Inday TrendingInday Trending
Ang Huling Tatlumpung Araw na Kasama Ka

Ang Huling Tatlumpung Araw na Kasama Ka

Desidido na si Enrico noon na hiwalayan na ang asawang si Maylen. Hindi na daw kasi siya nakakaramdam ng pananabik at pagmamahal dito. Kaya’t mas mabuting maghiwalay na lamang sila kaysa ipilit pa ang sarili sa isa’t isa.

Isa lamang iyan sa napakaraming dahilan upang maghiwalay sila, pero ang katotohanan, may ibang babae si Enrico at iyon ang gusto na niyang pakisamahan.

“Ano Enrico? Kailan mo ba talaga hihiwalayan ang asawa mo? Gusto ko nang maging misis din no?!” pag-iinarte ng babaeng puro kolorete ang mukha

“Intay ka lang Melanie. Humahanap lang ako ng tyempo para tuluyan ko nang kalasan ang asawa ko,” sagot naman ng lalaki.

Nakilala ni Enrico si Melanie sa kanyang trabaho. Malakas ang dating ng babae at napakaganda ng hubog ng katawan, dahilan para lalong mahumaling sa kanya ang lalaki.

Isang araw habang kumakain ng umagahan ang mag-asawa ay napansin ni Enrico na malalim ang iniisip ng kanyang asawa.

“Maylen, bakit parang balisa ka diyan? May problem ka ba?” tila ba inis na tanong sa kanya ng lalaki.

“W-wala naman. Masama lamang ang pakiramdam ko, pero ipapahinga ko lamang ito,” mahinahong sagot naman ng babae.

“Siya nga pala, may nais sana akong sabihin sa’yo…” napapalunok na lamang si Enrico at napapahinga ng malalim dahil sa kanyang sasabihin.

“Ano iyon, Enrico?” kabadong tanong naman ni Maylen.

Pwede naman natin sigurong suportahan ang nag-iisang anak natin. Pasensya ka na. Hindi na talaga ako masaya sa nangyayari sa’tin,” pahayag ng lalaki habang umiinom ng kanyang mainit na kape.

“Nais ko sanang makipaghiwalay na sa’yo. Hindi na ako masaya at hindi ka na rin naman masaya. Mas mabuti siguro piliin nating mabuhay ng magkahiwalay na lamang.

Napatitig lamang sa kanya ang babae at tila ba pinipigilan ang mga luha na huwag bumagsak mula sa kanyang mga mata. Hindi na kumibo pa si Maylen at itinuloy na lamang ang pagkain. Nang matapos siya ay agad niyang kinuha ang platong ginamit at hinugasan, at saka nagtungo sa kanilang kwarto na may mabigat na puso.

Hindi nag-usap ang dalawa sa lumipas maghapon at magdamag. Kinabukasan bago pumasok sa trabaho, ipinaghanda muna ni Maylen ang asawa ng pagkain at inintindi na tila ba ay walang nagbago.

“Maylen, tungkol sa sinasabi ko kaha-” hindi na nagawang ituloy ng lalaki ang kanyang sasabihin dahil nagsalita na agad ang babae.

“Sige, pumapayag na ako. Pero sa isang kondisyon…” mabilis na pagkakasabi ni Maylen.

“Pumapayag ka?” tila ba nagliwanag naman bigla ang mukha ng lalaki, “pero teka, ano yung kondisyon na sinasabi mo?” naguguluhang tanong naman nito.

“Magsasama tayo bilang mag-asawa sa loob ng isang buwan pa. Pero sa tatlumpung araw na iyon ay gagawin natin lahat ng ginagawa natin noong bago pa lang nagsisimula ang ating pagsasama,” mahinahong sagot ng babae.

“Sige. Kung tatlumpung araw lang naman, pumapayag ako. Siguraduhin mo lang na ibibigay mo ang kalayaan na hinihingi ko sa’yo,” matigas na saad ni Enrico.

Tumango lamang si Maylen bilang kasagutan. Kinuha ni Enrico ang kanyang mga gamit at saka umalis para pumasok na sa trabaho.

“Talaga Enrico? Totoong pumayag na siyang magkahiwalay na kayo? Ibig sabihin pwede na tayong magsama ng walang asungot?” sunod-sunod na tanong ni Melanie sa lalaki.

