Matagal nang naninilbihan si Rosalie sa isang mayamang pamilya bilang isang kasambahay. Masuwerte siya dahil mababait ang kanyang mga amo. Isang araw ay abala siya at ang ibang mga kasama sa paglilinis at pag-aayos sa buong mansyon dahil sinabi ng kanilang amo na may espesyal na bisita raw itong darating.
“Ano kamo, Sally isang Prinsipe ang bibisita dito sa mansyon?” gulat na sabi ni Rosalie.
“Oo. At balita ko ay anak daw iyon ng matalik na kaibigan ng ating amo. Grabe ‘no, ngayon ko lang nalaman na may kaibigan palang ganoon ang mga amo natin,” wika ng kasambahay rin na si Sally.
Mayamaya ay ipinatawag si Rosalie ng kanyang among babae sa isang pribadong silid.
“May kailangan po ba kayo, Ma’am?” magalang niyang sabi.
“Ay, oo nga pala Rosalie pinatawag kita dahil ikaw ang napili kong ipadala sa bahay bakasyunan namin sa Pangasinan. Doon pansamantalang tutuloy si Prinsipe Azur na anak ng matalik naming kaibigan na Reyna sa malayong bansa sa Silangan. Ang una naming balak na mag-asawa ay dito siya sa mansyon magbabakasyon ngunit napag-alaman namin na hindi sanay ang Prinsipe na nagkukulong lang sa bahay, ang gusto niya ay palaging lumalabas at lumangoy sa dagat kaya napagdesisyunan namin na sa bahay bakasyunan na lang namin sa probinsya patuluyin ang Prinsipe. Ikaw, Rosalie ang pansamantalang mag-aasikaso sa kanya. Tiwala ako sa iyo na magagampanan mo ng maayos ang iyong trabaho,” hayag ng amo.
“W-wala pong problema sa akin, Ma’am. Kailan po ako pupunta doon?”
“Bukas na bukas din. Kailangan na mauna ka roon bago pa dumating ang Prinsipe.”
Kinaumagahan ay maagang umalis si Rosalie papuntang Pangasinan sakay ng bus. Sari-saring emosyon ang nararamdaman niya, kinakabahan, natatakot, nananabik at iba pa. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na siya ang napili ng kanyang amo na mag-asikaso sa Prinsipe. Nananabik siyang makita kung ano ang hitsura nito. Hindi pa kasi siya nakakakita ng totoong Prinsipe sa buong buhay niya. Kinakabahan siya dahil baka masungit ito at supladuhan lang siya. Natatakot dahil lalaki ito at siya ay babae, baka gawan siya nito ng hindi maganda. Bigla niyang sinampal ang sarili at inalis ang kanyang mga agam-agam.
“Puwede ba, Rosalie relax lang! Hindi naman siguro siya masamang tao. Huwag kang mag-isip ng ganyan!” inis na saway niya sa sarili.
Hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa kanyang destinasyon. Hinanap niya agad ang address ng bahay bakasyunan at sa wakas ay natagpuan rin niya. Malaki ang bakasyunan na halatang pinagtibay ng panahon. Makaluma ang disenyo nito ngunit hindi maitatago ang pagkasosyal ng lugar dahil sa mga mamahaling muwebles palang na nasa labas ng bahay. Bago pa man siya makapasok sa pinto ay laking gulat niya nang may nagbukas niyon.
“S-sino ka? Anong ginagawa mo rito?” tanong niya sa lalaking nagbukas ng pinto.
Napansin niya na halos hindi kumukurap ang guwapong lalaki na nasa kanyang harapan. Para itong nakakita ng anghel na bumaba sa lupa sa pagkakatitig sa kanya.
“Hoy, hindi mo ba ako naririnig? Sino ka at bakit ka narito?!” malakas niyang tanong sa lalaki.
“A, e a-ako si D-Diego. Ako ang kanang-kamay ng mahal na Prinsipe. Nauna na ako dito, sabi ng amo ko ay susunod na lang daw siya. Baka sa makalawa pa ang dating niya,” medyo nauutal pa nitong sabi.
