Inday TrendingInday Trending
Akala ng Lalaki ay Wala Nang Pag-Asang Makabangon ang Negosyo Niya; Isang Matandang Mayaman ang Magbabago ng Lahat

Akala ng Lalaki ay Wala Nang Pag-Asang Makabangon ang Negosyo Niya; Isang Matandang Mayaman ang Magbabago ng Lahat

Lahat ng naipon ni Ronnie mula sa pinagtrabahuhan niyang kumpanya limang taon na ang nakalilipas ay dito niya ginastos sa kanyang bagong negosyo ngayon, isang restaurant.

Kaya napakasakit para sa kanya ang makitang nalulugi na ang kaisa-isang naipundar niya. Dagdag pa sa iniisip niya ang tatlong anak na sa kanya lamang umaasa, maliit pa ang bunso niya. Kapag nagtuloy-tuloy ang pagkalugi ng kanyang kabuhayan ay hindi niya alam kung saan pa kukuha ng pera dahil sa ngayon ay talagang simot sila, mas malaki pa ang nagagastos niya kaysa sa kinikita. Tiyak niyang pupulutin siya sa kangkungan.

“Ayan, sinabihan na kasi kita hindi maganda yang nego-negosyo. Kung ikaw nakuntento nalang na maging empleyado edi sana secure ka at nasa safe side. Malaking sugal ang pagnenegosyo brad,” sermon ng kaibigan niyang si Dann.

Noon pa man ay tutol na ito nang sabihin niyang magbibitiw na siya sa pwestong manager sa opisina upang mag-focus sa pamilya at magsimula ng sariling business. Nangarap lang naman siya, hindi naman siguro masama iyon.

Pero ngayon, labag man sa loob niyang tanggapin ang katotohanan ay tila ba tama ang kanyang kaibigan.

“Sinubukan ko lang naman, atleast hindi ko masasabi minsan sa buhay ko di ko sinubukang abutin ang pangarap ko,” paliwanag niya rito sa telepono.

“Ay sus, masyado kang ma-drama pare! Ano ba ito? Reality show sa TV tungkol sa pangarap? Ayan ka ngayon, mapapakain ba ng pangarap mo ang mga anak mo?” natatawang sabi nito.

Wala nang naisagot si Ronnie sa kaibigan, alam niyang walang pupuntahan ang pag-uusap nila. Tinapos niya na ang tawag, at inilagay ang cellphone sa kanyang bulsa. Sinimulan na niyang mag-jogging, narito kasi siya sa park upang lumanghap ng sariwang hangin, masyado na kasi siyang stressed sa mga nangyayari.

Paliko na siya nang matanaw niya ang isang matandang lalaking nakatayo sa gilid, nakangiti ito sa kanya kaya tinanguan niya rin ito.

“Ang ganda ng umaga,” bati nito. Saglit na napatigil si Ronnie upang makipagkwentuhan ng kaunti, mukha namang palakaibigan ang matanda.

“Oo nga po eh, presko. Kaya ang sarap mag-jogging,” sabi niya rito.

“Ganyan din ako eh, noong kabataan ko. Mahilig akong mag-jogging sa umaga kapag hindi ako busy sa business.” sagot nito.

“Ah, businessman rin po pala kayo Sir?” sagot niya.

“Oo, pero nang lumago na ang business ko at tumanda na ako, mga anak ko na ang humahawak. Ako ito, nagpapahangin na lang sa umaga. Minsan ay nakaka-miss rin ang may ginagawa. Okay ka lang ba? Para kang problemado,” pansin nito.

“B-usinessman din po kasi ako..” nahihiyang sabi niya.

“O! Ang galing naman, pareho pala tayo!” tinapik nito ang balikat niya.

“Pero palugi na kasi ang negosyo ko. Kaunti na lang ang natitirang ipon ko at baka sa susunod na dalawang buwan mawala na ang lahat sa amin ng pamilya ko,” nasasaktang sabi niya rito.

