Hindi Matanggap ng Lola na Bakla ang Yaya ng Apo Niya, Ito pa Pala ang Magliligtas sa Buhay ng Bata
“Nasaan na si Monica? Diyos ko! Parang mga walang utak ang mga ito!” Nanggigigil na saad ni Hilda sa mga kasambahay ng anak na si Freddie.
Humahangos na lumabas ng banyo si Monica. May shampoo pa ang ulo nito at nakatakip lamang ng tuwalya ang basang-basang katawan. Napatalikod tuloy ang kanilang family driver na si Ruben.
“Ma, ano pong nangyari!?” Nanginginig na sagot ni Monica sa biyenan.
“Kung may utak ba naman kayo! Kahit sabihin pang bakla iyang si Alice kuno na iyan! Kababaeng tao ng apo ko, ipinagkakatiwala ninyo diyan!” Namumula ang mukha nito sa galit.
“Hay! Grabe! Ninenerbiyos ako sa inyo, ma. Muntik na akong magdulas sa banyo. Hindi naman po sila naiiwang dalawa lang dito sa bahay. Lagi kaming nandito. Naligo lang ako kaya pinahawakan ko si Baby Tracy kay Alice. Isa pa, grabe ang pangingilala niya. Kita niyo naman, kahit sa inyo’y hindi sumasama ang bata.” Pagpapaliwanag ni Monica.
Hindi na lamang kumibo si Hilda, agad itong tumalikod at maya-maya’y nagsumbong ito sa anak.
“Freddie, alam mo bang sinagot-sagot ako ng asawa mo? Ang akin lang naman ay ayokong paalagaan ang bata sa ibang tao! Hindi ba kayo nanonood ng mga balita? Ang bilis-bilis ninyong magtiwala!” Saad ng ina nito.
“Ma! Huminahon ka! Iyang si Alice ang nagpalaki kay Vincent at Vivian! Para namang ibang tao ang tingin ninyo sa kaniya samantalang 17 years na natin silang kapitbahay! Isa pa, kilala ko si Monica, maiinis iyon pero hinding hindi niya kayo sasagut-sagutin. Nagiging masyado talaga kayong sensitibo pagdating kay Monica. 5 years na kaming kasal, ma. Nakakapagod na! Parang lagi na lang kayong bago ng bago. Nakaka-ilang usap na tayo! Pamilyadong tao na ‘ko!” Pagtatanggol ni Freddie sa asawa.
Umiiyak na lumabas ng bahay ng anak si Hilda.
Hindi ito makapakali kaya’t nagsimula itong maghanap ng mga yaya sa iba’t-ibang agency.
Pagkalipas ng ilang araw lamang ay nakangiti pa ito nang dumalaw sa apo.
“Hello, Tracy! Wala ka na naman ibang alam samahan kung hindi ang nanay mo at tatay mo, ano?! Palibhasa’y mag iisa’t kalahating taon ka na’y ayaw pang tigilan ng nanay mo ang pagpapadede sa iyo. Tignan mo, ang payat mo! Di kamukha ng anak ni Riza, ang taba at ang cute!” Pagpaparinig nito kay Monica.
Hindi na lamang ito pinansin ni Monica.
“Madam, sa probinsya po namin talagang nabubuhay lang ang mga bata sa gatas ng ina. Hindi ho uso doon ang mga gatas na tinitimpla. Kaya nga ho malalakas ang resistensya ng mga bata sa amin. Saka hindi po dahil mataba ay malusog na. Masama nga po ang sobrang taba.” Hindi na napigilan ni Alice ang pagtatanggol sa butihing among si Monica.
“Alice, sige na. Pakiluto na lang iyong baboy sa ref. I-adobo mo.” Paraan ito ni Monica upang hindi na paginitan pa ng biyenan ang pobreng si Alice.
Ipinanganak mang lalake’y pusong babae si Alice. Sa loob ng 17 taong naglingkod ito sa mga magulang ng kababata ni Monica at Freddie ay wala itong ipinakita kundi kagandahang asal. Kaya nang mag-migrate ang mga ito sa Canada’y agad nilang inalok si Alice na lumipat sa kanila.