“A, ganoon ba? Ako nga pala si Rosalie. Ito ang bahay bakasyunan ng mga amo ko at ako ang pinadala nila dito para asikasuhin ang Prinsipe. Pasensya ka na ha, akala ko kasi ay magnanakaw ka, e. Bigla ka na lang kasi sumulpot diyan. Mabuti at nakapasok ka, paano mo nabuksan ang pinto gayong ang may hawak lang ng duplicate na susi ay ako? Kaya nga pinauna ako rito para kung sakaling dumating ang Prinsipe ay mayroon ng tao,” aniya.
“Ha? A, e pagdating ko kasi ay nakabukas na ang pinto sa likod bahay kaya naisipan ko nang pumasok,” wika pa nito habang kakamot-kamot sa ulo.
“Ay oo nga pala. Sinabi ng amo ko na may problema raw ang pinto sa likod bahay. Alam mo mabuti na lang at liblib na lugar ito at hindi masyado puntahin ng tao kundi ay maraming mananakaw dito,” aniya.
Buong araw na magkasama sina Rosalie at Diego. Habang nakikilala niya ang binata ay napansin niyang napakabait nito at madaling pakisamahan. Habang hindi pa dumarating ang Prinsipe ay naisip nila na mamasyal na muna sa paligid. Sa likod pala ng bahay bakasyunan ay may resort na pagmamay-ari rin ng mga amo ni Rosalie.
“Ang ganda pala dito. Ngayon lang ako nakapunta sa ganito kagandang lugar. At ang dagat, para akong inaakit. Tara, Rosalie, ligo tayo!” yaya ni Diego sa kanya.
“Ha, hindi ako marunong lumangoy,” tanggi ng dalaga.
“Huwag kang mag-alala at ako ang bahala sa iyo. Tuturuan kita. Hindi mo naitatanong, eksperto ako sa paglangoy,” pagyayabang ng binata.
Sa hindi malamang dahilan ay napapayag siya nito at sabay silang lumusong sa tubig. Sa una ay kinakabahan siya ngunit napawi iyon nang yakapin siya ng matipunong katawan ni Diego na umaalalay sa kanya.
“Ano, di ba masarap mag-swimming?” anito.
“Oo nga. Salamat ha!” aniya sa kinikilig na boses.
Nang sumunod na araw ay namasyal din sila sa iba pang magagandang lugar malapit sa bahay bakasyunan. Tuwang-tuwa si Diego sa kanyang mga nakikita. Napansin naman ni Rosalie na sobrang saya ng binata sa mga napupuntahan nitong lugar na para bang hindi ito nakakalabas ng bahay. Masaya siya kapag nakikita niya itong masaya sa araw-araw hanggang sa mapagtanto niya na nahuhulog na ang loob niya rito. Isang linggo na ang lumipas mula nang magkakilala sila. Sa maikling panahon ay sobrang lapit na ng dalawa sa isa’t isa na para bang mahirap na silang paghiwalayin. Napansin rin ni Rosalie na hindi pa rin dumarating ang Prinsipe, kapag tinatanong naman niya si Diego kung kailan ito darating ay palaging ‘ewan’ ang sagot nito. Hiling naman ni Rosalie na sana ay huwag nang dumating ang Prinsipe at silang dalawa na lamang ang magkasama sa bahay bakasyunang iyon.
Sabado ng umaga habang naglalakad sila sa tabing dagat ay may inamin sa kanya ang binata.
“Rosalie, matagal ko na sanang gustong sabihin sa iyo ito, e kaso napangungunahan ako ng kaba.”
“Ano naman iyon?”
“Gusto kong malaman mo na mahal na kita. Nung una palang kitang makita ay tumibok na ang puso ko sa iyo. Maaari ba kitang ligawan?” hayag nito habang dahan-dahang hinawakan ang kanyang mga kamay.
“A-akala ko ay ako lang ang nakakaramdam niyan. Mahal na rin kita, Diego. Sa ilang araw na pagsasama natin ay bigla ko na lang itong naramdaman at sigurado ako na ikaw rin ang itinitibok nitong puso ko,” pagtatapat ni Rosalie.
“Ang ibig mong sabihin ay pumapayag ka nang ligawan kita?”
“Oo, pumapayag ako!”
Masayang hinalikan siya ng binata sa kanyang pisngi. Binuhat siya nito na para bang kay gaan-gaan niya at maghapong nilibot ng dalawa ang iba pang lugar sa resort nang magkahawak-kamay.
