Binalak Lasunin ng Lalaki ang Sariling Ina Para Makuha ang Padala ng Kapatid, Mas Mautak Pala sa Kanya ang Matanda
Panganay si Mark sa dalawang magkapatid, ang bunsong si Sophia at maganda na ang buhay sa States bagamat dalaga pa naman ito. Siya naman ay may sarili nang pamilya, dito sila nakatira ng misis niya sa bahay ng kanyang nanay. Katwiran niya, wala na namang kasama ang matanda kaya sasamahan na nila.
Pero ang totoo, kaya sila rito tumira ay para makinabang sa padala ng kapatid. Isa pa, instant katulong na rin nila ang nanay niya. Ang sarap sarap ng buhay nila ng misis niyang si Jane dahil wala na silang ibang iniintindi. Nagkaroon lang ng problema nang magkasakit na ang matanda.
“Hello kapatid? Oo! Wag kanang umuwi rito, ayos na ako. Ako na ang bahala kay mama, hindi ko sya pababayaan. Ang ate Jane mo na ang nagpapaligo sa kanya. Basta wag lang papalya sana yung padala mo kasi pinangbibili namin ng gamot nya ha?” sabi ni Mark sa telepono. Napalingon pa siya sa nakasimangot na misis.
Nang matapos ang tawag ay agad siyang kinompronta ni Jane, “Anong pinagsasabi mong ayos dyan kay Sophia ha? Hindi ayos! Ayokong mag alaga ng nanay mo ha! Tignan mo nga, tambak ang labahin kasi di sya makapaglaba, pakiramdam ko umaarte lang ang matandang yan!”
“Di ka talaga nag iisip ano? Pag umuwi si Sophia mapapatalsik tayo rito sa bahay, putol pa ang padala! Pagtyagaan nalang natin yang matanda, tutal eh hindi pa naman sya baldado, hirap lang tumayo,” sabi ni Mark at hinimas himas pa ang balikat ng nakangusong asawa.
“Nahihirapan na kasi ako rito sa bahay sweetie pie. Tapos yung perang padala ni Sophia napupunta lang sa gamot ng nanay nyo, eh ang tagal nya namang mamatay. Sabi mo nga, malakas pa, hirap lang maglakad. Tignan mo nga ang damit ko, luma na o. Ni hindi ako makabili ng bago.” pag iinarte ni Jane kahit ang totoo ay noong isang linggo lang nabili ang damit niya.
Biglang nakaisip ng ideya si Mark. “Magkano ang lason?” tanong niya sa misis, nang magkatinginan sila ay pareho silang napangiti. Unti unti nilang lalasunin ang matanda para sa kanila na ang bahay, at dahil palalabasin nila kay Sophia na sila ang nag alaga, maaawa ito at bibigyan sila ng perang pang negosyo. Bukod doon, mas mura ang lason kaysa sa maintenance na gamot ng matanda.
Ilang araw ang lumipas at iyon ang iniiwan nilang gamot sa tokador ng nanay ni Mark, pagkakatingin naman nila ay wala na iyon at tila nainom na, naghintay nalang sila na manghina ito.
Makalipas ang ilang linggo ay nagulat si Mark na wala ang matanda sa higaan, bale ba ay kauuwi lamang nila galing sa mall dahil nagpadala si Sophia. Pinaghanap nila ito sa buong barangay pero wala.
“Ano ka ba? Wag ka nang mag alala, baka tumakas iyon tapos nag ulyanin tapos namatay na somewhere dahil tumalab na ang lason,” sabi ng misis niya. Kinakabahan kasi si Mark dahil nagri-ring na ang telepono at tiyak niyang si Sophia iyon.
“H-hello? Utol? Ano, tungkol kay nanay.” bwelo niya.
“What about nanay kuya? Nakainom na ba sya ng gamot?” tanong nito sa kabilang linya.
“Yun nga eh, ano.. wala na siya,” nasabi niya nalang bigla.
“What?! S-sayang, bale ba ay narito na ako sa Pilipinas at sosorpresahin ko sana kayo.” malungkot na sabi nito sa kabilang linya.
“Ha? nasaan ka?!” kinakabahang tanong niya.
Sinabi ng babae ang hotel na kinaroroonan nito, “Punta kayo rito. Pag usapan natin ang bahay. Ayos lang yan, dyan na rin naman ang punta ni nanay.”
Nakahinga nang maluwag si Mark, buti nalang ay di na nag usisa pa ang kapatid. Masaya niyang ibinalita sa misis ang pag uusap at napangiti rin ito.
“Sabi ko sayo eh! Excited na ako sa pera, di na naman makakauwi ang matandang iyon!”
Dali dali silang bumyahe at pinuntahan ang hotel na kinaroroonan ng kapatid. Grabe, ang gara. Yaman na talaga ni Sophia. Kumatok sila sa pinto at sinalubong sila ng babae.
Todo drama naman silang mag asawa at may paiyak-iyak pa si Jane.
“Di ko akalaing magkakaganoon ang nanay, napamahal na sya sa akin dahil ako na ang nagpapaligo sa kanya pag wala ang kuya mo,” sabi nito.
Tumango naman si Sophia, “Tungkol pala sa bahay kuya, bahala na kayo ni Ate Jane kung gusto nyong tumira roon, pero may ipapakita muna ako sa inyo,”
Nagkatinginan ang mag asawa, eto na, pera na! Pag sinuswerte ka nga naman.
Tumayo ito at iginiya sila sa isang kwarto.
“Ikaw naman, nag abala kapa. Dapat hindi kana bumili ng pasalubong-” hindi na natapos pa ni Mark ang sasabihin nang makita kung sino ang nakaupo sa kama.
Ang nanay niya.
“N-nay!” sindak na sabi ni Mark.
“Narinig ni nanay ang plano nyong lasunin siya kaya di nya iniinom ang binibigay nyo. Lumpo lang siya, hindi bingi at tanga! Tinawagan nya ako kaya naasikaso ko agad ang papers ko, at noong nagpadala ako para umalis kayo, kinuha ko na sya sa bahay. Napakasama nyo kuya!” galit na galit na sabi ni Sophia.
Bago pa nakasagot ang mag asawa ay pinosasan na sila ng mga pulis na kanina pa pala naroon. Kahit anong pagmamakaawa nila ay di na magawa ni Sophia na pagbigyan pa sila dahil pinagtangkaan nila ang buhay ng sariling ina.
Magsisi man ang dalawa ay wala na silang magagawa kundi humimas na lamang sa malamig na rehas ngayon.