Inday TrendingInday Trending
Palaging Ninanakaw ng Binatilyo ang Pera ng Inang Mananahi, Di Niya Akalaing Alam Pala Nito ang Ginagawa Niya

Palaging Ninanakaw ng Binatilyo ang Pera ng Inang Mananahi, Di Niya Akalaing Alam Pala Nito ang Ginagawa Niya

Nag iisang anak lamang si John, ang kanyang ama ay sumakabilang bahay na, may iba na itong pamilya. Kaya ang mag isang bumubuhay sa kanya ay ang kanyang inang mananahi, si Aling Fe.

Malabo na ang mata ng ale at kung tutuusin ay may edad na, 60 na ito dahil late na nitong ipinagbuntis ang ngayo’y 17 years old nang binatilyo. Pero tinitiis nitong kumayod para kahit pumanaw na siya ay panatag ang loob niyang may pinag aralan ang anak at di ito magiging kawawa sa buhay.

Pero sa halip na makita iyon ng binatilyo ay tila balewala pa rito lahat ng sakripisyo ng ina, wala itong ibang ginawa kung hindi sumama sa barkada at ilibre ang nobya gamit ang perang pinaghirapan ng nanay niya.

“Babe, gusto ko yung pink na bag,” turo ng nobya ni John isang beses na namamasyal sila sa mall, nag-cutting classes sila upang makapag date. Kasama niya rin ang mga tropa niya na may bitbit na tig iisang nobya.

“Sure ka ba? Sige gawan ko ng paraan,” sabi niya sa babae at inakbayan ito.

“Dapat lang, wala ka na ngang gift sa akin nung Valentine’s day eh,” nakangusong sabi nito at nagtatampo pa.

“Oo na nga sus, ngunguso pa eh. Gagawan ko na ng paraan hindi ba?” sabi niya rito at tinitigan pa sa mata bago ito dinampian ng halik sa labi. Tuwang tuwang napatango ang babae at nagpatuloy na sila sa paglalakad.

Kinagabihan ay madilim na nang nakauwi si John, eto kasing mga tropa niya ay nagyaya pang mag inuman pagkagaling nila sa mall. Sinampal sampal niya pa ang sarili para magising sa kalasingan para di sya mahalata ng kanyang ina.

“Nak, ginabi ka yata? Lumamig na tuloy ang ulam mo. Gusto mo bang iinit ko ang torta?” sabi ni Aling Fe na abalang nananahi, liga na naman kasi at tambak ang nagpapatahi ng uniform na pang-basketball. Nakakapagod man ay ayos na rin iyon para maraming kita.

“S-subo lang akong konti,bihis lang ako tapos kakain n-nako,” pinilit ni John na makapagsalita ng tuwid, umakyat na siya sa kwarto at nagbihis. Si Aling Fe naman ay ininit na ang ulam at hinainan ang anak.

“Mahirap talaga pag kolehiyo ano? Tambak ang gawain, di ko yan naranasan eh. Kami noon sa high school kaunti lang ang ginagawa pero nasakit na rin ang ulo ko. Kawawa ka naman anak,” nahahabag na sabi nito dahil nahalatang hindi maganda ang lagay ng binatilyo.

Di naman sumagot si John at pabalagbag na umupo sa harap ng hapag kainan. Nang makahain ang kanyang ina ay sinimulan niya nang kumain at di man lang nagtangkang yayain ito. Di niya alam na nagparaya lamang ang ginang sa kanya at hindi pa rin naghahapunan.

Kinaumagahan ay maagang nagising si John, bagamat hindi siya papasok sa eskwela dahil mamamasyal sila ng nobya kasama ang barkada niya. Napatapik pa siya sa ulo nang maalala ang kasintahan, tiyak na magmamaktol ito dahil pinangakuan niya ng bag.

T*ngina, ano namang ibibili niya eh estudyante lang rin sya?

Nasagot ang tanong niya nang paglingon ay natanaw niya sa ibabaw ng tokador ang perang ibinayad sa nanay niya sa pananahi. Kulang kulang tatlong libo iyon. Mabibili niya na ng bag ang nobya, makakapagyabang pa siya pag nanlibre sa tropa.

Hindi siya nagdalawang isip na damputin ang pera at umalis na. Tuwang tuwa ang girlfriend niya dahil bukod sa bag naibili niya pa ito ng chocolate. Talagang big time ang dating niya sa tropa.

Kinahapunan, inabutan niya ang ina na taranta at halos baligtarin na ang bahay. Ayaw man nito ay tila di na napigilan ang sarili sa pagtatanong.

“N-nak, napansin mo ba iyong tatlong libo sa ibabaw? Paunang bayad kasi iyon ni Mareng Lydia, pambili ko sana ng tela..” kinakabahan ito.

“Di ko napansin, pinagbibintangan nyo ako?”

“D-di naman sa ganoon anak, ano lang, baka lang kasi..”

“Baka ano? Oo kumuha ako pero isang daan lang! Hindi ko kukunin ang ganoon kalaking halaga nay, di ako magnanakaw!” galit pang sabi niya at umakyat.

Narinig niyang tinawag pa siya ng kanyang nanay, kumatok rin ito sa kwarto niya at humihingi ng tawad pero di niya ito pinagbuksan.

Dahil hindi siya nahuli at napagalitan ay lumaki ang ulo ni John at lumakas ang loob na muling ulitin ang kalokohan. Kung hindi ba naman tanga ang nanay niya, nanakawan na nga ay doon pa rin naglalagay ng pera.

