Ikaw, Ako at ang Puno ng Mangga
Habang naglalaro si Jaypee sa parke ay napansin niya ang isang kotse na paparating kasunod ng isa pang kotse. Tumigil iyon sa isang bakanteng bahay sa tapat ng kanilang bahay at doon ay bumaba ang isang pamilya. Ipagpapatuloy sana niya ang paglalaro ng biglang lumabas ang isang magandang batang babae mula sa loob ng naunang kotse.
Sa tantiya ni Jaypee ay pitong taon din ang edad ng bata. Sa katitingin niya sa mga bagong dating ay biglang napatingin ang batang babae sa kanyang kinaroroonan. Kasalukuyan siyang nakaupo sa malaking puno ng mangga. Nakita nito na nakatingin siya. Magtatago sana si Jaypee sa likod ng puno ngunit nginitian at kinawayan siya nito at nagmamadaling pumunta sa kinauupuan niya.
“Hi, ako si Keana. Ang ganda naman niyang kinauupuan mo at nasa tabi pa ng malaking puno. Ano ang pangalan mo?” tanong ng bata.
“A, e ako si Jaypee,” aniya na tila nahihiya pa.
Ngumiti ito at sinabing “Gusto ko ang pangalan mo.”
Nakaramdam siya ng kilig sa sinabing iyon ni Keana.
“Puwede rin ba akong umupo diyan?” sabi pa nito.
“Oo naman. Maaari kang umupo dito kahit kailan mo gusto,” aniya.
“E, di magkaibigan na tayo?” nakangiti nitong tanong.
“O-Oo sige,” matipid niyang sagot ngunit sa loob niya ay nakaramdam siya ng kakaibang kasiyahan.
Naging magkaibigan sila ni Keana ngunit minsan ay naiilang pa rin siya rito dahil lalaki siya at babae ito, may mga bagay na nag-aalangan siyang gawin kapag kasama at kalaro niya si Keana tulad ng panghuhuli ng palaka, pagligo sa ilog at pag-akyat sa matataas na puno ngunit laking gulat niya dahil kaya rin nito ang mga ginagawa niya.
Habang nakikilala niya ito ay lalo siyang nagkakaroon ng kakaibang pagtingin sa kanyang kaibigan. Hanggang sa pagdaan ng mga taon at kasalukuyang pareho na silang nasa edad na labinpitong taong gulang ay napapansin niya ang pagtingin niya rito ay unti unting nagbabago. Akala niya noon ay isang simpleng paghanga lang ang nararamdaman niya para kay Keana ngunit nang simula niya itong pamanaginipan gabi-gabi at sa tuwing magkasama sila ay ayaw na niyang mahiwalay siya rito hanggang sa napagtantong mahal na niya ang kanyang kaibigan.
Maraming beses na nagkaroon si Jaypee ng pagkakataong ipagtapat kay Keana ang kanyang nararamdaman subalit hindi niya magawa dahil pinangungunahan siya ng hiya. Isang gabi habang abala ang lahat sa eskwelahan para sa gaganaping prom night ay may sinabi sa kanya ang kaibigan.
“Maaari ba kitang maging partner?” tanong ni Keana sa binata.
Pinamulahan ng pisngi si Jaypee sa tanong nito sa kaya.
“Akala ko ba ay maraming lalaki na nagkakandarapa sa iyo? Bakit ako pa?” sabi niya.
Ngumiti lang ito at nagwikang “Ikaw ba, gugustuhin mo rin ba na magkandarapa para sa akin, mapasaya lang ako?”
Sandaling namayani ang katahimikan sa kanilang paligid bago siya nakasagot.
”Ikingagalak ko ang makapareha ka, magandang binibini!”
Dumating ang araw ng prom. Parang isang panaginip na nagkatotoo, parang fairy tale, parang magic, isang mahiwagang sandali. naroon siya at kasayaw ang kaisa-isang babaeng mahal niya.
“Napakasaya ko, kasi ako ang napili mong kapareha,” wika ni Jaypee.
