Inday TrendingInday Trending
Para sa Ikabubuti Naming Mag-iina

Para sa Ikabubuti Naming Mag-iina

Madaling araw pa lamang ngunit nagtipon-tipon na ang mga mamamayan ng Barangay San Ildefonso sa tapat ng bahay ng pamilya Madrigal. Ang malakas na tunog ng sunod-sunod na sasakyan ng mga pulis ang gumising sa kanilang lahat.

“O Diyos ko! Naparaan lamang ako sa kanilang bahay upang mag-deliver ng lugaw at tokwa. Laking pagtataka ko dahil karaniwan ay gising na ang ilaw ng kanilang tahanan na si Tessa, ngunit ilang minuto na akong kumakatok e wala pang sumasagot,” umiiyak na kwento ng ginang na araw-araw ay nagdadala ng agahan sa mag-iina bilang parte ng kanyang negosyo.

“Kaya naman napagdesisyunan ko nang pumasok gaya ng dating gawi. Halos matumba ako sa gulat at hinagpis nang bumulaga na lamang sa akin ang mag-iinang wala nang buhay at magkakasamang nakahiga sa kanilang sala,” hindi na makahinga ang ginang habang ikinukwento sa mga pulis at taumbayan ang kanyang nasaksihan.

Hindi makapaniwala ang mga tao. Kilalang napakabuting ina nitong si Tessa at wala naman silang kilalang kaaway doon sa lugar na iyon. Gayunpaman, wala rin silang iba pang kamag-anak doon dahil mula nang mag-asawa si Tessa ay doon na sila tumira. Magmula nang iniwan sila ng babaerong asawa ni Tessa, siya na lamang ang tumayong ama’t ina sa dalawa niyang anak na si Katie at Jerome.

Samu’t saring ispekulasyon ang naisip ng mga ka-barangay ng mag-iina.

“Baka pinasok sila ng magnanakaw! E baka natunugang wala silang kasamang lalaki sa bahay kaya naman naisipan silang pasukin,” wika ng isa.

“Pagnanakawan? E wala namang masyadong makukuha sa kanilang bahay. Baka naman pinagsamantalahan si Tessa? Kahit na pagod na pagod iyon sa pagtatrabaho ay hindi mapagkakailang maganda at kabigha-bighani pa rin siya,” sabad naman ng isa pa.

“Nako! O ‘di kaya naman e pinasok sila ng mga sindikatong nangunguha ng lamang-loob ng mga bata! Mahal daw iyon kapag binenta e,” pakiwari naman ng isa.

“Alam ninyo? Mas makabubuting hintayin na lamang natin na matapos ang imbestigasyon ng pulisya. Ang pagkakarinig ko ay pinaghahahanap na rin daw ang dating asawa ni Tessa dahil siya lamang ang may motibong gawin ang karumal-dumal na krimeng iyon. Nitong nakaraan kasi ay nakakwentuhan ko si Tessa. Ang sabi niya sa akin ay nahihirapan na siyang humingi ng sustento sa dati niyang asawang si Antonio,” humihikbing sabi ni Emilia, isa sa mga kaibigan ni Tessa sa kanilang baranggay.

“At isa pa, ipagdasal na lamang natin muna ang mga kaluluwa nila,” dagdag pa nito.

Hindi naman nahirapan ang mga pulisya sa pagtunton sa dating asawa ni Tessa na si Antonio. Agad itong dinala sa presinto upang mahingan ng pahayag bilang isang pangunahing suspek.

“Antonio, magtapat ka. Sa imbestigasyon, ikaw lamang ang nakikitang maaaring makagawa ng krimeng ito. Nahalungkat din namin sa mga mensahe sa cellphone ng biktima na nag-aaway kayo nitong mga nakaraang araw dahil sa pagbibigay ng sustento sa mga bata. Baka naman kaya mo nagawang kitilin ang buhay ng mag-iina para wala ka nang aalalahanin pa?” mapamintang na sabi ng imbestigador kay Antonio.

“H- ha?! Ano ho?! Kahit pa may iba na akong pamilya, napakasakit para sa akin na mabalitaan ang nangyari sa kanila! At kahit pa nag-aaway kami, hinding-hindi ko ‘yon kayang gawin sa kanila. Lalong-lalo na sa mga bata! Dugo’t laman ko sila,” naghihinagpis at halos maglupasay na sa sahig na sagot ni Antonio.

