Sakripisyo ng OFW
Nakaismid na tumalikod sa higaan si Evelyn, ayaw niyang pakinggan ang sinasabi ng kanyang ama. Paulit-ulit nalang kasi ito.
“Anak, sigurado ka bang ayaw mong sumamang makipaglibing sa Nanay mo?” tanong nito, naramdaman niyang umupo ito sa gilid ng kanyang kama.
“Ayoko nga ho ‘Tay. Makikipag-plastikan lang ako sa mga tao roon.Ano ang gagawin ko? Iiyak iyak na kunwari ay nagdadalamhati kahit na ang totoo ay wala naman akong pakialam?” matalas na wika niya.
“W-Wag ka naman sanang ganyang magsalita Evelyn, nanay mo pa rin iyon. Kaya siya nag abroad ay para sa-“
“Tay, gasgas na ang linyang yan. Kaya nag-abroad para sa akin? Ang sabihin nyo ho, kaya nag abroad ay para sa luho niya! Kita niyo nga, nang makatikim ng pera ay hindi na tayo naalala. Kayo lang rin ang hindi ko maintindihan, matapos ang ilang taon na wala siyang paramdam, nalaman ninyo lang na na-tegi siya sa sakit ay parang walang nangyari kung umakto kayo. Makikipaglibing pa nga! Paalala ko lang ho Tay, iniwan niya tayo!”
Hindi na sumagot ang matandang lalaki at malungkot na lamang na lumabas ng kwarto ng labingwalong taong gulang na dalaga.
Dose anyos lamang siya nang mag-abroad ang nanay niya. Isa itong domestic helper, close na close sila noon pero nagbago ang lahat nang dumalang na ang pagpapadala nito ng sulat. Nakatatak sa isip ni Evelyn na nakalimutan na siya ng ginang.
Palibhasa ay guminhawa na ang buhay kaya nawala na sa isip ang pamilya sa Pilipinas. Ilang taon itong walang sulat sa kanila, hanggang lumalim na nang lumalim ang sama ng loob niya. Nabigla siya nang malamang umuwi ito sa Pilipinas ngunit may sakit na.
Nakamatayan na ng nanay niya ang galit niya rito, ni hindi siya dumalaw sa burol at ito nga, hindi rin siya nakipaglibing.
Makalipas ang pitong taon
Sinamyo ni Evelyn ang hangin sa ibang bansa. Pumanaw na rin ang kanyang ama dalawang taon na ang nakalipas at siya ngayon ay may sarili nang pamilya.
Nagnegosyo sila ng kanyang mister pero hindi maganda ang kita noon, kaya labag man sa kanilang kalooban ay napilitan siyang mag-abroad. Pareho sila ng bansang pinuntahan ng kanyang nanay, domestic helper rin siya.
Bagamat isinumpa niya sa sarili na kailanman ay hindi niya gagawin sa kanyang mag-ama ang ginawa ng ginang sa kanila noon. Magtatrabaho siya para sa pamilya, hindi sa sarili.
Mabait naman ang kanyang naging amo, mag-asawang Lebanese ang mga ito. Isang hapon ay abala siyang namamalantsa ng damit nang lapitan siya ng amo niyang babae.
“Evelyn can you do me a favor?” wika nito.
“Yes madam?”
“My sister is in need of a maid. She has one already but that maid is old, she cannot take care of three kids. Is it okay if you stay at her place for three days only?” wika nito, hirap mag-ingles pero naiintindihan niya naman.
Nagbakasyon raw kasi ang isang kasambahay ng kapatid nito at ang isang natira ay may edad na. Kaya ipapahiram muna siya bilang katulong mag alaga sa mga bata.
Pumayag siya dahil dadagdagan raw ang kanyang sahod. Isa pa, mabait ang kanyang amo kaya tiyak na mabait rin ang kapatid nito.
Nang makarating siya sa kanyang bagong amo ay medyo namangha si Evelyn, ang laki ng bahay! Mayaman pala, kaya maraming katulong.
Sinalubong siya ng Lebanese na babae, “Are you Evelyn? Please come inside, you will meet Martha. She is my maid too, she will orient you with the things that you have to do. I will talk to you later, sorry I am really busy I have to go to work.” nagmamadaling wika nito bago sumakay sa kotse at umalis na.