“Oo. Pwede na kita ibahay pagkatapos ng tatlumpung araw. Di ko alam kung anung pumasok sa utak ng asawa ko at humingi pa ng kaunting panahon para lang makasama ako, papayag din naman palang humiwalay,” natatawang sagot naman ni Enrico.

“Naku, pabayaan na natin siya. Ilang linggo na lang naman, eh ako na ang magiging maybahay mo,” ligayang-ligayang saad ng haliparot na kabit.

Pagkauwi ni Enrico, nakahanda na ang hapunan pati na ang mga pamalit niyang damit. Napalingon siya at nadatnan na tulog ang asawa habang nakabukas ang telebisyon.

Iniwasan niyang makagawa ng kahit anong ingay na pwedeng magpagising sa nahihimbing na asawa. Napatitig siya sa maamong mukha nito at para bang may kurot sa kanyang puso habang nakatingin at iniisip na sa paglipas ng apat na linggo ay permanente nang maghihiwalay ang landas nila.

“Daddy?” sigaw ng batang lalaki.

“Shhh!” senyas ng lalaki upang huwag magising ang misis na natutulog, subalit huli na. Nagising si Maylen.

“Nandiyan ka na pala, pasensya na nakatulog ako dahil hindi maganda ang pakiramdam ko. Tara at kumain na,” pag-aaya ng ginang.

Masayang kumain ang buong pamilya. Hindi nakahalata ang bata sa tunay na nangyayari sa kanyang mga magulang. Tanging alam lamang nito ay masaya sila.

“Alam niyo, daddy? Ikaw ang superhero ko. Lalo na pag nakikita ko po na kinakarga niyo si mommy bago kayo matulog,” natatawang sabi ng bata, “mamaya kargahin niyo po ulit si mommy ha?” mungkahi naman ng bata.

Nagkatinginan lamang ang mag-asawa sa sinabi ng kanilang anak.

“Oo naman anak. Mamaya magiging superhero so daddy ha?” tugon ng lalaki at saka itinuloy ang pagkain.

Tulad ng dating gawi, nanonood muna ang mag-anak ng pelikula bago matulog. Naunang makatulog si Maylen sa braso ng kanyang asawa sa kalagitnaan ng palabas. Agad namang napatingin ang lalaki sa muling nahihimbing na asawa.

“Daddy, buhatin ninyo na po si mommy. Tulog na po siya oh,” bulong ng bata sa kanyang ama.

Ngumiti at tumango lamang ang lalaki. Dahan-dahan niyang ipinulupot sa kanyang leeg ang kamay ng asawa at saka ito binuhat patungo sa kanilang kwarto.

“Goodnight daddy,” mahinang sabi ng bata. Humalik muna ito sa ama at natutulog na ina bago nakangiting lumabas ng kwarto. Tuwang-tuwa ito sa tuwing makikitang naglalambingan ang kanyang magulang.

Kinabukasan umuwi naman si Enrico na may dalang isang bugkos ng mga pulang rosas. Alam niyang paborito ito ng kanyang asawa kaya’t sinurpresa niya ito.

“Isang buwan ko na lang naman itong gagawin,” bulong niya sa sarili.

Nakita niya ang pagliwanag ng mukha ng asawa dahil sa mga rosas na kanyang dala-dala. Ngayon lamang niya ulit itong nakita na ganoon na lamang kasaya.

Ginawa niya ito sa halos araw-araw. Tuwing gabi ay binubuhat niya nga ang asawa papunta sa kwarto sa tuwing matutulog, tulad noong mga unang taon pa lang silang nagsasama.

May kung anung hangin ata ang bumulong sa lalaki at biglaan na lamang nagbago ang isip niya isang linggo bago matapos ang kasunduan na hiwalayan.

“Ano? Anong ibig mong sabihin? Hindi mo na hihiwalayan ang asawa mo tapos ako yung iiwanan mo ngayon?” galit na sigaw ni Melanie.

“Pasensya na Melanie, una pa lamang ay mali na ito. Napagtanto ko na mahal na mahal ko pala si Maylen. Sa isang buwan na palugit na binigay namin sa isa’t isa, nalaman ko na nandoon pa rin ang pagmamahal namin sa isa’t isa,” tugon naman ni Enrico. Tumalikod ito at tuluyang iniwan si Melanie.

