Inday TrendingInday Trending
Bigyang Kulay ang Madilim Kong Mundo

Bigyang Kulay ang Madilim Kong Mundo

Si Reggie ay anak ng isang sugarol na nanay at lasinggerong tatay. Hindi pa sumisikat ang araw ay nabubulabog na ng mga malalakas na ingay mula sa kanilang tirahan ang kanilang mga kapitbahay. Pagsapit ng dilim ay giyera naman. Araw-araw ay nabibingi ang binatilyo sa away ng kaniyang mga magulang. Gabi-gabi ay sinasalo niya ang pananakit ng ina tuwing natatalo ito sa mahjong at ang pangbubugbog na ama tuwing ito ay nakainom.

Lumaki siyang hindi nailalabas ang naipon niyang matinding galit sa kaniyang puso laban sa kaniyang mga magulang. Bagama’t mahilig siyang makipagbarkada ay lumaki siyang matinong bata. Alam niya ang masamang dulot ng mga masasamang bisyo kaya iniiwasan niya ang mga ito. Ayaw niyang matulad sa kaniyang mga magulang.

Nagsimulang magbago ang lahat nung inabutan si Reggie ng isang lata ng spray paint ng kaniyang kabarkada.

“Anong gagawin ko dito?” nagtatakang tanong ng binatilyo.

“May hawak kang pintura. May pader sa iyong harapan. Gamitin mo iyan para mailabas mo ang galit mo,” eksplika ng kaniyang kaibigan.

“Hindi ba bawal iyon? Baka makulong tayo.”

Kinakabahan si Reggie sa balak gawin ng kaniyang kaibigan.

“Bawal nga pero mailalabas mo naman ang nararamdaman mo. Okay lang iyan. Siguraduhin mo lang na hindi ka mahuhuli ng parak.”

Tuwing nakakaramdam ng matinding poot si Reggie ay umaalis siya sa kanilang bahay kahit madaling araw na at masakit ang buo niyang katawan para maghanap ng pader kung saan niya ipinipinta ang laman ng kaniyang puso. Dito niya inilalabas ang lahat. Alam niyang mali ang kaniyang ginagawa pero mas maigi na ito kaysa malulong siya sa masamang bisyo.

“Ang ganda naman ng pininta mo!” Biglang napatakbo si Reggie nung may narinig siyang boses ng isang lalaki sa kaniyang likuran pero bago pa siya makalayo ay nahawakan na nito ang kaniyang braso. “Huwag kang matakot. Hindi kita isusumbong. Ang totoo niyan, eh, gusto kitang imbitahan na sumali sa grupo namin.”

Miyembro si Lenard ng isang samahan ng mga pintor na ang adhikain ay imulat ang mga tao sa kalagayan ng lipunan noon hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng sining. Kahit sino ay pwedeng maging kasapi ng grupo basta may interes sa sining.

“Magandang pagkakataon ito para makakilala ka ng mga taong bihasa sa pagpipinta. Maaari ka nilang turuan para mas lalo mong mahasa ang iyong talento. Pwede ka pang kumita. Minsan kasi ay tumatanggap kami ng mga proyekto tulad ng mga pagpipinta sa mga pader, paggawa ng mga backdrop sa mga dula-dulaan, paggawa ng mga advertisement at kung anu-ano pa. Kung interesado ka pumunta ka sa opisina namin. Libre ang pagsali. Walang bayad. Talento mo lamang ang puhunan,” pangungumbinsi ni Lenard.

Matagal munang pinag-isipan ni Reggie ang alok ni Lenard bago siya nagpunta sa opisina ng samahan. At hindi niya pinagsisihan ang kaniyang desisyon dahil namulat siya sa iba’t-ibang estilo ng pagpipinta. Nakaipon din siya ng pera kaya nagawa niyang bumukod malayo sa kaniyang mga magulang. Kung dati ang pagpipinta ang naging paraan niya para ilabas ang kaniyang galit ngayon ay iba na. Ginawa niyang instrumento ang pagpipinta para maging inspirasyon ng ibang tao na may mabigat na pinagdadaanan.

Isang araw ay binisita ni Lenard si Reggie sa inuupahan nito.

“Tol, may kompetisyon sa pagpipinta sa Pransya sa susunod na buwan. Baka interesado kang sumali. Sa tingin ko ay malaki ang tsansa mong manalo,” pahayag ni Lenard.

“Naku, mahirap sumali sa mga ganyan. Siguradong magagaling ang makakalaban ko diyan. Isa pa ay wala akong pera,” pagtanggi ni Reggie.

“Hindi problema iyon. Tutulungan ka ng samahan na kumalap ng pondo para makalahok ka. Kami ang bahala sa iyo. Hindi ka namin papabayaan. Ang intindihin mo ay kung ano ang magiging entry mo sa kompetisyon.”

Pinataob ni Reggie ang mga mahuhusay ng pintor mula sa iba’t-ibang bansa dahil sa kaniyang obra. Ang kaniyang pagkakapanalo ang nagbigay daan para makilala ang kaniyang mga likha hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Hindi lang naging mabenta ang mga pinipinta niyang obra naging tanyag din ang kaniyang pangalan sa larangan ng pagpipinta.

Kahit sikat na si Reggie hindi niya nakalimutang lumingon sa kaniyang pinanggalingan. Kasama ang iba pang miyembro ng samahan tinuturuan niya ng libre ang sinumang nais matutong magpinta. Maliban pa doon ang bente porsyentong kinikita niya mula sa pagbenta ng kaniyang mga obra ay napupunta sa pagtustos ng pag-aaral ng ilang kapuspalad na kabataan.

Mula sa simpleng pagpipinta sa mga pader gamit ang spray paint hanggang sa paggamit ng iba’t-ibang kulay ng pintura at estilo ng pagpipinta para makalikha ng isang obra, mula sa paglalabas ng sama ng loob at galit sa mga magulang hanggang sa pagiging inspirasyon ng mga taong may mabigat na pinagdadaanan; ang madilim ng mundo ni Reggie ay nagkaroon ng kulay. Ginamit niya ang kaniyang mga pinagdaanan para iahon ang kaniyang sarili tungo sa mas magandang buhay.

Advertisement