Hindi Sinunod ng Magkakapatid ang Bilin ng Nanay Nila na Huwag Putulin ang Mga Halaman, Sunod Sunod na Kamalasan ang Kanilang Hinarap
“Mama! Magkaka-dengue kaming lahat dito dahil diyan sa mga halaman mo eh. Pwede ka namang maghanap ng ibang pagkakalibangan.” pakiusap ni Andrea sa inang nag-retire na sa trabaho.
“Anak, alam mo namang mula bata pa kayo’y alaga ko na ang mga ito. At wala namang nagkakasakit sa inyo. Hayaan mo na lang ako.” tugon ng inang mariin ang pagtutol sa pagtanggal ng kanyang mga alagang halaman.
Tatlo ang anak ni Miriam sa kanyang yumaong asawa. Sa isang compound na pagmamay-ari nila sila nakatira. Napapalibutan ng mga halaman ang apat na bahay nila.
Para kay Miriam, nagdadala ng swerte ang kanyang mga halaman. Ngunit para naman sa kanyang mga anak, peste lang ang mga ito dahil nagiging masukal ang kanilang harapan at dumarami ang mga lamok.
Dumating ang araw na pumanaw na ang matandang si Miriam. Labis namang nagluksa ang tatlo niyang anak. Ngunit matapos ang libing ay agad nilang tinanggal ang mga halaman sa harap ng kanilang bahay.
Walang pagbabago sa kanilang kanya kanyang pamumuhay, tatlo silang magaganda ang kita sa trabaho, may malulusog na anak at mabait na asawa ang panganay na si Andrea. Si Kenneth at Martin naman ay pareho pang binata ngunit isa nang matagumpay na dentista at real estate agent.
Ngunit matapos ang ilang buwan, nagtataka ang lahat sa sunod sunod na kamalasang nangyayari sa kani-kanilang buhay magkakapatid. Nagkasakit ang dalawang anak ni Andrea, na hindi naman malaman ng doktor kung ano. Si Kenneth nama’y nagkaproblema sa kanyang clinic dahil nadugasan ng pinagkakatiwalaang assistant. Ang bunso namang si Martin ay humihina ang kita sa mga binebentang bahay at lupa.
Dahil ilang araw nang may lagnat ang dalawang anak ni Andrea, at hindi naman malaman ng mga doktor ang dahilan, napagdesisyunan nitong ipa-tawas ang anak sa isang albularyo.
Nanlaki ang mata ng babae nang makita ang lumabas na anyo sa mga kandilang nilusaw. Tila korteng halamanan na may isang maliit na pigura. Dahil dito’y tinipon niya ang mga kapatid upang makipag-usap.
“Martin, Kenneth, ipinatawas ko si baby kanina.” panimula ni Andrea.
“Tawas? Ano ka ba ate, bakit naniniwala ka sa ganyan? Parang hindi pamilya ng doktor ang pamilya ng asawa mo ah?” pang-iinis na sabi ng bunsong si Martin.
“Wala na akong choice! Ilang araw nang walang tigil ang lagnat ng mga anak ko. At di malaman ng mga doktor ang dahilan. Kaya ko kayo pinatawag, dahil sa imahe na lumabas sa pagtatawas.” paliwanag ng panganay sa dalawang kapatid.
“Oh, ano? Kapre? Hahaha!” pabirong sagot ng kapatid na si Kenneth.
“Tumigil nga kayo! Puro kayo biro. Eto oh.” ipinakita ni Andrea ang lumabas na imahe sa kandila. Kinilabutan ang tatlo. Napag-usapan din nila ang mga kamalasang sunod sunod na nangyayari sa kanilang magkakapatid.
“E anong gagawin natin? Baka kaya ayaw talaga ipatanggal ni Mama?” tanong ng nagtatakang si Kenneth. Ayaw niyang maniwala sa mga ganitong gawain ngunit wala na siyang magawa kung hindi sumunod sa mga kapatid.
“Ibalik na lang natin ang mga halaman ni Mama. Alam niyo ba ang sabi sakin ng albularyo? May naninirahan daw na puting duwende sa mga halamanan natin. Kaibigan daw iyon ni Mama. Kaya pala iniingat-ingatan niya iyon noon pa.”, paliwanag ni Andrea.
“At isa pa, ang sabi nila swerte raw ang hatid ng mga puting duwende. Baka kaya tayo minamalas e dahil sa inalis natin ang tirahan nila.” dagdag ng panganay na anak.
“Talaga? Parang ayaw ko namang maniwala!” pagpipilit ni Kenneth.
“Hay nako! O sige na nga, wala namang mawawala eh. At isa pa, totoong ramdam ko ang kamalasan. Magta-tatlong buwan na ata akong walang naibebentang bahay. Yari ako, may hinuhulugan pa naman akong sasakyan.” pagpayag ni Martin na ibalik na lamang ang mga halaman ng kanilang ina.
Buti na lamang at hindi itinapon kung hindi inilagay lamang sa madilim na bodega, laking pasasalamat nila na hindi pa nabubulok ang mga halaman ni Miriam. Agad nila itong itinanim muli sa harap ng kani-kanilang bahay.
Matapos ang ilang linggo, agad na bumalik ang magandang kalusugan ng dalawang anak ni Andrea. Si Kenneth naman ay nakabangon na sa panggagantso ng assistant, at naibalik ang lahat ng pera nang mahuli ito ng mga pulis. Para sa bunsong anak naman na si Martin, tatlong malalaking bahay agad ang naibenta niya sa loob pa lamang ng isang linggo.
Agad namang nagpasalamat ang magkakapatid. Sa tuwing umaga’y dinidiligan nila ang mga halaman ng kanilang ina. Sama sama rin silang nagdasal upang magpa-salamat sa hindi inaasahang pamana ng kanilang butihing ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.