Pag-uwi niya sa bahay ay natagpuan niyang nakahiga sa lapag ng kwarto si Maylen at walang malay. Nakaramdam siya ng matinding takot dahil namumutla ito.

“Maylen? Maylen mahal ko? Ayos ka lamang ba? Anong nangyari?” Nag-aalalang tanong ng lalaki.

Dahan-dahang nagbukas ang mga mata ni Maylen, at kahit na nanghihina ay pinilit nitong ngumiti at magsalita.

“P-pasensya ka na… sumama kasi ang pakiramdam ko,” pumikit lang muli ang babae sa sobrang panghihina.

Agad namang binuhat ng lalaki ang kanyang asawa at saka dinala sa sasakyan upang itakbo sa malapit na ospital. Habang buhat ang asawa ay napansin niya na tila ba pagaan ito ng pagaan sa bawat gabing binubuhat niya ito. Kita na rin sa katawan nito ang mabilis na pagbagsak ng katawan.

“Hindi po ba nasabi sa inyo ng asawa ninyo ang tunay niyang kalagayan?” tanong ng babaeng doktor.

“H-hindi po dok. Ano po ang nangyari? May sakit po ba siya?” nag-aalalang tanong ni Enrico.

“Your wife is sick,” lumapit ang doktor sa tenga ng lalaki at bumulong, “stage 4 na… sa medical records niya, tatlumpung araw lamang ang ibinigay na taning sa kanya para mabuhay pa,” mahinang sabi ng doktor.

Tila ba binuhusan ng malamig na tubig ang lalaki sa mga narinig. Hindi niya malaman ang gagawin. Naestatwa lamang siya sa kinatatayuan dahil hindi pa rin niya lubos matanggap na ganoon na pala kalala ang sitwasyon ng kanyang asawa, pero wala pa rin siyang kamalay-malay.

“Bakit? Bakit kung kailan ayos na ang lahat, ngayon pa siya kukunin sa akin?” lumuluhang tanong niya sa kanyang sarili.

Lumapit siya sa nagpapahingang asawa, hinalikan ito sa noo at saka kinuha ang kamay upang hawakan. Pumapatak ang kanyang mga luha habang minamasdan ang payat na payat na katawan ng asawa.

“Patawad Maylen, patawarin mo ako mahal sa mga naging kasalanan at pagkukulang ko,” lumuluhang saad niya habang nakahawak sa kamay ng asawa.

Nagmulat naman ng mata si Maylen at saka hinaplos ang mukha ng mister.

“Patawad din dahil hindi ko nasabi sa’yo. Mabuti na rin ‘to kaysa napipilitan kang pakisamahan ako. Ginawa ko ito dahil labis kang iniidolo ka ng anak natin. Ikaw ang superhero niya sa tuwing nakikita niyang naglalambing ka sa akin.

Mabuti na ito para paglisan ko, buo pa rin ang magandang imahe mo sa kanya. Alagaan mo siyang mabuti at iparamdam mo ang pagmamahal ng isang magulang sa kanya.

Salamat at pinagbigyan mo ang kahilingan kong makasama ka pa ng tatlumpung araw. Panghabang buhay ko itong sasariwain sa aking alaala. Salamat sa sakripisyo mo,” lumuluhang pahayag ni Maylen.

“Patawarin mo ako. Naging taksil ako at hindi naging tapat. Pero nais kong malaman mong pinagsisisihan ko na lahat. Sa halos tatlumpung araw na lumipas, lalo kong napagtanto na ikaw lang ang kailangan ko at ikaw lamang ang pinakamamahal ko. Hindi ko alam kung anung gagawin ko pag nawala ka sa akin,” humahagulgol na sabi naman ni Enrico.

“Napakasarap pakinggan ng mga salitang ‘mahal kita’ lalo na kapag galing ito sa’yo. Salamat dahil ipinaramdam mong muli sa akin ang pagmamahal mo. Isang napakagandang alaala na aking babaunin,” mahinang saad ng babae.

“Huwag kang magsalita ng ganyan. Pakiusap, huwag mo muna akong iwan mahal ko,” tugon ng lumuluhang lalaki.

“Enrico, mahal ko. Gusto ko nang umuwi sa atin. Gusto kong doon na lang magpahinga. Ayoko na dito sa ospital, maaari ba?” pakiusap ng nanghihina nang ginang.

