Nagkayayaan ang Magkakaibigang Ito na Umakyat ng Bundok, Bigla na Lamang Nawala ang Kapatid ng Isa sa Kanila at Di na Nahanap Pa
Lumaking magkakasama ang magkakaibigang sina Paul, Rick, Joey at Dan. Bata pa lamang sila ay nagkakasundo na sila sa maraming bagay.
“Uy uwi na ako papaluin na ako ni mama.” wika ni Paul.
“Tara sabay na din kami ni Dan.” Sagot ni Joey.
Araw-araw silang nagpupunta sa bahay ni Rick pagtapos ng kanilang klase upang maglaro. Ganito ang kanilang nakagawian hanggang sa sila ay magbinata. Minsa’y nagkayayaan silang umakyat ng bundok habang bakasyon pa sa eskwela.
“Mga tol akyat tayong bundok, para hindi puro hilata ginagawa natin dito,” wika ni Rick.
“Uy masaya yan, sama ako.” sagot ng kapatid niyang si Rui.
“O game yan! tara sa susunod na Linggo. tamang-tama aalis si Papa makakatakas ako,” ayon kay Dan.
Natuloy nga ang plano ng magkakaibigan at inakyat nila ang isang bundok na kilala sa napakaraming kababalaghan. Maraming nagsasabi na ito ay pugad ng mga diwata at engkanto at marami na ring nabalitang nawawalang tao rito.
“Awoooo!” pananakot ni Rick sa barkada.
“Wag ka ngang maingay, malay mo totoo yung mga engkanto dito kunin ka pa.” wika ni Paul.
“Takot ka lang Paul eh.” Sagot ni Dan sabay tawa.
Masaya nilang binabaybay ang daan paakyat ng bundok at habang tumatagal ay lumalamig na ang paligid. Napagpasyahan nilang huminto saglit upang magpahinga.
“Joey pahingi naman ako niyang palaman mo ng tinapay.” Wika ni Paul.
“Buraot ka talaga kahit kelan!” kantsaw ni Rick sa binata.
Sandaling nagpaalam si Rui sa kanila upang maghanap kung saan maaaring dumumi, kanina pa pala masakit ang tiyan nito at hindi na mapipigilan. Ngunit mag iisang oras na ay hindi pa rin ito bumabalik.
“Mabuti pa Rick hanapin na natin yung kapatid mo, baka abutan tayo ng dilim dito.”
“Sige, Dan at Joey doon kayo sa may sapa, kami naman ni Paul ay babalik sa pinagdaanan natin para hanapin siya. Dito ulit tayo magkita mamaya.”
Sa kanilang paghihiwalay ay isinigaw nila ang pangalan ni Rui. Ngunit laking taka nila na hindi man lang ito sumasagot, sa isip ni Rick ay malabong pumunta sa malayo ang kapatid dahil takot itong mag isa. Kung saan saan nila ito hinanap ngunit hindi nila ito nakita.
Samantala pagkatapos ni Rui sa kaniyang pagdumi ay isang magandang dalaga ang biglang lumabas sa kaniyang harapan, malungkot itong nakatingin sa kaniya at biglang lumakad palayo.
“Miss? May kasama ka ba? Okay ka lang?” Tanong niya sa babaeng hindi sumasagot.
Hindi na napigilan ni Rui ang pag aalala para sa babae at sinundan niya ito sa paglalakad papalayo sa kaniyang mga kasama, hanggang sa siya ay naglahong parang bula.
Sa sobrang pag aalala ng magkakaibigan ay nagpasya silang bumaba ng bundok upang humingi na ng tulong.
“Paano kayo nakaakyat kasi ng walang permiso? Bago akyatin ang bundok na ito ay dapat na may tour guide na nakalaan para sa inyo.” tanong ng Barangay tanod.
“Pasensya na po kayo, tumakas po kami kasi akala namin mas masaya kung kami lang ang magkakasama.” paliwanag ni Dan.
“Yan ang hirap sa inyong mga kabataan, masyado kayong nagmamarunong.”
Sinamahan sila ng ilang tour guide at mga Barangay tanod sa paghahanap, dumating na rin ang kanilang mga magulang upang tumulong ngunit sa huli ay bigo silang makita si Rui.
Lumalalim na ang gabi at kailangan na nilang ihinto pansamantala ang paghahanap. Nag uwian na ang ibang tao ngunit nanatili sa paanan ng bundok ang pamiya ni Rick.
“Ma, Pa, sorry po, sana hindi ko siya hinayaang lumayo magisa.”
“Anak ang mahalaga ligtas ka, pero sana ay nasa maayos na kalagayan ang kapatid mo.” wika ng kaniyang ina.
Lumipas ang mga araw, linggo at buwan ay hindi na nahanap pa si Rui, sumuko na rin ang ilang taong nag-boluntaryong tumulong sa paghahanap rito. Hirap man silang tanggapin ang misteryong pagkawala nito ay kailangan pa rin nilang ituloy ang kanilang mga buhay.
Palaging bumabalik ang pamilya ni Rick sa bundok kasama ang kaniyang mga kaibigan upang mag-alay ng dasal at alalahanin ang kaniyang nawawalang kapatid.
“Bro sorry talaga, kung nasaan ka man, patawarin mo ako.” Lumuluhang wika ni Rick.
Mabilis lumipas ang mga taon, malungkot ang mga ngiti ng mommy ni Rick habang nag iihaw ng barbecue, birthday kasi ni Rui ngayon. Kung narito lang ang binatilyo, tiyak niyang magiging masaya ito.
Nasa bakuran sila at masayang nagsasalu-salo nang isang lalaking balbas sarado ang kumatok sa gate nila.
“Ano hong kailangan nila-Rui?!” di makapaniwalang sabi ni Rick.
“Ang daya nyo! Nagba-barbecue kayo nina Mommy! Badtrip ka, iniwan nyo ako sa bundok eh tumae lang ako! Lakas ng trip nyo ha, buti nalang may chicks akong kasama,” sabi nito. Walng ideya na pitong taon itong nawala.
Gulat na gulat si Rick dahil iyon pa rin ang suot ng kapatid. Niyakap niya ito, maging ang mga mommy niya ay iyak nang iyak at sobrang saya.
Walang makapagpaliwanag sa kanila kung anong hiwaga ang bumalot sa pagkawala ng kapatid niya, pero ang mahalaga ay kapiling na nila ito ngayon,
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!