Pagpasok niya sa loob ay nakilala niya ang matanda nang katulong, natataranta ito kakahabol sa tatlong batang makukulit. Tama, hindi nga kaya nitong mag isa. Sa tingin niya ay lagpas 60 na ang ale, siguro ay ka-edad ng nanay niya kung nabubuhay pa.
Tinulungan niya itong magligpit sa bahay, nang sa wakas ay makatulog na ang mga bata ay nakapagpahinga rin silang dalawa. Napansin niyang kanina pa titig na titig sa kanya ang ginang.
“May dumi ho ba sa mukha ko Manang?” natatawang wika niya, kumakain sila ng pritong saging na niluto nito.
Umiling ito, “Wala naman neng, ano nga ulit ang apelyido mo?” wika nito, tila may inaalala.
“Corpuz ho. Ang asawa ko ay tubong Bicol, pero noong dalaga ako ay Jimenez, bakit ho?”
“M-May kilala kabang Juana?”
Natahimik si Evelyn, kilala nito ang nanay niya?
Nang hindi siya sumagot ay muling nagsalita ang ginang, “Juana Jimenez. Kamukhang kamukha mo kasi, ganyan siya noong nakasama ko rito eh. Sa kabilang bayan nga lang kami noon, magkatabing bahay ang mga amo namin.”
Umiling siya, “Wala. Wala akong kilalang Juana,” pagsisinungaling niya.
“Ganoon ba, akala ko ay kilala mo,” wika nito. Tumanaw sa kawalan at mababakas ang lungkot sa mukha. “Alam mo, kawawa ang kaibigan kong iyon. Minalas iyon sa amo eh, ako lang lagi ang kakwentuhan. Ako pa nga ang pinapakiusapan para maghulog ng sulat tuwing nakakatakas siya. Ika nya, naghihintay ang pamilya niya sa Pilipinas.
Paborito niya ngang ikwento ang anak niya, Nene lang ang tawag niya. Mahal na mahal niya raw ang bata, matalino raw kasi at maganda. Sana kung nasaan man ang anak ni Juana ay alam niya ang hirap ng nanay niya. Kung minsan, hindi pinalalabas ng amo, pinakakain ng dog food. Nang magtangka si Juana na tumakas ay pinalabas ng amo niya na nagnakaw siya kaya nakulong ang kaibigan ko.
Hay, grabeng hirap. Ilang taon siya sa piitan, nangayayat na nga.Nang makauwi sa Pilipinas ay may sakit na. Sana, naalagaan siya ng kanyang pamilya dahil iyon lang naman ang hiling niya bago siya mamaalam rito sa akin. Kumusta na kaya ang kaibigan ko?”
Hindi namamalayan ni Evelyn na tumutulo na pala ang kanyang mga luha. Napahagulgol siya.
Diyos ko po, ni hindi niya pinuntahan ang nanay niya. Ni hindi niya ito nakita bago nawala sa mundo.
Ni hindi niya ito nayakap, ni hindi niya nasabing mahal niya ito at naghintay siya, at nagpapasalamat siya sa pagkayod nito para sa kanila.
Noong gabing iyon ay kinausap ni Evelyn ang kanyang amo, pinayagan naman siya nitong umuwi matapos ang isang Linggo.
Pagkagaling na pagkagaling sa airport ay dumiretso siya sa sementeryo at doon ay nakaluhod na humingi ng tawad sa nanay niya.
“Nay, kulang pa ang bulaklak sa lahat ng kasalanan ko sayo,” humihikbing wika niya.
Labis ang pagsisising kanyang nararamdaman. Umihip ang malakas na hangin at napalingon sa paligid si Evelyn.
“Mahal na mahal kita nanay, salamat sa lahat.”
Grabe ang sakripisyong ginagawa ng ating mga ka-anak na OFW. Ang konsuwelong maibibigay natin ay pagmamahal, suporta at pang unawa. Dahil hindi biro ang malayo sa pamilya, mapalagpas ang ilang Pasko, bagong taon at birthday para lamang mabigyang ginhawa tayong narito sa Pilipinas.