Ubod ng Tamad ng Babae at Bihira nang Maligo, Naging Tampulan Tuloy Siya ng Chismis sa Opisina
Sa araw araw na pagpasok ni Mika sa trabaho ay palagi na lamang siyang umuuwing pagod. Hindi na niya nagagawa pang linisan ang sarili at mas inuuna pa niya ang paggamit ng cellphone kesa ang maghilamos man lang. Pati ang pagsisipilyo ay palagi na niyang nakakalimutan.
“Hindi naman ako nangangamoy putok eh, bukas na ako maglilinis.” Bulong niya sa sarili.
Marami siyang kaibigan sa kaniyang pinapasukang opisina, mula ng mag umpisa siya rito ay naging maayos ang pakikisama ng lahat sa kaniya.
“Mika, mag-karaoke tayo pagkatapos ng trabaho, sama ka ah.” Yaya ng mga ito sa kaniya.
“Oo ba! Sasama talaga ako.”
Sa tuwing sila ay ginagabi sa pag-uwi ay mas lalong tinatamad si Mika na linisan ang sarili.
Umabot na sa puntong nakasanayan niya na ang hindi paliligo sa araw-araw, minsan ay dalawa o tatlong beses lamang siyang naglilinis ng katawan sa loob ng isang linggo. Pati ang kaniyang pagsisipilyo ay naging sobrang bihira na. Dahil sa unti-unting pag-alingasaw ng amoy ng kaniyang katawan ay agad itong napansin ng kanyang mga ka-trabaho.
“Uy si Mika ba yung naamoy ko? Simula kasi nung dumating siya kanina parang nag-amoy putok na dito.” tanong ng isang babae.
“Oo nga girl, ilang araw ko na ring napapansin yung kakaibang amoy niya.”
“Naku baka kumapit pa satin ang amoy niya, wag mo na siyang yayayain sumabay satin kumain ah.”
Sa paglipas ng mga araw ay unti-unti na ngang iniwasan si Mika ng kaniyang mga ka-trabaho na labis niya ring ipinagtaka.
Hindi na siya niyayaya ng mga ito na lumabas at kinakausap na lamang siya ng tungkol sa trabaho, hindi kagaya noon na sa halos lahat ng usapan at mga lakad ay kasali siya.
“Ui Marie! Masarap ang baon kong ulam ngayon, tara kain!” Paanyaya niya.
“Ah ganun ba, salamat na lang Mika, mauna kana, marami pa akong gagawin eh.” sagot nito.
Ilang araw na niyang iniisip kung ano ba ang kaniyang nagawang pagkakamali at bigla na lamang siyang nilayuan ng lahat ng tao. Labis niyang ikinalungkot ang biglang pagbabago ng pakikitungo ng mga ka-opisina at nawawalan na siya ng ganang pumasok.
“Mika! Pwede ba kita makausap?” Ang bungad ng kaniyang boss.
“Hi Sir, goodmorning po.”
“Tatlong araw kang wala, hindi ka man lang nagpaalam, bakit ngayon ka lang?” Galit na tanong nito.
“Pasensya na po, nagkasakit po kasi ako.” Pagsisinungaling niya.
“Hindi pwede yung ganyan Mika! At pwede bang ayusin mo ang sarili mo? Napakadumi ng itsura mo!”
Hindi na kinaya ni Mika ang dinanas na kahihiyan at dumiretso siya sa banyo ng opisina, sa ikatlong pintuan ay nagkulong siya habang lumuluha nang biglang pumasok ang ilang babaeng nagkukwentuhan.
“Girl! Di ko kinaya yung amoy ni Mika kanina pagdaan niya sa lamesa ko ha.”
“Lalo yatang lumala ang putok niya sa katawan. Pati yung ngipin niya ay naninilaw.”
“indi naman siya dating ganyan, nakakadiri na tuloy siyang lapitan.”
Narinig ni Mika ang kanilang usapan at doon ay nalaman niya ang tunay na dahilan ng kanilang paglayo sa kaniya. Labis niyang ikinagalit ang hindi nila pagsasabi sa kaniya ng totoo para maitama niya ang pagkakamali.
“Yan pala ang problema niyo sakin bakit hindi niyo ako sinabihan?” Bulyaw niya sa mga ito na nagulat sa biglang pagsulpot niya.
“Eh Mika, nakakailang naman kasi diba, pare-pareho naman tayong matatanda na rito.”
“Hindi mo naman kami nanay para pagsabihan ka.” Sabay lumabas ang mga ito.
Hindi na niya kinaya ang pananatili sa kompanya at agad na nagpasa ng resignation letter. Dahil sa karanasang iyon ay naging mas mausisa na si Mika sa kaniyang pangangatawan at sinanay ang paglilinis sa sarili araw-araw.
Naghanap siya ng ibang mapapasukang kompanya at ipinangakong hindi na muli katatamaran ang paliligo at pagsisipilyo.
“Good morning Mika! Mukang maganda ang araw mo ah.” Bati ng bago niyang boss.
“Opo sir! Masaya kasi ako sa bago kong trabaho at mga kasama.” wika niya.
Dahil sa kaniyang pagiging magiliw ay agad naman niyang nakapalagayan ng loob ang mga bagong ka-trabaho at pinanindigan ang kaniyang pangako na di na muling magpapabaya sa sarili.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!