Inday TrendingInday Trending
Ganito Lamang Kami

Ganito Lamang Kami

Isang taon nang magkasintahan si Rachel at Jake ngunit kahit isang beses ay hindi pa nakakapunta ang binata sa bahay ng kanyang nobyo. Hindi pa rin niya nakikilala ang mga magulang ng babaeng pinakamamahal niya.

“Babe? Nakapag-anniversary na tayo. Alam mo namang sobrang seryoso ako sa’yo, at siguro naman sa isang taon ng pagmamahalan natin ay napatunayan ko na sa’yo kung gaano kita kamahal. Bakit hindi pa rin ako pwedeng pumunta sa inyo?” paglalambing ni Jake sa kanyang nobya nang sila’y kumain sa isang restawran.

“Heto na naman ba tayo? Saka na kasi, babe. Please,” muling pakiusap ni Rachel sabay yakap ng mahigpit sa nobyo. Tulad ng dating gawi ay dinadaan niya sa paglalambing at pang-aakit ang nobyo upang makalimutan na nito ang kanyang pamimilit.

Nagkakilala ang dalawang ito sa isang coffee shop na pinagtatrabahuhan ng dalaga. Una pa lamang makita ni Jake ang binibini ay agad na itong nabighani. Apat na buwan niyang masugid na niligawan ang dalaga, at sa wakas ay nakamit niya ang matamis nitong oo.

Mula noon, naging napakaganda ng kanilang pagsasama. Pakiramdam nila ay talagang itinadhana sila para sa isa’t isa dahil lahat na lamang ng hilig ni Jake ay hilig din ni Rachel. Lahat ng bagay ay napagkakasunduan nila. Katunayan, sila nga lang ata ang magkasintahang halos hindi nag-aaway.

Ang tanging bagay na madalas nilang pagtaluhan ay ang pagpipilit ni Jake na magpakilala sa mga magulang ng dalaga at mapuntahan ang bahay ni Rachel.

Isang hapon, sinundo ni Jake si Rachel mula sa trabaho gamit ang kanyang bagong linis na sasakyan.

“Babe, gusto mong kumain muna sa labas bago kita ihatid sa sakayan? May bagong bukas daw kasi na Pizza Parlor diyan sa may intersection,” paanyaya ni Jake.

“Nako babe, sorry, babawi na lang ako sa susunod. Birthday kasi ni mama ngayon kaya maaga akong uuwi. Ayos lang bang samahan mo na lang muna akong bumili ng pagkain na iuuwi ko sa bahay? Saka mo na lang ako ihatid sa sakayan pagkatapos,” sagot ng dalaga.

Mabilis namang naintindihan ni Jake ang sinabi ng dalaga. Gayunpaman, bigla niyang naalala ang sinabi sa kanya ng kaibigan noong isang araw nang sila’y magkakwentuhan. Anito, baka raw may itinatagong lihim si Rachel kung kaya’t ayaw na ayaw nitong magpapahatid sa kanila.

Ang kinatakot ni Jake ay baka may ibang lalaking inuuwian ang pinakamamahal niya! Kaya naman sa oras na iyon, desidido siyang palihim na sundan si Rachel sa pag-uwi nito sa kanilang bahay.

Noong una’y walang problema si Jake sa pagsunod sa sinasakayan ng dalaga. Ngunit nang makababa ito ng jeep at sumakay ng de-padyak na traysikel, nahirap na siyang ipasok ang sasakyan dahil sa kipot ng daan patungo sa pupuntahan ni Rachel.

Napilitan si Jake na iwan muna ang kanyang sasakyan sa isang pampublikong parking lot at sumakay rin ng traysikel na de-padyak upang sundan si Rachel.

Laking gulat niya nang biglang huminto ang sinasakyan ng kanyang nobya sa harapan ng isang tagpi-tagping bahay. Gawa sa luma at kinakalawang na yero, pinagtagpi-tagping kahoy na karamihan ay puro anay na, at ang lapag ay puro putik pa.

Napatigil siya sa pag-oobserba nang biglang marinig ang sigaw ni Rachel.

“Jake?! Anong ginagawa mo rito? ‘Di ba sinabi kong ‘wag na ‘wag kang pupunta rito sa’min?!” pumipiyok pang sigaw ni Rachel. Halata sa kanyang mukha ang labis na pagkahiya sa nobyo.

“B- babe, heto ba ang dahilan kung bakit ayaw mo akong papuntahin sa inyo?” uutal-utal na tanong ni Jake.

“Ano pa bang magagawa ko, e nandito ka na?! Oo! Kasi, mahirap lang kami! Hindi lang mahirap, sadlak sa kahirapan! Matagal kong tinago ito kasi takot na takot ako na baka iwan mo ako nang dahil sa pagkakaiba ng estado natin sa buhay,” nagsimula nang lumuha si Rachel sa harapan ng kanyang nobyo.

“Ngayong nakita mo na na mahirap lang ang babaeng minamahal mo, sige! Makakaalis ka na! Break na tayo!” dagdag pa nito.