“O tignan mo, wala pang tatlong buwan iyang baklang ‘yan dito’y lumalaki na ang ulo. Alagang-alaga mo kasi.” Sumbat ni Hilda sa manugang.
Maya-maya’y biglang tumunog ang doorbell.
“Ayan na ang bagong mag-aalaga sa ‘yo, baby!”
Nagulat na lamang si Monica sa sinabi ng biyenan. Hindi man lamang sila nito kinonsulta.
“Ako po si Cristy. 38 anyos po, may anak na ako at asawa. Nasa probinsya.” Saad ng mukhang inosenteng babaeng galing sa agency.
Nang marinig ang boses nito’y nag-iiiyak na ang baby na si Tracy.
Hindi na maganda ang kutob ni Monica kaya’t tinawagan niya ang asawa upang umuwi ng maaga mula sa opisina.
“Ma! Bakit hindi man lang kayo nagsabi sa aming mag-asawa?” Bungad ni Freddie sa ina.
“Aba! Hindi ba dapat ay magpasalamat ka pa? Kaysa naman bakla ang mag-alaga diyan! Tignan mo si Vivian ngayon, napakaliberated! Ang arte-arte! Manang-mana sa baklang nagpalaki!” Saad ni Hilda.
“Ma! Nakakahiya po. Baka marinig tayo ng mga kasambahay. Dati pong nagtatrabaho ang mga iyan kela Vivian. Mahirap na. Ang babait ng mga taong iyon baka sabihin pa’y hinuhusgahan natin sila. Isa pa, 31 na si Vivian at dalaga. Wala naman pong masama kung mag-damit siya ng sexy.” Pagtatanggol ni Monica sa kababata.
Inis na inis na si Freddie sa ina. Simula kasi nang sumakabilang bahay ang kanilang ama’y lalong naging mahirap itong pakisamahan. Hindi niya rin naman masisi ang ama. Kahit siguro siya ang makapangasawa ng gaya ng ina’y sasawaan at mapupuno rin siya.
Lumipas ang ilang araw, walang tigil ang iyak ni Tracy sa kamay ni Cristy. Tinitiyak naman ng mag-asawa na binabantayan iyon ni Alice.
Panatag na panatag ang loob ng mga ito tuwing si Alice ang nagbabantay sa anak, kabaligtaran ng kanilang pakiramdam kay Cristy.
Sumapit ang gabi at napatulog na ni Monica ang anak kaya’t inilapag na niya ito sa crib at inutusan nang mamahinga si Cristy.
“Ma’am nasa baba po si Ma’am Hilda. Dito daw po siya magdidinner at hihintayin niyang makauwi si Freddie. Ako na po munang bahala kay Tracy. Hindi pa naman ako inaantok.” Wika ni Alice kay Monica.
Kabisado na ni Monica ang biyenan. Alam niyang pumunta lamang ito upang magmasid at pag may nakitang sa paningin niya’y mali ay kukulitin na naman nito ang asawang si Freddie.
Awang-awa na si Monica sa asawa. Alam niyang pagod na ito sa trabaho.
“Ma, kain na po.” Paanyaya ni Monica sa biyenan.
“Oh, Cristy. Bakit iniwan mong mag-isa si Tracy sa taas? Sinong nagbabantay doon?” Tanong ni Hilda.
“Si Alice po. Sabi po kasi ni Ma’am Monica’y magpahinga na ako.” Tila bakas sa boses nitong may halong pagsusumbong.
Pinaakyat naman agad ni Hilda si Cristy at pinatawag si Alice.
“Halika, mag-usap usap tayong tatlo! Doon muna tayo sa restaurant sa may kanto. Para magkalinawan.” Giit ni Hilda.
“Ma, hindi natin basta-basta puwedeng iwan si Tracy!” Saad ni Monica.
“Huminahon ka! Galing agency iyang si Cristy! Hindi ka talaga marunong mag-isip!” Pataray na sagot nito.
Dahil hindi mapakali, habang nasa sasakyan ay itinext ni Monica si Freddie. Binilinan niya ang asawang magmadaling umuwi.
“Alice, kung ako lamang ang masusunod ay gusto kong umuwi ka na sa probinsya. Hindi ako palagay na may kagaya mong nakikita ang apo ko habang lumalaki siya!” Mataas ang boses na saad ni Hilda.