Kahit maliit na halaga ay walang pinalalagpas ang binatilyo. Kinukuha niya ang lahat ng pera sa aparador at di naman siya napapagalitan ng kanyang nanay. Hindi niya alam kung ano ang mahina, ang mata nito na hindi nakikita ang nawawalang pera o ang utak nito na tatanga tanga,nananakawan na eh wala pang kaalam alam. Ah, baka pareho!

Mabilis lumipas ang mga taon, naka-graduate si John pero pasang awa. Gayunpaman ay tuwang tuwa ang nanay niya at proud na proud. Nakakuha siya ng magandang trabaho pero ni hindi man lamang siya nakatulong rito dahil katwiran niya, iti-treat niya naman ang sarili dahil ngayon lang siya nakatikim ng pera.

Maraming taon pa ang lumipas ay nag asawa na si John at nagpatayo ng malaking bahay, iniwan niya na ang nanay niya sa maliit na barung barong. Wala na siyang balak balikan ang miserable nilang buhay.

“Naisip ko lang pare, maganda yung pwesto ng bahay nyo sa Cainta diba?” sabi ng bestfriend niyang si Mon.

“What do you mean?” tanong niya rito.

“Yung bahay ng mom mo? Diba kahit na barung barong iyon ay inyo ang lupa kamo? Aba, crossing iyon. Kung magrerent ka ay mahal ang ganoong pwesto dahil tabing high way at maraming dumaraan,” makahulugang sabi nito.

“You’re telling me na doon magtayo ng business?”

“Think about it. Di kana mangungupahan sa commercial space, tapos ang ganda ng pwesto. Patok ang business dyan. Kung yung mom mo naman, may edad na siya diba? Bulag na rin kamo dahil sa catarata? Pwede mo na siyang ilagay sa home for the aged,” paliwanag nito.

Napatangu tango si John, may point ang kaibigan niya. Malaki ang ma-memenos kung susundin niya ang payo nito.

Pagkalabas niya sa opisina ay agad siyang nag-drive papunta sa Cainta, kukumbinsihin niya ang ina na pumayag nang tumira sa home for the aged at hihingiin niya na rin ang titulo ng bahay. Tutal, wala namang ibang magmamana noon kundi siya.

Bumungad sa kanya ang barung barong. Mas luma na ito at napag iwanan na ng bahay na bato sa paligid. Madilim ang loob, baka di nakakabayad ng kuryente ang matanda.

“Si te Fe? Nandyan sa loob, pakilala ka nalang toy at ulyanin na ang matandang yan eh. Matagal na ring naputulan ng ilaw dahil wala namang ibabayad, nagtutulong tulong nalang kaming magkakapitbahay para dyan,nakakaawa rin kasi.” sabi ng isang may edad na babaeng nagwawalis nang matanaw siya nitong tumitingin tingin.

Hindi siya sumagot at tuluyan nang pumasok sa loob, nagulat pa siya nang makarinig nang kalabog.

“Jesus maryosep! Kalat kalat kasi ang bahay, ang daming nagpapatahi,” tinig iyon ng kanyang ina na natalisod pala, makalat nga ang bahay pero hindi dahil sa mga tela kundi dahil sa mga kagamitang magulo. Tama ang kapitbahay, ulyanin na nga ito. Nasa isip nito na isa pa rin itong mananahi.

Hindi pa nagsasalita si John dahil di niya alam ang sasabihin. Nakamasid lamang siya sa inang hirap na hirap kumapa sa paligid.

“Magluluto pala ako, mamaya ay uuwi na si John. Pagod sa eskwela ang batang iyon eh, nakakaawa naman.Palibhasa kolehiyo. Kami dati sa high school, wala namang ganyan ganyan.Iba na ang edukasyon ngayon,” sabi ng matanda.

Unti unting gumuguhit ang sakit sa dibdib ni John. Maging hanggang ngayon kasi ay siya ang nasa isip ng kanyang ina, kahit pa iniwan niya na ito sa miserableng buhay.

Nagulat siya nang dumukot ang matanda sa daster nito, wala namang nakuhang pera at puro papel lamang. Ipinatong nito iyon sa tokador.

“Para kay John. Nahihiyang magsabi ang anak kong iyon eh, baka maraming project sa school. Araw araw iyan, kinukuha nya. Ganoon talaga, nag aaral eh,” sabi nito. Natulala naman si John, kung ganoon ay alam pala ng nanay niya ang pagnanakaw niya noon pero inuunawa lamang siya.

Tigib ang luha niya dahil sa pagsisisi sa nagawa sa kanyang ina. Buong buhay nito ay inialay sa kanya, nagkandabulag na nga kakatahi para mapag aral siya. Pero nang magtagumpay siya ay iniwan ito. Hindi niya mapigilan ang mapahagulgol, hindi man siya nakikita ng matanda ay narinig naman siya nitong umiiyak.

“O e bakit ka umiiyak? Ako nga hindi umiiyak. Ayos na ako, kahit na iniwan ako ni John, ayos na ako. Basta alam kong maligaya ang buhay ng anak ko, kahit wag na ako. Ayos na ako doon. Wag ka nang umiyak, teka, sino ka ba?”

Niyakap ni John ang kanyang ina, inialis niya ito sa bahay na iyon at inalagaan. Binigyan niya ito ng magandang buhay. Malungkot lang dahil huli na, kahit anong gawin niya ngayon ay di na siya natatandaan pa ng matanda.

Kahit sa mamahaling restaurant pa niya dalhin ito ay di na naman nito nakikita pa iyon. Napapaluha siya tuwing naaalala ang masayahin niyang nanay noon, na binalewala niya.

Sabi nga nila, wag tayong magsasawang iparamdam at sabihin sa ating mga magulang kung gaano natin sila kamahal. Dahil maiksi lamang ang buhay, habang may oras pa tayo kasama sila ay sulitin na natin.

Advertisement