Inday TrendingInday Trending
Nagtataka Ang Teacher Kung Bakit Di Mabitawan ng Bata ang Panyo, Nakakaiyak Pala ang Pinagdadaanan Nito

Nagtataka Ang Teacher Kung Bakit Di Mabitawan ng Bata ang Panyo, Nakakaiyak Pala ang Pinagdadaanan Nito

Mag-iisang taon pa lang na guro sa grade 1 si Marylyn, isang private school ang pinapasukan niya. Ang totoo ay gusto niyang sa public pumasok pero kumukuha muna siya ng experience dito. Pinakamahirap kasing turuan ang mga pinakabata. Makukulit ang mga ito at madaling mawala ang focus kaya kailangan ng pasensya at iba’t ibang atake kung paano sila makukuhang makinig.

“Okay, what is this color? Red. See? An apple is color Red,” nakangiting sabi niya sa mga batang titig na titig sa kanya. Nagpapasalamat siya at behave ang klaseng ito, yung iba kasi ay walang ibang ginawa kung hindi tumakbo, at maglaro ng mga laruang naka-display sa kanyang classroom.

Kapag ganoong nagungulit ang mga bata ay napapakamot nalang sa kanyang ulo si Marylyn, pero nakangiti pa rin. Mahal niya kasi ang pagtuturo, mahal niya ang mga estudyante. Hindi niya lubos na maisip kung ano ang naging buhay nya sakaling hindi pagiging teacher ang pinili niyang propesyon.

Pakiramdam niya kasi, malaki ang role nilang mga teacher sa paghubog ng bata. Kung ano ang karakter ng mga ito, at ang kaalamang maibabaon pagtanda ay magmumula sa kanila. Sila ang pangalawang ina ng mga bata.

“Okay, who wants to sing?” nakangiting tanong niya.

“Me!”

“Me!” sabay-sabay na sigaw ng mga bata. Nakataas pa ang dalawang kamay ng mga ito. Paborito nila ang kumanta at sumayaw.

“Stand up everyone. Raise your left and right hand, follow teacher…I have two hands, the left and the right,” sinimulan na ni Marylyn ang pag kanta pero napatigil siya nang masulyapan ang isang estudyante, si Luke.

May bitbit kasi itong panyo, hindi nito iyon binibitawan kahit pa nakataas ang kaliwang kamay nito.

“Excuse me, Luke. Pwedeng ibaba mo muna ang hanky mo?” nakangiting tanong niya rito. Nagtinginan naman ang ibang bata kay Luke. Saglit na nag-isip ang batang lalaki na tila ba nagdududa itong may kukuha ng panyo nito.

“It’s okay, you can put it inside your bag if you want to,” sabi niya pa. Doon naman sumunod ang bata, kinuha nito ang bag, saglit na sininghot nito ang panyo kaya nagtaka si Marylyn. Ngumiti ang bata at inilagay na ang panyo sa bag tapos ay muling tumayo.

“I’m ready to sing teacher,” sabi nito sa kanya kaya ipinagpatuloy niya na ang pag-kanta.

Mula noon, lagi niya nang minamasdan si Luke. Siguro ay isang Linggo na nitong bitbit ang panyo at di iyon binibitawan, nag ala-Vilma Santos na ang bata na may nakasabit na panyo sa daliri. Aalisin lang nito iyon kapag kailangang gamitin ang dalawang kamay nito sa kahit na anong activity nila.

Isang araw, tumawag ang daddy ni Luke dahil hindi raw makakapasok ang bata. Nagulat pa nga si Marylyn dahil kadalasan ay nanay nito ang sumusundo dito pero nitong nakaraan ay di nya nakikita ang ginang.

“Ma’am, pwede rin po bang makadaan kayo dito sa bahay. Baka po gumaan ang pakiramdam ng anak ko,” sabi ng lalaki.

“Bakit sir? May sakit po ba si Luke?” nag-aalalang tanong niya.

“Wala, pero libing ng mommy niya ngayon… pumanaw ang misis ko isang linggo na ang nakararaan dahil sa cancer..” halos nanghihinang sagot ng lalaki.

Nanlambot naman si Marylyn, pagkatapos ng klase ay dumiretso siya kaagad sa bahay nina Luke, buti na lang at nasa information card ng bata ang address ng mga ito.

Inabutan niyang umiiyak ang bata, nailibing na ang mommy nito kanina pa. Nakayakap ito sa ama.

“Luke..” mahinang tawag niya.

“Teacher!” sabi nito at tumakbo patungo sa kanya at mahigpit na yumakap. Bitbit pa rin nito ang panyo. Halos maiyak rin si Marylyn, hindi niya alam na may mabigat palang pinagdadaanan ang bata.

Nang makalma na ito ay di niya maiwasang itanong sa ama ng bata ang tungkol sa panyong lagi nitong bitbit at sinisinghot.

“Panyo yan ng mommy nya, hindi namin napansin na nakuha nya pala yan bago pumanaw si Yvette. Gusto niyang sinisinghot iyan dahil naaamoy niya ang mommy nya..”

Binalot ng awa ang puso ni Marylyn. Lalo siyang napamahal sa kanyang mga estudyante lalo na kay Luke. Sinubukan niyang punan ang kulang sa puso nito. Para kahit man lang sa eskwelahan ay maramdaman ng bata na may nanay ito.

Makalipas ang maraming taon.

Malungkot na iniligpit ni Marylyn ang kanyang mga gamit, sino’ng mag-aakalang retired na sya? Dati ay nagsisimula pa lang siyang maging guro, nangangapa pa. Nasaan na kaya ang mga estudyante nya? Naaalala pa kaya siya ng mga ito? Pinahid niya ang patak ng luhang tumulo na pala sa kanyang mga mata.

Sa sobrang daming iniisip ay dumulas ang mga laman ng kanyang lumang folder, tumungo siya upang pulutin ang mga iyon. Nagulat na lang siya nang may tumulong sa kanyang kamay, kamay na may hawak na panyo.

Unti-unti siyang tumingala at napangiti nang agad na makilala ang kaharap.

“Luke?” sabi niya.

Napansin niyang naka-uniporme rin ito ng katulad sa kanya. Ngiting-ngiti ang lalaki, “Kanina ko pa kayo hinahanap eh.”

Di makapaniwala si Ma’am Marylyn na minasdan ito. May kotse na ang lalaki at ngayon ay inaakay siya. Nag-offer pa nga ito na ihatid siya sa kanila.

“Ma’am alam nyo po ba kayo po ang dahilan bakit ginusto kong maging teacher, gusto ko pong maging katulad ninyo. Kung hindi po dahil sa inyo at sa suporta nyo di ko na alam kung napaano ako nung bata ako.” sabi nito.

Napaluha naman si Marylyn, damang-dama niya kasi ngayon ang tagumpay bilang guro. Ngayon niya napatunayan na kahit paano ay may mabuti siyang nagawa sa kanyang mga estudyante. Lumisan siya sa eskwelahan na masaya, baon ang alaala ng kanyang pagtuturo.

Malaking parte ang naging bahagi ni Ma’am Marylyn, sa buhay ni Dr.Luke Manahan.

Advertisement