Dalawa na ang anak ng kwarenta anyos na si Janis. Ilang taon na rin ang nakakaraan magmula nang tuluyan na silang maghiwalay ng kinakasamang si Mar, kaya ngayon ay nasa puder niya ang dalawang batang naging bunga ng halos labinlimang taon nilang pagsasama.
“Caloy! Bumangon ka diyan! Ipapalit mo nga itong pera ko at papasok na ako sa trabaho,” utos ni Janis habang sinisipa ang natutulog na panganay niyang labing isang taong gulang at hawak hawak ang isang libong pera niya.
“Mama, huwag ka naman pong manipa. Babangon na po,” sagot ni Caloy habang kumakamot ng ulo.
“Sumasagot ka?! Tang*na mo ha! Manang-mana ka sa ama mo! Bilisan mo, kung hindi e hindi kita bibigyan ng pera ngayong araw!” sigaw pang muli ni Janis.
“Sana kay papa na lang kami, ayoko na kay mama! Kahit walang masyadong pera si papa ay ayos lang, kaysa naman ganito araw-araw!” umiiyak na bulong ni Caloy sa sarili.
Mula nang magkamalay si Caloy ay ganoon na ang pag-uugali ng kanyang ina. Madalas nitong ipang-diga at ipanakot ang kanyang pera palibhasa’y malaki ang kinikita niya bilang manager ng isang bangko. Hindi lamang niya ito ginagawa sa sarili niyang mga anak, kundi pati na rin sa iba pang mga tao tulad ng kanyang ama’t ina.
“Ma, iiwan ko muna sa inyo si Caloy at Lyn. Biglang lumayas yung kasambahay ko e. Bwisit na ‘yon. Mag-iiwan na lang ako ng isang libo pang gastos ninyo ngayong araw,” ani Janis sa inang si Lourdes.
May edad na ang mga magulang ni Janis kaya naman kahit pa gustong akuin ng mga ito ang pag-aalaga sa mga anak ni Janis ay hindi nila magawa dahil napapadalas na ang pananakit ng kanilang mga tuhod at kasu-kasuhan.
“Ganoon ba? O sige, nandito lang naman kami sa bahay. Kami na muna ang bahala ng papa mo sa mga apo namin,” sagot ni Lourdes sa anak.
“Tsss. Kung hindi ko pa sinabing mag-aabot ako ng pera, malamang hindi na naman ‘to papayag na mag-alaga,” bulong ni Janis sa sarili na hindi man lang nagpasalamat sa kanyang ama’t ina bago umalis ng tahanan.
Madalas ding mapagtsismisan ng mga tao si Janis dahil sa hiwalayan nila ng kanyang kinakasamang si Mar. Ipinagkakalat kasi ni Janis na sugalero at basagulero itong si Mar kaya niya ito iniwan, ngunit ang paliwanag naman ni Mar ay talagang nakakasakal at nakakasulasok na ang ugali ng babae. Maliit lamang daw kasi ang kinikita ni Mar sa pagmamaneho ng isang school bus kaya naman madalas ay hamakin ni Janis ang pagkatao nito. Dahil mahal niya ang babae, ilang taon niyang tiniis ang ugali nito. Ngunit noong huling limang taon ng pagsasama nila’y talagang sumobra na ito.
“Mar! Kamutin mo nga ang likod ko at masahihin mo na rin ako. Pagkatapos ay gupitan mo na rin ako ng kuko dahil nahihirapan na akong yumuko,” utos ni Janis noon kay Mar noong mga huling buwan ng pagsasama nila. Kung ituring niya ang mga tao sa paligid niya ay para bang mga alipin niya. Napakalaki na ng idinagdag ng timbang niya kaya naman tunay ngang nahihirapan na siyang maggupit ng sarili niyang mga kuko.
Tulad ng dati ay panay ang sunod ni Mar sa asawa. Madalas kasi itong magbunganga at magmura kapag hindi nasunod ang kagustuhan, kaya naman para sa ikatatahimik ng kanilang bahay ay sinunod na lamang niya ito.
“Aray ko! Tang*na naman!” sigaw ni Janis nang di sinasadyang mamali ng gupit si Mar ng kanyang kuko.
“Pasensiya na, nanlalabo kasi ang mata ko dahil sa puyat sa pagmamaneho kanina,” sagot ni Mar.
“Pagod ka?! Pagod din ako! E ano ba naman yang ginagawa mo sa ginagawa kong trabaho?! Wala ka namang kwenta e! Ako naman ang gumagastos ng lahat dito sa bahay! Ni mula brief mo hanggang sapatos, ako ang may bili!” sigaw ni Janis habang pinagsisisipa sa mukha si Mar.
Nang dahil sa away na iyon ay tuluyan nang naghiwalay ang dalawa. Hindi na kinaya ni Mar na pakisamahan ang pag-uugali ng babae. Magmula naman noon ay lahat ng init ng ulo ni Janis ay nakabaling sa kanyang dalawang anak.
Isang umaga, nagbago ang lahat nang tawagin ng head office ng bangko si Janis upang kausapin.
“Janis? Marami kaming naririnig na reklamo mula sa mga tauhan mo. Grabe ka raw kung mang maliit ng mga tao. Matapos noon ay susubukan mong suhulan sila sa pamamagitan ng panlilibre ng kung ano-ano. Isang tauhan pa ang nagsumbong sa amin na hinagisan mo raw ng mga resibo at papeles sa mukha nang subukang magtanong sa’yo. Sa totoo lamang, napakarami nang naipong reklamo sa iyo. Kaya pasensiya ka na, dahil labag sa batas ang mga ginagawa mo, tatanggalan ka na namin ng trabaho,” wika ng isa sa mga nakatataas sa kanilang bangko. Ni hindi na nila pinagpaliwanag pa ang babae dahil naging sapat na ang mga ebidensya at testigo laban sa kanya.
Nang dahil sa pagkatanggal sa trabaho, nawalan na rin ng pagkukunan ng pera si Janis. Sinubukan niyang mag-apply sa ibang bangko ngunit dala-dala niya ang record mula sa bangkong dati niyang pinagtatrabahuhan.
Buong araw nagkulong si Janis sa kanilang apartment kasama ang dalawa niyang anak. Hindi niya pinapasok sa eskwela ang dalawa dahil hindi niya alam kung saan kukuha ng pambaon. Hanggang sa may kumatok sa kanyang pintuan.
“Oh, ma? Anong ginagawa niyo rito? Wala akong pera!” pambati ni Janis sa kanyang ama’t ina.
“Ha? Bakit, manghihingi ba kami sa’yo?” wika nila.
“Alam ko namang kilala niyo lang ako pag may pera ako! Oo, tama ang balita. Wala na akong trabaho! Wala na akong pakinabang sa lahat! P*ta!” sigaw ni Janis.
Nanlaki naman ang mata ng mga magulang niya nang marinig ang litanya ng kanilang anak.
“Ganyan ba ang tingin mo sa lahat ng tao? Kailangan ka lang pag may pera ka?!” wika ng kanyang ama.
“Totoo naman ah! Pera lang ang habol niyong lahat!” sigaw ni Janis.
“Yan! Ganyang ugali mo ang dahilan kung bakit maraming tao ang may ayaw sayo! Bukod sa saksakan mo ng tamad sa bahay, naging napakayabang mo na nang dahil sa kinikita mo. Alam mo ba, ang dahilan ng pagpunta namin dito ay para mag-alok ng tulong sa iyo at sa mga apo namin. Tapos gaganyanin mo kami! Ganyan ka na ba talaga?! Nakakakilabot ang ugali mo!” sigaw ng kanyang ina.
Napayuko si Janis at pinagsaraduhan ng pinto ang kanyang ama’t ina. Tumakbo naman ang dalawa niyang anak palabas ng pinto upang sumama sa kanilang lolo at lola. Hinayaan na lamang ni Janis ang dalawa upang mapag-isa siya.
Sa gabing iyon, doon niya napagtanto ang lahat ng pagkakamali niya. Hindi lahat ng tao ay umiikot sa pera pera lamang. Napagtanto niyang naging masama nga ang pag-uugali niya at pakikitungo sa mga taong nakakasalamuha niya, lalo na sa kanyang dating kinakasamang si Mar at sa mga tauhan niya sa bangko na napagmalupitan niya. Kaya naman nangako siyang simula bukas ay magbabago na siya.
Kinabukasan, agad niyang kinausap si Mar upang makipag-ayos dito. Humingi siya ng tawad sa lahat ng pangmamaliit niya rito at nangakong magbabago na nang lubusan. Agad naman siyang pinatawad nito dahil sa totoo lang ay matagal na niyang hinihintay ang paghingi ng tawad ni Janis.
Lumapit din siya sa kanyang ama’t ina at humingi ng tawad sa mga pambabastos dito. Umiyak din siya sa harap ng kanyang dalawang anak na napagbuhusan niya ng lahat ng init ng ulo noong kasagsagan ng paghihiwalay nila ni Mar.
Matapos noon, inisa-isa niya rin ang mga tauhan sa bangko na napagmalupitan niya. Pinatawad siya ng mga ito ngunit hindi na niya nakuha pang muli ang trabaho.
Ngunit makalipas lamang ang ilang buwan, natanggap nang muli bilang manager sa ibang bangko si Janis. Laking pasasalamat niya sa panibagong pagkakataong ibinigay sa kanya. Kaya mula noon ay ipinangako niyang hinding hindi na siya mang-aalipusta ng mga tauhan niya.
Nang dahil sa pagbabago ni Janis, nabuong muli ang kanilang munting pamilya ni Mar at naging napakasaya ng dalawa niyang anak na si Caloy at Lyn.
Natutunan niyang hindi sa pera umiikot ang mundo, kundi sa pag-uugali ng isang tao.