“Grabe, nakikita ko talaga sa’yo ang sarili ko noon. Sandali lang hijo,” sabi nito at may dinukot sa bulsa. Inilabas nito ang isang brown na sobre, makapal ito at nakapandikit pa kaya mahirap mabuksan.

“Ano po ito?” gulat na sabi niya rito.

“Dagdag puhunan. 100,000 pesos ang laman niyan, palaguin mo ha? Ibalik mo sa akin ang pera kapag matagumpay kana.” sabi nito at naglakad na palayo, iniwan siyang nakatulala.

Pinili ni Ronnie na wag buksan ang sobre, itinabi niya iyon sakaling kailanganin nila ng emergency money. Lumakas ang loob niya na muling sumugal sa negosyo at ginamit ang kaunting pondong natira sa kanya.

Mas nag-focus siya ngayon sa restaurant, madalas na syang tumambay roon para ma-monitor ang takbo ng negosyo. Ginamit niya rin ang social media tulad ng Facebook upang mapasikat ang kanyang negosyo at di naman siya nabigo dahil ilang linggo lang ay dinaragsa na sila ng mga customers.

Nabawi ni Ronnie ang kanyang puhunan at napalago pa iyon, napakaligaya niya. Nanghihinayang siya dahil di niya man lang natanong ang pangalan nito, paano siya magpapasalamat ngayon? Nagbaka-sakali siyang bumalik sa park, parehong oras upang makita ito.

Bitbit niya ang sobre ng pera na di niya naman nagalaw, gayunpaman ay nagsilbi itong pinagkukunan ng lakas ng loob na anuman ang mangyari ay may madudukot siya. Napakalaking bagay ang nagawa ng matanda para sa kanya.

Hindi naman siya nabigo dahil nakatayo pa rin ito sa parehong pwesto kung saan niya nakita ito noon.

“Sir!” humahangos na sabi niya rito. Nakangiti ito at nakatanaw sa kanya.

“Ang ganda ng umaga,” bati nito.

“Sir! Napalago ko na po ang pinahiram nyo!” proud na sabi niya rito. Pero nagulat siya sa isinagot nito.

“Ganyan din ako eh, noong kabataan ko. Mahilig akong mag-jogging sa umaga kapag hindi ako busy sa business.” sabi nito.

“H-ho?” tila ba inuulit lang nito ang naging usapan nila noon!

“Oo, pero nang lumago na ang business ko at tumanda na ako mga anak ko na ang humahawak. Ako ito, nagpapahangin na lang sa umaga. Minsan ay nakaka-miss rin ang may ginagawa,” sabi ulit nito. Gulung gulo na ang lalaki nang nilapitan sila ng isa pang lalaki, inakay nito ang matanda.

“Pare, pasensya kana sa tatay ko. May alzheimer’s disease kasi siya. Kumabaga ay nag-uulyanin na at kung anu-anong kwento, pasensya na. Dad…” sabi nito.

“Teka, hindi siya.. businessman?” naguguluhang tanong niya.

“Dati oo, pero mula nang magkasakit siya at nagsimula nang mag-ulyanin ay kami na ang humawak sa negosyo. Ganyan ang sinasabi niya sa lahat ng nakakausap niya, naloko ka rin pala ni Dad. Binigyan ka rin ba nya ng sobre na puro resibo ang laman?” nakangiting sabi nito.

Agad sinira ni Ronnie ang dala-dalang envelope at nagulat siya nang malaman na hindi 100,000 pesos ang laman kung hindi puro resibo lang at mga pinagsama-samang papel.

Noon din ay nagdesisyon siya na bilang maganda naman ang takbo ng kanyang negosyo ay tutulong siya sa matanda. Siya na ang bumibili ng gamot nito at mga pagkain. Minsan ay sinasamahan niya pa itong maglakad lakad sa umaga kahit paulit ulit lang ang kwento nito na businessman daw ito.

Napakalaki ng utang na loob niya sa matanda. Ito ang nagbigay sa kanya ng pag-asa na muling bumangon sa pamamagitan ng sobreng ang laman pala ay puro papel.

Advertisement