Sa sobrang sama ng loob ay tumayo sa kinauupuan si Alice, hindi na ito nagsalita at tumakbo palabas ng restaurant.
Tumutulo ang luha nito habang tumatakbo pabalik ng bahay ng amo. Balak na nitong hakutin ang kaniyang mga gamit.
Natigilan siya ng may makasalubong na traysikel. Tila sakay noon si Cristy at buhat nito si Tracy!
Hinabol nito ang halos lumilipad nang traysikel, bilang maputik ang daan ay sumadsad ang gulong nito sa matarik na bato at saka tumalsik si Cristy at ang sanggol na si Tracy.
Halos parang bolang sinalo ni Alice ang pobreng sanggol. Awa ng Diyos ay nasalo niya ang bata. Pagbagsak naman niya’y sakto ang ulo nito sa malaking tipak ng bato.
Maya-maya’y nagkagulo na ang lahat.
Napahinto si Freddie sa pagmamaneho upang tignan ang tila aksidenteng nangyari.
Tila pamilyar ang naririnig na tinig ng sanggol. Si Tracy! Agad niyang hinawi ang mga tao at kinarga ang anak. Himalang wala man lamang itong galos. Yakap yakap ito ng duguang si Alice.
Nakita rin niya ang bagong yaya nitong si Cristy. Bali ang leeg nito, dilat ang mata at tila wala nang buhay.
Nagdatingan na ang mga pulis. Agad tumakbo si Monica at Hilda nang makita ang nakaparadang sasakyan ni Freddie sa gilid ng kalsada. Isinugod sa ospital si Alice at Cristy.
Dead on arrival si Cristy. Napag-alamang may record na pala ito ng pananakit ng bata at pagnanakaw sa dating amo.
“Hinabol po iyang babaeng iyan na nakasakay ng traysikel nitong bakla. Ang sabi niya po ay parang “Hinto! Hinto! Parang awa mo na! Huwag mong kunin ang bata!” Hanggang sa pagmamadali nitong traysikel drayber ay tumama sila sa bato at tumaob. Tumalsik po yung baby at sinalo ng bakla. Pagbagsak po niya’y tumama ang ulo niya sa bato.” Saad ng matandang sidewalk vendor na nakasaksi sa pangyayari.
Pahiyang-pahiya si Hilda sa kaniyang anak.
“Ma, kapag may hindi magandang nangyari kay Alice, hindi kita mapapatawad! Pasalamat na lang tayo sa Diyos at ligtas si Tracy!” Hindi na napigilan pa ni Monicang magsalita sa biyenan.
Lumuluha lamang ito sa isang sulok at tila tulala.
Himala namang hindi napuruhan ang ulo ni Alice. Lumabas sa medical nito na wala naman siyang tinamong fracture sa bungo, sadyang napakahaba nga lamang ng sugat nito sa ulo.
Ilang beses din nilang pinatignan si Tracy ngunit maayos naman ang kalagayan nito.
“Patarawarin mo ako, Alice. Naging mapanghusga ako sa iyo. Ngayon ko lamang aaminin. Kaya ako’y galit na galit sa mga bakla’y ipinagpalit ako ng inyong tatay sa isang bading! Ngunit sinampal ako ng katotohanan. Pinakita sa akin ng Diyos na mali ang manghusga ng kapwa. Simula ngayo’y magbabago na ako’t iiwasang makialam sa buhay ninyong mag-asawa. Monica, patawarin mo ako sa lahat ng kasalanang nagawa ko sa iyo.” Humahagulgol na saad ni Hilda.
Niyakap ni Monica ang biyenan. May malalim pala itong pinaghuhugutan.
Ipinasara ni Hilda ang agency na pinagkuhanan niya kay Cristy. Nagbakasyon muna ito sa sa Cebu at nagpasyang doon na lamang mamalagi.
Lumipas ang isang taon, napagalaman ng mag-asawang may nakilala pala itong matandang foreigner at kala mo’y mga teenager ito kung maglambingan sa kanilang mga litrato sa Facebook.
Dapat bang makisangkot ang mga in laws sa paggawa ng desisyon ng anak at asawa nito? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?