabas ang kaibigan.

“Sorry, Steph. Nakasanayan ko na kasi. Uminit lang din ang ulo ko dahil sa kasabay ko kanina,” sagot nito.

“Iyan na nga ang sinasabi ko. O, sa nangyari ngayon, ‘di ka pa rin ba magbabago?”

“Opo, magbabago na po,” pabiro, ngunit seryosong sagot ni Heidi.

Maya-maya ay bumalik na siya ng opisina upang humingi ng tawad sa mga katrabaho niya. Kinausap niya rin ang ilan sa mga nakaalitan niya, at sa gulat niya’y madaling naayos ang problema.

Mula noon ay hindi na siya nagparinig sa Facebook, sa halip ay kinakausap na lamang niya ng personal ang taong nakaalitan upang mabilis mabigyan ito ng solusyon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories