Inday TrendingInday Trending
Ang Kakaibang Family Picture

Ang Kakaibang Family Picture

“Okay, class. Dahil family day bukas, kailangan ninyong magdala ng family picture niyo. Maghanda rin kayo ng maikling sanaysay tungkol sa bawat miyembro ng pamilya ninyo. Malinaw ba?” bilin ni Teacher Racquel sa kanyang mga estudyante.

“Yes, teacher!” sabay sabay namang sagot ng mga Grade 5 students na ito.

Excited namang umuwi ang mga estudyante dahil nasasabik na silang ipakilala at ipagmalaki ang kani-kanilang mga pamilya. Habang si Kenneth naman ay tahimik na nakayuko at tila ba nag-iisip sa kanyang dadalhin.

“Hay nako. Paano ko kaya ipapakilala ang parents ko? Kinakabahan ako at baka pagtawanan lang nila si mama at papa. Hmm, bahala na nga!” bulong ng bata sa sarili.

Pagkauwi ni Kenneth ay naabutan niya ang ama na kakauwi lamang din sa trabaho. May-ari ang kanyang papa ng isang malaking tindahan ng mga gamit pang construction kaya naman hindi maipagkakaila na maganda ang kanilang pamumuhay. At kahit pa abala ang kanyang ama sa trabaho, labis pa rin ang pagtutok nito kay Kenneth.

“Anak, may assignment ka ba? Kumusta ang eskwela? Halika’t gawin na natin ‘yan bago tayo maghapunan,” nakangiting bati ni Homer sa kanyang anak.

“Papa, ayos naman po. Pero kinakabahan po ako para bukas. Kailangan ko raw po kasing magdala ng family picture natin. Isa lang po ‘yong litrato natin na kasama si mama, ‘di ba?” tanong ng bata sa ama.

“Oo, ito hijo. Bakit ka naman kinakabahan? Tiyak namang maiintindihan nila ang istorya. At isa pa, ang mahalaga ay alam nating mahal na mahal tayo ng mama mo,” sagot ni Homer sabay yakap sa kaisa-isa niyang anak.

Tumango na lamang at bata at tila ba naramdaman niyang naglaho ang lahat ng kanyang kaba nang yakapin siya ng kanyang ama.

Kinabukasan, isa-isa nang tinawag ang mga estudyante upang tumayo sa harap at i-presenta ang kani-kanilang family pictures. Mahigpit ang pagkakahawak ni Kenneth sa kanya at hindi niya ipinakikita sa iba.

“Okay, class. Simulan natin kay Romar. Romar?” wika ni teacher.

“Heto po ang pamilya ko. Bunso po ako sa apat na magkakapatid. Lahat po kami ay nag-aaral pa. Si Papa ay isang staff sa bangko, habang si Mama naman ay teacher din kagaya ni Ma’am Racquel,” nakangiting pagpapakilala ng batang si Romar sa kanyang pamilya. Palakpakan naman ay kanyang mga kaklase, at sabay tinawag ni Teacher Racquel ang sumunod na estudyante.

“Kenneth?”

Kahit kinakabahan ay tumayo na sa harapan si Kenneth at dahan-dahang iniharap ang larawan ng kanyang pamilya. Tulad ng inaasahan niya, agad naghagalpakan sa katatawa ang halos lahat ng mga kaklase niya.

“Hala, Kenneth! Ano ‘yan?! Manyika ang nanay mo?” natatawang sigaw ng isa niyang kaklase.

“Nababaliw ka na ata e! Nakayakap pa kayo sa manika! Nakakatakot kayo ha!” pang-aasar pa ng isa.

“Kamukha mo e, ‘yang manika ba ang nanay mo? Wahaha!” dagdag pa ng isa.

Gusto nang maupo na lamang muli ni Kenneth dala ng labis na pagkapahiya, ngunit natigilan ang mga kaklase niya nang magsalita si Teacher Racquel.

“Class! Behave! Pakinggan natin ang maikling sanaysay ni Kenneth tungkol sa family picture niya,” anito.

“Heto po ang pamilya ko. Si papa po ang may-ari ng isang construction company na malapit sa eskwelahan natin, siya po ang nag-aalaga, nagpapa-aral, at bumubuhay sa akin. Ako naman po ito noong 2 years old po ako, at ang yakap ko po ay ang aking mama na si Elisha,” paliwanag ng bata.

“Mama mo ‘yan? Manika ‘yan e! Niloloko mo ba kami?” natatawang singit ng isa niyang kaklase.

“Shh, Manuel! Hayaan mong ituloy ni Kenneth ang kwento niya!” sagot ni Ma’am Racquel.

“Nag-iisa lang po akong anak, dahil noong ipinapanganak po ako ni mama ay agad siyang binawian ng buhay. Nalagay po sa panganib ang buhay naming dalawa, at kinailangan daw pong pumili ng mama ko kung ako ang mabubuhay o siya. Mas pinili niyang sagipin ang buhay ko kaysa sa sarili niya,” naluluhang sabi ng bata.

“Ang tanging habilin niya po, ayon kay papa, ay ilagay ang abo ng mga labi niya sa loob ng manikang ipinamana pa sa kanya aking lola. Nasa loob po ng manikang yakap ko ang abo ng aking dakilang ina. Mahal na mahal ko po siya, at malaki po ang pasasalamat ko na pinili niyang ibuwis ang kaniyang buhay para sa buhay ko. Ayun lamang po ang istorya ng larawan naming pamilya, salamat po,” wika ni Kenneth sabay nagmadaling maupo sa kanyang upuan.

Inaasahan niyang magtatawanan na muli ang mga kaklase niya, ngunit laking gulat niya nang mapansing tahimik lamang ang mga ito. Maya-maya pa ay nagsimula nang maghagulgulan ang mga ito.

Isang malakas na palakpakan ang sinundan ng iyakan.

“Wow, Kenneth! Sorry sa mga nasabi ko,” wika ng isa.

“Sorry, Kenneth. Hindi ko alam na ganoon pala ang istorya ng family picture mo,” sabi pa ng isa niyang kaklase.

“Maraming salamat at ibinahagi mo sa amin ang family picture ninyo, Kenneth,” naluluhang sabi naman ni Ma’am Racquel.

Hindi akalain ng lahat na ganoon ang istorya sa likod ng manyikang mahigpit na yakap ni Kenneth sa larawang iyon. Magmula noon ay hindi na siya nakarinig pa ng kahit anong pangungutya mula sa mga kaklase niya. Natutunan ng mga estudyante na igalang ang pamilya ng bawat isa.

Advertisement