“Kaya nga ikaw ang gusto ko kasi panatag ang loob ko sa iyo at isa pa magkaibigan tayo mula ng mga bata pa tayo kaya wala akong ibang gustong makapareha sa pagsasayaw ngayong gabi kundi ikaw,” sagot ng dalaga.
Maraming bagay ang gusto niyang sabihin rito sa pagkakataong iyon. Gusto niyang sabihin sa dalaga na ito ang pinakamagandang babae sa gabing iyon. Gusto niyang sabihin kay Keana na ito lamang ang tagapagdala ng liwanag sa kanyang kalungkutan at higit sa lahat, gusto niyang sabihin na mahal na mahal niya ito.Ngunit hanggang sa matapos ang musika ay hindi niya nasabi ang gusto niyang sabihin Hanggang sa di niya namalayan na bigla na lamang ito nawala sa panigingin niya. Hinanap niya si Keana ngunit laking gulat niya nang makita ito na may kausap na lalaki at nakahilig pa ang dalaga sa balikat nito.
“O, Keana…hindi pa man ako nagsisimula ay mukhang talo na agad ako,” malungkot na wika ni Jaypee sa isip habang patuloy na pinagmamasdan ang dalaga na tila masaya sa kasama nitong binata. Mula nang gabing iyon ay napagdesisyunan ni Jaypee na iwasan na si Keana dahil kung masaya na pala ito sa piling ng iba ay wala na siyang karapatang manghimasok pa. Hindi na siya nakipagkita rito at sinunod ang mga magulang na mag-aral siya sa Maynila.
Mabilis na lumipas ang isang taon. Malapit na siyang makapagtapos sa kolehiyo ngunit kahit isang taon na ang nagdaan ay hindi pa rin nawala sa puso at isip niya si Keana kaya hindi rin nakatiis si Jaypee at lumuwas siya sa probinsya para dalawin ang kaibigan at ang lihim na minamahal.
Nang marating ang bahay nina Keana at nakita niya ang nakakatandang kapatid nito. Nginitian niya ito at napansin niyang malungkot ang babae. Naguluhan si Jaypee dahil kilala niya na masiyahin at palangiti ito katulad ng pinakamamahal niyang si Keana.
“Hello, Ate Kelly. Alam kong nagulat ka kung bakit ako narito. Gusto ko lang sana bisitahin si Keana. Gusto kong magpaliwanag sa kanya kung bakit isang taon akong hindi nagpakita at nakipag-usap sa kanya. Nami-miss ko na kasi siya, sobra. Nasaan ba siya?” tanong niya rito.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito bago siya sinagot.
“I-ikaw pala Jaypee. Mayroon kang dapat malaman. Halika, sumunod ka sa akin,” anito.
Nalilito siya sa inasal nito. Sinubukan niyang kausapin ang kapatid ng kaibigan ngunit hindi ito umiimik. Napansin niya na patungo sila sa direksyon papuntang parke na malapit sa malaking puno ng mangga kung saan paborito nilang tambayan na magkaibigan.
Bigla itong tumigil sa ilalim ng puno at may itinuro bago muling nagsalita
“Nariyan si Keana.”
Tumingin siya kung saan ito nakaturo at napansin niya ang isang libingan kung saan nakasulat ang pangalan ng kaisa-isang babaeng minahal niya.
“A-anong ibig sabihin nito?” naguguluhan niyang tanong.
Hindi siya makapaniwala at pilit na pinapaniwala ang kanyang sarili na isa lamang iyong masamang biro, isang masamang panaginip at mamaya lang ay magigising din siya.
Tila pinagsakluban siya ng langit at lupa at napatingin siya kay Kelly. Humihingi si Jaypee ng paliwanag. Huminga siya ng malalim at kasabay ng pagtulo ng kanyang luha ay siya namang pagsasalita ng babae.
“Wala na siya, Jaypee. Nagkaroon siya ng malubhang sakit sa puso, hindi na nakayanan ng katawan niya ang labis na panghihina kaya maaga siyang binawi sa atin ng Maykapal pero kahit na maysakit si Keana ay hindi siya tumigil sa pag-iisip sa iyo. Hiniling niyang ilibing siya sa lugar na ito dahil lagi niyang sinasabing ang lugar na ito ay lugar ng pag-ibig,” bunyag ni Kelly.