Tumango lamang ang lalaki at pumirma sa ospital na wala nang obligasyon ang institusyon sa kung anumang pwedeng mangyari sa pasyente pag ito ay lumabas. Kinagabihan ay naiuwi na niya ang kanyang asawa at doon inaruga.

Sa ika-tatlumpung araw, naghanda ng surpresa si Enrico. Pinuno niya ng rosas kanilang bahay habang pinapatugtog ang paboritong kanta ni Maylen.

“Maaari ba kitang maisayaw mahal ko, katulad ng dati?” tanong ng lalaki sa kanyang asawa.

Tumango lamang si Maylen at ngumiti. Dahil hindi na niya nagagawa makatayo o makalakad ng maayos, binuhat siya ng kanyang asawa at saka inilapit sa kanyang dibdib.

Habang tumutugtog ang paboritong musika ng babae ay isinasayaw siya ni Enrico ng mabagal. Mahigpit ang pagkakakapit ng lalaki habang pumapatak ang mga luha.

“Mahal na mahal kita, Maylen,” umiiyak na bulong ni Enrico.

“M-mahal na mahal din kita, Enrico. S-salamat sa lahat. Ito na ang pinakamasayang tatlumpung araw ng buhay ko. Hinding-hindi ko ito makakalimutan hanggang sa huling hininga ko. Napakasaya ko,” hirap na pagsagot naman ni Maylen.

“Pangako, ikaw na ang una at huling babae na aking mamahalin,” saad naman ng lalaki kasunod ng madiin na halik sa labi ng asawa.

“Salamat sa lahat. Ingatan mo ang ating anak ha? Ikaw ang superhero niya,” huminga ng malalim si Maylen at saka muling nagsalita, “gusto ko nang matulog mahal ko. Salamat sa hindi malilimutang gabing ito.”

“Magpahinga ka na mahal. Naging matindi din ang iyong laban. Tandaan mo na mahal na mahal kita. Balang-araw ay muli tayong magkikita. Intayin mo lamang ako. Sa kabilang buhay, pangako hahanapin kita kaagad, basta intayin mo lamang ako, mahal ko,” bulong ng lalaki habang pumapatak ang mga luha.

“Mahal na mahal din kita. Pangako, mag-iintay ako sayo. Hanggang sa muli mahal. Pasensya na, matutulog na ako ha?” mahinang saad ng babae.

Humalik ng madiin sa noo si Enrico at saka niyakap ng mahigpit ang kanyang asawa. Nakita niya ang pagpatak ng luha sa mga mata ni Maylen. Ngumiti muna ito ng isang matamis na ngiti bago tuluyang ipinikit ang mga mata.

Buong lakas na yumakap ng mahigpit ang babae sa kanyang asawa sa huling pagkakataon. Makalipas ang halos isang minuto, naramdaman ni Enrico ang unti-unting pagkalas ng mga yakap ng babae. Napapikit na lamang siya at napahagulgol ng malakas.

“Mahal? Maylen, mahal ko?!” iyak pa niya, “magpahinga ka ng maayos diyan sa pupuntahan mo ha? Pangako, darating ako balang-araw. Hahanapin kita.”

Minsan sa buhay, dumarating ang malaking dagok sa pagitan ng mga taong nagmamahalan. Madalas kapag walang maisip na solusyon sa mga problema, tanging hiwalayan na lamang ang naiisip natin na maaaring gawin. Pero madalas, sa tuwing nawawala ang pinakamamahal nating tao dahil sa maling desisyon ay doon lamang natin napapagtanto ang tunay nilang halaga.

Labis pa rin ang pasasalamat ni Enrico dahil binigyan pa siya ng pagkakataon na makasama at maiparamdam ang labis na pagmamahal sa kanyang asawa sa loob ng tatlumpung araw.

Tulad ng ipinangako, hindi na siya nag-asawa o umibig pa sa iba. Pinalaki at binuhay niya ang anak ng mag-isa, ipinaramdam pa rin niya ang labis na pagmamamahal tulad ng hiling ng namayapang asawa.

Habang buhay pa at malakas pa ang mga mahal natin sa buhay, nawa’y iparamdam natin sa kanila kung gaano sila kahalaga sa atin. Huwag tayong mag-intay ng tatlumpung araw lamang upang maiparamdam sa kanila ang pagmamahal natin para sa kanila.

Advertisement