At dahil sa squatter’s area nga nakatira ang dalaga, dumarami na ang mga kapitbahay nilang nakikiusyoso sa sagutan ng dalawa.

Nag-iba ang ihip ng hangin nang bigla na lamang tumawa ng malakas si Jake at saka tumakbo papalapit sa dalaga at niyakap ito nang mahigpit.

“Ang baby ko, parang bata! Ano naman kung hindi kasing yaman ng pamilya ko ang pamilya mo? Babe naman, hindi teleserye ang buhay natin. Hindi naman matapobre ang mama’t papa ko. Kilala mo naman na sila e,” paliwanag ni Jake habang hinihimas ang likod ng dalaga upang mapatahan na ito.

“Sa totoo lang, ang luwag nga ng dibdib ko dahil nalaman kong ganitong kasimpleng bagay lang ang inililihim mo. E akala ko pinagtataksilan mo na ako e,” dagdag pa ni Jake.

Biglang hampas naman ni Rachel sa nobyo.

“Baliw! Mahal na mahal kaya kita. Hinding-hindi kita ipagpapalit sa kahit na sino. Mayaman man ‘yan o mahirap,” sagot ni Rachel na unti-unti nang nahihimasmasan.

Natigilan ang pag-uusap ng dalawa nang bigla na lamang dumating ang ama’t ina ni Rachel. Tumatakbo ang dalawa ng mabilis na tila ba labis ang pagmamadali.

“Ikaw ba si Jake? Ikaw ang nobyo ng anak namin, hindi ba?” sambit ng ama ni Rachel na hinihingal sa pagtakbo.

Alam pala ng mga magulang ni Rachel ang lahat tungkol sa kanyang nobyo. Sadyang nahihiya lamang siya sa kanilang estado at natatakot na iwan siya ni Jake kapag nalaman na mahirap lamang sila. Pero maski ang simpleng malalambing na pangako ni Jake ay madalas na naikukwento ni Rachel sa kanyang ama’t ina. Kilala na rin nila ang binata nang dahil sa mga larawang ipinapakita ni Rachel sa kanila.

“Ah… Eh… Ako nga po,” utal-utal na sagot ni Jake.

“Bakit po, mama at papa? Bakit hingal na hingal kayo?” ani Rachel.

“May magarang sasakyan doon sa kanto na pinagdidiskitahan ng mga loko-lokong batang magnanakaw e! Kinukuha ang mga gulong at side mirror para ibenta!” balita ng ina.

Lalong nalugmok sa pagkahiya si Rachel nang dahil sa narinig. Bigla na lamang itong kumaripas ng takbo papunta sa kanto, na siya namang sinundan ni Jake at ng ama’t ina ng dalaga.

“Hoy! T*rantado talaga kayo! Tigilan niyo ‘yan! Kaya hindi tayo umuunlad e. Tigilan niyo ‘yan!” sigaw ni Rachel sabay hagis ng malalaking tipak ng bato mula sa sahig.

Gulat na gulat naman si Jake dahil hindi niya sukat akalain ang tapang na taglay ng kanyang nobya.

Kumaripas ng takbo ang mga bata at hindi natuloy ang pagkuha ng kahit anong parte ng sasakyan ni Jake. Hiyang hiya si Rachel at ang pamilya nito sa nangyari, ngunit tinawanan lang muli ni Jake ang pangyayari.

“Huwag po kayong humingi ng paumanhin! E kung hindi po ‘yon nangyari, ‘di ko po masasaksihan ang pagka-maton ng girlfriend ko!” natatawang sambit ng binata.

“T- tayo pa rin ba? Mahal mo pa rin ako sa kabila ng lahat ng ito?”

“Mas lalo kitang minahal, Rachel. Kaya pala napakasipag mo sa pagtatrabaho. Sana lang ay hindi mo ako pinaglihiman, dahil kailanman ay hindi kita huhusgahan,” aniya.

“Nako! Naglambingan na! O siya, Jake, kung gusto mo e sumabay ka na sa amin sa pagkain,” paanyaya ng ina ni Rachel.

Tuwang-tuwa naman si Jake. Simula nang araw na iyon ay halos araw-araw na niyang hinahatid at sinusundo ang nobya. Hindi naging problema sa kanya ang estado nito sa buhay, dahil katunayan ay mas lalo pa niya itong minahal nang dahil dito.

Ilang taon ang lumipas at inalok na ng kasal ni Jake si Rachel. Matapos ang enggrandeng kasalan, binilhan din ni Jake ng sariling bahay sa ibang lugar ang mga magulang ng kanyang asawa. Para na rin iyon sa ikapapanatag ng loob ni Rachel.

Magmula noon ay hindi na nagtago ng kahit ano pang sikreto si Rachel mula sa kanyang asawa. At dahil doon, naging napakasaya ng kanilang pagsasama dahil napuno ito ng tiwala, pagmamahal, at respeto sa isa’t isa.

Advertisement