Pagbalik nila sa bahay bakasyunan ay nagulat ang dalawa nang mayroon nakaparadang kotse sa labas. Kinabahan si Rosalie dahil pamilyar sa kanya ang magarang kotse na iyon. Pagpasok nila sa bahay ay sumalubong sa kanila ang di inaasashang bisita.
“O, Rosalie saan kayo nanggaling kanina ko pa kayo hinihintay. Hindi ba napagod ang Prinsipe sa pamamasyal niyo?” bungad ng kanyang among babae.
Halos mapako sa kanyang kinatatayuan ang dalaga sa kanyang narinig.
“A-ano po ang ibig niyong sabihin, Ma’am?”
“Ha? Ilang araw na kayong magkasama rito hindi mo pa rin ba kilala ang Prinsipe? Siya si Prinsipe Azur na anak ng matalik naming kaibigang Reyna,” bunyag nito.
Napalingon siya sa binata at tiningnan ito mula ulo hanggang paa.
“T-totoo ba ang sinasabi ni Ma’am, P-pero paano nangyari?” aniya sa naguguluhan pa ring tono.
“O-Oo, Rosalie. Tama siya. Ako nga ang Prinsipe at ang totoo kong pangalan ay Azur. Siguro ay nagtataka ka kung bakit marunong akong magsalita ng Tagalog, iyon ay dahil ang aking ina ay isang Filipina at pinalaki rin ako ng aking yaya na isa ring Filipina kaya matatas akong magsalita ng inyong lengguwahe. Sinadya kong magpanggap dahil kung sinabi ko sa iyo ang tunay kong pagkatao ay siguradong pangingilagan mo ako dahil sa aking katayuan. Mula nang makita kita ay tila pinana na ako ni Kupido dahil sa unang pagtama pa lang ng ating mga mata ay nakaramdam na ako ng kakaiba na hindi ko maipaliwanag kung ano. Tinamaan na talaga ako sa iyo, Rosalie,” hayag ng binata.
Hindi makapaniwala ang dalaga na ang lalaking ilang araw niyang nakasama, nakakuwentuhan at minahal ay ang mismong Prinsipe.
“N-ngunit k-kamahalan isa lamang po akong hamak na kasambahay at walang anumang yaman na maipagmamalaki. Mukhang hindi po ako ang babaeng nararapat niyong mahalin,” wika ni Rosalie sa paiyak na tinig.
Nilapitan siya ng lalaki at masuyong hinaplos ang kanyang pisngi.
“Hindi iyon mahalaga sa akin, Rosalie. Ang mahalaga sa akin ay ang buong pagkatao mo. Wala akong pakialam kung kasambahay ka man, wala kang yaman at iba pa, ang mahalaga sa akin ay ikaw lang mahal ko. Makita at makasama lang kita sa habang buhay ay sapat na para ako ay maging masaya,” anito.
“O, Die…este Prinsipe Azur…” sabi ng dalaga.
“Shhh, Azur na lang ang itawag mo sa akin, mahal kong Rosalie.”
Nang biglang pinutol ng among babae ang eksenang iyon nina Rosalie at Prinsipe Azur.
“Uy, tama na nga muna iyan at nilalanggam na kayo sa kinatatayuan niyo! Prinsipe Azur, kung mahal mo talaga siya ay ligawan mo muna. Aba, dalagang Filipina pa rin si Rosalie ‘no!” sabad ng amo habang kinikilig sa dalawa.
“Iyon naman po talaga ang balak ko. Gagawin ko ang lahat, mapasagot lang ang babaeng pinakamamahal ko,” hirit pa ng Prinsipe.
Dahil nasa Pilipinas ay niligawan ni Prinsipe Azur si Rosalie sa tradisyunal na paraan. Hinarana niya ito at dinalaw sa bahay. Pinagsisibak din niya ito ng kahoy at kung anu-ano pa hanggang nagbunga ang kanyang pagtitiyaga at ibinigay rin ni Rosalie ang matamis niyang ‘Oo’. Di natagal ay ikinasal sila at dinala ni Prinsipe Azur ang kanyang asawa sa sariling bansa at doon na nanirahan kasama ang kanilang naging anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!