Sinubukang Akitin ng Malanding Katulong ang Among Lalaki, Hindi Niya Kinaya ang mga Sumunod na Nangyari
Sa pagdating ni Alma sa Maynila ay ambisyon na niyang makapangasawa ng mayamang lalaki. Sa kasawiang palad ay hindi naging madali ang kaniyang paghahanap.
Namamasukan siya bilang isang katulong ng mag-asawang may dalawang anak.
“Ang gwapo talaga ni Sir.” Bulong niya sa sarili.
Noon pa man ay humahanga na siya sa kaniyang lalaking amo dahil sa mabait nitong pakikitungo sa kaniya. Madalas siyang nagpapapansin dito lalo na kapag wala ang kaniyang babaeng amo.
“Sir, gusto niyo po ng kape?” tanong niya.
“Oo ba, salamat Alma.”
Ipinagtimpla niya ito at saka inilapag sa katabing lamesita. Sa pagtagal niya sa bahay na iyon ay lalo pa ngang nahuhumaling si Alma sa amo. Madalas na siyang mag-ayos ng sarili at nagsusuot ng mga hapit na damit kung saan ay makikita ang korte ng kanyang katawan.
“Alma, pwede ba kita makausap?” tanong ng kaniyang among babae.
“Ano po iyon Ma’am?”
“Alam mo wala naman akong problema sa gusto mong istilo ng pananamit, kaya lang ay baka pwedeng bawasan mo ang pagsusuot ng sobrang iksi.” mahinahong pakiusap nito.
Humingi siya ng tawad rito ngunit as isip niya ay labis na siyang naiinis.
“Pati ba naman suot ko papakialaman pa, palibhasa hindi siya kasing sexy ko eh.”
Isang araw ay umalis ang kaniyang among babae upang dumalo sa isang seminar sa Visayas, isang linggo itong mawawala at ipinagkatiwala sa kanilang mga kasambahay ang tahanan at mga pagkaing ihahain sa asawa at dalawang anak.
“Bye hon, babalik din ako kaagad.” paalam nito sa asawa.
“Mag-iingat ka hon, mamimiss kita. Wag kang mag-alala ako na ang bahala sa mga bata.” sagot ng mister nito. Sabay halik sa labi ng misis.
Pinapanood ni Alma kung paanong malambing na namamaalam ang dalawa at hindi niya napapansin na inaapoy na siya ng selos. Sa pag-alis ng babae ay nag-isip na siya ng plano kung paano niya maaakit ang lalaki.
Sinimulan niya ang plano kinaumagahan, kusa siyang pumasok sa kwarto ng mag-asawa habang mahimbing na natutulog ang lalaki at kunwaring naglilinis ng sahig. Nagsuot siya ng napakaiksing damit at maluwag na sando kaya naman halos lumuwa na ang kaniyang dibdib.
“Alma? Ang aga mo namang maglinis?” Wika ng amo niyang bagong gising.
“Ah sir, marami pa po kasi akong gagawin mamaya kaya inuna ko na itong kwarto niyo.” sagot niya sa malanding tono.
Napailing na lamang ang lalaki at agad na lumabas ng kwarto. Hinintay niyang matapos ang katulong sa paglilinis bago muling pumasok, bagay na ikinainis naman ni Alma.
Napabuntong hininga na lamang si Alma ngunit hindi pa rin siya susuko, nag-isip siya ng panibagong plano upang maakit ito. Sa mga sumunod na araw ay patuloy siyang nagpapansin sa lalaki, nariyang sinusundan niya ito kung nasaan mang parte ito ng bahay at doon ay kunwaring maglilinis, paminsan ay sinasadya niyang banggain ito upang maidikit ang kanyang dibdib sa makisig nitong braso.
Nang hindi pa rin siya nito pinapansin ay tahasan niya ng pinasok ang kwarto nito isang gabi.
“Alma! Ano ka ba? Bakit ganyan ang suot mo?”
“Sir, alam ko namang gusto mo din to, wala naman ang asawa mo.” wika niya habang ginagapang ang lalaki sa kama nito.
“Hindi Alma! Mahal ko ang asawa ko! Akala mo hindi ko napapansin yung ginagawa mong pagsunod sa akin? Lumabas ka dito!”
Itinulak siya ng lalaki palabas ng kwarto. Wala siyang nagawa kundi ang tumakbo pabalik sa kaniyang silid. Kinaumagahan ay dumating na ang kanyang among babae at agad siyang sinugod.
“Ang kapal ng mukha mo! Naging mabuti ako sa iyo, binibigyan pa kita ng mga damit ko!” wika nito habang hinihila siya sa buhok palabas ng bahay.
“Ma’am, wag po, masakit po, patawad Ma’am.”
“Lumayas ka Alma! Hindi ko hahayaang isang ahas na kagaya mo ang titira sa bahay ko.!”
Inihagis nito sa labas ang kaniyang mga damit at pinagsarahan siya ng gate. Hindi siya pinapasok ng mga ito kahit maghapon siyang naghihintay doon.
Napilitan na siyang umalis at bumalik sa probinsyang pinanggalingan niya. Nang ikwento niya sa kaniyang ina ang nangyari ay nagalit din ito at sinermonan siya.
“Kung ikaw kaya ang agawan ng asawa? Matutuwa ka ba Alma? Hindi ba’t ganyan ang ginawa sa atin ng ama mo? Nagpaagaw sa ibang babae!” Wika nito.
Naisip niyang tama ang kaniyang ina, labis ang paghihirap nito nang sumama sa ibang babae ang kaniyang ama kaya’t ipinangako niyang hindi na muling uulitin ang kaniyang ginawa. Ilang taon pa ang lumipas bago nakahanap ng tunay na pag-ibig si Alma.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!