Patuloy na nilitis si Antonio dahil maaaring palusot o alibi lamang ang kanyang mga sinasabi. Ngunit natigilan ang kanilang pag-uusap sa presinto nang biglang dumating ang isang pulis dala ang isang napakabigat na balita.

“Sir, nagsasabi po siya ng totoo. Alam na po namin kung sino ang nagkasala. Nakakalap na tayo ng matibay na ebidensiya,” seryosong sabi ng binatang pulis at saka ipinakita ang ilang larawan sa dala niyang cellphone.

Napatakip naman ng bibig ang imbestigador. Hindi niya akalain kung sino ang salarin sa pagkawala ng buhay ni Tessa at ng dalawa nitong anak.

“Si- sigurado kayo?” pagsisiguro ng imbestigador. Nakumbinse na siyang tuluyan nang makita ang lahat ng mga larawan.

Sa mahigit walong oras na pag-iimbestiga, nakita ang sandamakmak na bote ng sleeping pills sa ilalim ng sofa ng mag-iina. Ngayon ay kasalukuyang ino-autopsy ang katawan ng tatlong biktima.

Bukod pa rito, isang envelope mula sa isang hospital ng kanilang nakita. Nakasaad doon na napag-alamang may Tuberculosis ang inang si Tessa, at pati na rin ang dalawang anak nito. Isang sulat rin ang iniwan ni Tessa na nakatago sa loob ng kanyang bulsa.

“Para sa mga taong makakabasa nito,

Sana ay mapatawad pa ako ng Diyos sa ginawa kong ito para sa aming mag-iina. Dalawang buwan na magmula nang malaman kong may Tuberculosis ako at ang aking dalawang anak. Sinubukan kong humingi ng tulong sa taong tanging mahihingan ko, ang dati kong asawang si Antonio, ngunit pinagbinatangan niya lamang ako na nagsisinungaling at ginagamit ang sakit na ito para makahuthot ng malaking pera sa kanya.

Wala na akong ibang malalapitan. Alam ng lahat na wala na akong kamag-anak at mga kaibigan. Alam ko rin na hindi nakaluluwag sa buhay ang aking mga kapitbahay, kaya naman hindi ko na sinubukang humingi pa ng pinansyal na tulong sa pagpapagamot sa aming mag-iina.

Araw-araw ay nakikita ko kung gaano naghihirap ang dalawang bata nang dahil sa aming sakit. Wala akong magawa dahil tinanggal na rin ako sa trabaho nang malaman nila ang tungkol sa nakakahawang sakit ko.

Kaya naman nagawa ko ang bagay na ito. Patawarin niyo sana ako, at patawarin sana ako ng Diyos sa ginawa kong pagkitil sa buhay ko at sa buhay ng mga anak ko. Ayaw ko lamang humaba pa ang paghihirap naming tatlo.

Hanggang sa muli. Paalam.

Tessa”

Nanlambot ang mga tao nang malaman na si Tessa ang kumitil sa buhay nilang mag-iina. Kilala rin kasing mahina ang loob nito sa pagharap sa pagsubok sa buhay. Kaya naman nang iwan ni Antonio ay lalong lumala ang kanyang ganoong pag-uugali.

Halos mabaliw naman sa pagkakonsensya si Antonio nang dahil sa pagtanggi na tulungan ang kanyang mag-iina na magpagamot. Para sa kanya, simpleng tuberkulosis lamang iyon na maaari pang madaan sa mga gamutan. Ngunit para pala sa kanyang dating asawa ay iyon na ang senyales na dapat na niyang wakasan ang buhay nilang mag-iina.

Alam ng lahat ng tao na mali ang ginawa ni Tessa. Ngunit para sa babae, iyon na lamang ang sagot sa lahat ng problemang pinagdadaanan nilang mag-iina. Laking panghihinayang lamang ng kanilang mga kapitbahay dahil kung nalaman lang nila ang sitwasyon ng tatlo ay hindi naman sila mag-aatubiling tulungan ito.

“Hindi ko nakita sa mga mata niya ang matinding pinagdadaanan niya. Palagi siyang nakangiti at palatawa, kaya akala ko ay masaya siya. Sa ngayon, ipanalangin na lamang natin na sumalangit ang kaluluwa ng mag-iina,” umiiyak na pahayag ng kaibigan ni Tessa na si Emilia sa araw ng libing ng mag-iina.

Advertisement