“W-what?”
Tuluyang nang bumigay ang kanyang damdamin kasabay ng panginginig ng katawan. Nangangatal rin ang kayang mga labi, hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.
“Sinabi niya na dito niya ginugol ang pinakamasasayang araw ng buhay niya at iyon ay noong palagi ka niyang kasama. Pinabibigay nga pala niya ito sa iyo.”
Iniabot nito sa kanya ang isang sulat. Dahan-dahan niya itong binuksan at binasa ang nasa loob.
“Alam ko na sa oras na mabasa mo ang sulat na ito ay wala na ako. Gusto ko lang sabihin sayo na mapalad ako at lubos na nagpapasalamat sa Diyos dahil ibinigay nya sa akin ang isang kaibigang tulad mo. Gusto ko din ipaalam sayo na merong naiwan dito sa puso ko, isang bagay na matagal kong itinago sayo sa loob ng matagal na panahon. Mahal kita Jaypee, hindi bilang kaibigan kindi bilang isang lalaki. Minahal kita mula pa sa simula. Alam mo bang lalo itong lumalago sa bawat araw at oras na magkasama tayo. Pag nasa malayo ka, hindi ko mapigilan ang umiyak dahil natatakot akong baka may kasama kang iba. Sa tuwing akoy iyong yayakapin ay parang isang katuparan ng panaginip na mapalapit sayo at madama ang tibok ng iyong puso kasabay ng pagtibok ng sa akin. Hindi ko alam kung bakit ka lumayo ngunit gusto kong sabihin sa iyo na masaya ako at nakilala kita. Hindi ko man naipaalam sa iyo ng harapan ang totoong nasa loob ko, Gusto ko sana kahit sa sulat man lang ay aking maipaabot. Muli, Mahal na mahal kita, Jaypee at alam kong magkikita ulit tayo sa tamang panahon.”
Mas lalong hindi napigilan ni Jaypee ang pagdaloy ng luha habang tinutupi ang sulat. Gusto niyang sumigaw at sabihin kay Keana kung gaano din niya ito kamahal, higit pa sa pagmamahal ng dalaga sa kanya. Mahal na mahal niya ito higit pa sa kung ano pa mang bagay sa mundo. Humagulgol si Jaypee habang hinawakan ang lupang nakatabon sa libingan ng babaeng pinakamamahal niya.
“Alam mo, Jaypee may hinala noon si Keana kung bakit bigla ka na lang umalis. Nakita ka niya na umalis sa prom night ng mag-isa. Hinabol ka raw niya ngunit bigla ka na lang daw nawala sa paningin niya. Baka raw nagselos ka nang makita mong may kasama siyang ibang lalaki. Ang kasama niya noong gabing iyon ay ang aming pinsan na si Henry na nag-aaral din sa eskwelahan ninyo. Sobrang close sila kaya ito ang palagi niyang hinihingan ng payo tungkol sa pag-aaral at mga problema niya sa buhay,” hayag pa ng kapatid ng dalaga.
“Ha? H-hindi ko alam. Hindi ko alam na iyon pala ang nangyari. Kung hindi sana ako umalis ay nakasama ko man lang si Keana at nadamayan sa mga araw na kailangan niya ako. Napakatanga ko talaga!” paninisi ng binata sa kanyang sarili.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Jaypee. Malulungkot si Keana kapag ginawa mo iyan. Matuto kang tanggapin ang mga nangyari,” wika ni Kelly.
“Diyos ko, iparating Niyo sa langit ang aking pagmamahal kay Keana. Huwag kang mag-alala, mahal ko at darating ang panahon na magkikita rin tayo at kapag dumating ang pagkakataon na iyon ay malaya na nating pakaiibigin ang isa’t isa,” aniya.
Huli na nang malaman ni Jaypee na mahal din siya ng kaibigan ngunit babaunin naman niya sa kanyang puso at isip na minsan ay may nakilala at minahal siyang dalaga sa ilalim ng puno ng mangga.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!