Inday TrendingInday Trending
Lulong sa Casino ang Nanay Ko

Lulong sa Casino ang Nanay Ko

“Karmen, may sakit daw sa baga ang nanay mo. Baka gusto niyo namang asikasuhin! Sakin pa nanghihingi pangpa-x ray samantalang kayong mga anak ang nakakaalwan sa buhay!” inis na ika ng tiyahin ni Karmen sa telepono.

“Ano po? May sakit po si mama? Saka nanghihingi po sa inyo? Kakapadala ko lang po sa kanya tita.” mahinahon niya namang sambit.

“Malay ko! Basta sana silip-silipin niyo naman ang nanay niyo. Baka isang araw magulat na lang kayo wala nang buhay yon!” sambit ng babae sabay baba ng telepono.

Isa sa apat na magkakapatid si Karmen, lahat sila ay may sari-sarili nang pamilya. Ang dalawa ay nasa ibang bansa habang siya at ang bunso niyang kapatid ay nasa Maynila. Ang kanilang ina ay nasa Cavite, kung saan sila naninirahan dati. Limang taon na rin noong simula nang ma-biyuda ang ginang.

Wala naman itong sinasabi sa kanila tungkol sa sakit nito sa baga. Kaya laking gulat ng magkakapatid noong minsang sabihin iyon sa kanila ni Karmen sa isang video call.

“Ate, baka pwede puntahan niyo muna ni bunso si Mama, tapos balitaan niyo kami agad. Handa naman ngmagbigay ng pera kung sakaling kailangan talaga, nakakahiya tuloy kay Tita, eh may pinapadala naman tayo, diba?” pagtataka ni Jon, pangalawa sa magkakapatid.

“Hayaan niyo na, basta babalitaan ko kayo agad. Bunso, puntahan natin si Mama bukas ha. Samahan natin magpa-check-up.” ika ni Karmen, sabay baba ng tawag.

Kinabukasan, nagtungo nga ang magkapatid sa bahay nila sa Cavite, ngunit wala doon ang matanda. Nagtanung-tanong sila sa kanilang mga kapit-bahay at ang kadalasang sabi ng mga ito, “Baka nanghingi ng pangpa-check-up sa munisipyo.” na labis naman nilang ikinadismaya.

“Ate, nagpapadala naman tayong apat kay Mama ha, bakit kailangan niya pa manghingi kung kani-kanino? Nakakahiya sa mga tao, sabihin na lang nila na pinabayaan natin ang Mama.” naiinis na sambit ng bunso niyang kapatid.

“Kumalma ka dyan. Hintayin natin si Mama para maliwanagan tayo.” tipid na ika ni Karmen, halatang naiinis na rin ito.

Hinintay nga nila ang kanilang ina sa bahay at pagkalipas ng ilang oras, dumating na rin ito. Gulat na gulat ang ale dahil naroon ang dalawa sa kanyang mga anak.

“O, akala ko’y nakalimutan niyo na ang direksyon papunta dito.” birong may laman ng kanilang ina, agad naman nila itong nilapitan at niyakap.

“Ma, balita naman may sakit daw kayo sa baga? Nanghingi ka daw ng pangpa-x ray kay Tita.” diretsang sambit ni Karmen dahilan para kumunot ang noo ng ale.

“Nagsumbong pa rin pala ang magaling kong kapatid.” ika nito habang naghuhubad ng sandals.

“Mama, bakit hindi mo sinabi samin? Bakit sa iba ka pa nang hihingi? May pera naman kaming pinapadalang apat ha? Paanong hindi kayo makakuha ng pang pa-check-up niyo doon?” sunod-sunod na tanong ng bunso dahilan para magpanting ang tenga ng kanilang nanay.

“Gusto niyo talagang malaman? Yung mga pinapadala niyo ginamit ko sa casino para malibang-libang naman ako! Sobrang lungkot ko dito! Tapos kayo may mga cellphone naman kayo ni hindi niyo ako matawagan! Nababalitaan ko na lang kung saan saan kayo nakakapunta tapos ako hindi niyo man lang mabisita?

Tingin niyo sapat yang pera niyo para lumigaya ang nanay niyo? Ngayon, kahit malaki ang pinapadala niyo, sapat lang yun pangbayad sa utang ko sa casino! Kaya wala akong pang pa-check-up, ano masaya na kayo?” nanggagalaiting ika ng ale saka ito inatake ng matinding pag-ubo, noong una ay tahimik at mangiyak-ngiyak lamang sila Karmen sa mga narinig ngunit tila lumalala ito at hindi na makahinga ang kanilang ina kaya dinala na nila ito agad sa ospital.

Agad na ipinagbigay alam ni Karmen sa mga kapatid sa ibang bansa ang kanilang nalaman. Agad namang nagpasiyang umuwi sa Pilipinas ang dalawa. Nalaman rin nilang may kalalaan na ang sakit ng kanilang ina.

Ilang araw ang lumipas, dumating na ang dalawang kapatid ni Karmen at doon humingi sila ng tawad sa ginang, iyak naman nang iyak ang matanda.

“Alam ninyo, ang saya-saya kong kumpleto tayo ngayon. Pasensya na kayo kay Mama ha, may babayaran pa tuloy kayo sa casino bukod sa bill ko dito sa ospital.” mangiyak-ngiyak na anang ale habang pinagmamasdan ang mga anak sa gilid ng kanyang kama.

“Ayos lang iyon Ma, ang mahalaga ay unti-unti kanang gumagaling. Napagdesisyunan nga rin pala namin na isama kana sa States kung sasang-ayon ka.” alok ni Jon na mas lalo pang nagpaiyak sa kanilang nanay.

Totoo nga namang wala sa pera ang tunay na ligaya kundi nasa isang buong pamilya.

Advertisement