Inday TrendingInday Trending
Dahil Lang sa Babae, Kuya?

Dahil Lang sa Babae, Kuya?

Sobrang close na magkapatid ni Harry at Miguel, kung nasaan ang isa ay naroon rin ang isa. Dalawa lamang silang magkakapatid kaya natural lang naman iyon.

Ngunit isang araw ay bigla silang nagkatampuhan dahil sa isang babae.

“Hindi ba alam mo naman na mahal ko si Laura? Bakit noong pinakitaan ka ng motibo ay pinatulan mo?” galit na wika ni Harry kay Miguel.

“Pinilit ko namang iwasan kuya. Pero makulit si Laura at sinabi niyang ako ang gusto niya,” paliwanag naman ni Miguel sa kapatid na nanggagalaiti na sa galit.

“Hindi Miguel e, para mo akong sinaksak patalikod!”

“Kuya, alam mo naman na buong istorya ‘di ba? Alam mo rin na pinilit kong iwasan si Laura para sa’yo.”

“Pero hanggang ngayon ay ikaw parin ang nilalapitan niya!”

“Hindi ko na kasalanan ang bagay na iyon!” hindi na rin napigilan ni Miguel ang pagtaasan ng boses ng kapatid.

Hindi na ito muling nagsalita, sa halip ay nilayasan na lamang siya nito. Mas maigi na rin iyon upang magkaiwasan sila ng init ng ulo. Napupuno na rin kasi siya dahil hindi nito maintindihan na hindi ito gusto ni Laura, hindi naman niya pwedeng pigilan ang babae kung sadyang siya ang nais nito kaysa sa kuya niya.

Ang dating closeness nila ni Harry at Miguel ay biglang nagkaroon ng lamat. Dahil hindi na sila katulad noon na laging magkasama at magkaramay, ngayon ay mas madalas nang kasama ng kuya niya ang barkada nito.

Isang araw ay bigla siyang nilapitan ni Laura.

“Hi Miguel, may projects kana ba sa Math?” nakangiting tanong nito.

“Wala pa, ikaw?”

“Wala pa rin. Gusto mo sabay na tayong mag-aral?” aya nito na agad niyang tinanggihan. Ngunit nagpumilit si Laura kaya wala siyang magawa kundi isama ito sa library.

Lingid sa kaalaman nila na may galit na galit na dalawang pares ng mga mata ang nakatingin sa kanila habang magkasabay na naglalakad patungo sa silid aklatan.

Natapos na rin silang gawin ni Laura ang assignment nila sa Math. Kaya naman ngayon ay nagliligpit na sila upang makauwi.

“Ihahatid pa ba kita Laura? Medyo gabi na rin kasi at mukhang delikado na ang dadaanan mo,” concerned na wika ni Miguel.

“Okay lang ba kung sumabay nalang ako sa’yo? Tutal pareho lang naman tayo ng dadaanan e kaya lubus-lubosin ko nalang ang favor ko sa’yo Miguel,” matamis na ngumiti si Laura kaya ngumiti nalang din si Miguel.

“Sige walang problema,” aniya at sabay na nga silang naglakad palabas ng school.

Masayang nag-uusap si Miguel at Laura habang naglalakad pauwi nang bigla nilang nakasalubong ang kuya niya. Agad siyang ngumiti nang makita ito.

“Kuya Harry,” masayang tawag niya sa pangalan ng kapatid.

Hindi ito gumanti, sa halip ay dire-deretso lamang itong maglakad sa gawi niya at biglang yumakap. Noong una ay hindi niya maramdaman ang hapdi nang may tumusok sa may tagiliran niya. Ngunit habang tumatagal ay nararamdaman na niya ang sakit nang dulot ng paghiwa ng kanyang laman. Nang humiwalay ito ay mas lalo iyong kumirot, na parang humihila sa lahat ng mga ugat niya.

“K-kuya–”

Saka lang niya namalayan na sinaksak pala siya nito ng matalim na kutsilyo nang biglang sumigaw si Laura.

“M-May dugo! Tulong!” natataranta nitong sambit habang turo-turo ang sugat ni Miguel.

“K-kuya..bakit? K-kapatid mo ako..”

Sabay ng pagkatumba ni Miguel ay nabitawan naman bigla ni Harry ang hawak-hawak na kutsilyo, biglang natauhan sa ginawa.

“M-miguel?” mahinang sambit ni Harry.

“Miguel!” sigaw naman ni Laura. “Tulong! Tulungan niyo kami!” umiiyak nitong sabi habang pilit pinipigilan ang dugong tumatagas sa sugat ni Miguel.

Agad namang gumalaw si Harry upang buhatin ang kapatid at itakbo sa hospital, habang si Laura ay panay ang iyak na nakasunod sa kanila. Nang masigurong ligtas na ang kapatid ay kinausap niya si Laura.

“Tawagan mo ang mga magulang namin,” aniya sabay abot ng kapirasong papel na sinulatan niya ng numero.

“S-sasabihin ko ba sa kanila?”

“Oo. Mas maiging sabihin mo sa kanilang kasalanan ko ang nangyari sa kapatid ko.” mangiyak-iyak niyang wika.

Nang masigurong ligtas na si Miguel ay saka siya umalis upang dumiretso sa presinto. Kusa siyang sumuko sa pulisya habang panay ang iyak, dahil sa labis na pagsisisi sa nagawa. Paano kung natuluyan ang kapatid niya? Baka pat*yin nalang din siguro niya ang sarili.

Dahil sa labis na galit at selos ay nagawa niya iyon sa kanyang kapatid. Ang kanyang little brother na kasangga at kakampi niya noon- ang pinangakuan niya na poprotektahan at ipagtatanggol, siya pa pala ang unang mananakit. Humahaguhol siya habang isinasalaysay sa mga awtoridad ang totoong nangyari.

Makalipas ang tatlong buwan sa bilangguan

“O, Harry may dalaw ka.”

Hindi pa siya makapaniwala na mayroon siyang dalaw. Sa nakalipas na tatlong buwan ay hindi man lang siya pinuntahan ng mga magulang. Naiintindihan naman niya ang bagay na iyon, kaya nakakapagtaka na pumupunta sa kanya ngayon.

“Kuya Harry,” tawag sa kanya ng nakangiting si Miguel.

Nais niyang umatras at bumalik na lamang sa selda. Natutuwa siya dahil maayos na ang kanyang kapatid, naiiyak naman siya dahil namiss niya ang paraan nito ng pagtawag sa kanya at mas higit siyang nako-konsensya dahil may kasalanan siya rito.

Nahihirapan man itong maglakad dahil hindi pa ito masyadong magaling ay pinilit nitong humakbang upang lapitan siya.

“Kuya,” sambit nito at agad siyang niyakap.

“Miguel,” hindi na niya napigilan ang hindi mapahagulhol ng iyak. “Patawarin mo ako Miguel. Sa sobrang galit ko kaya kita nasaksak, patawarin mo ako.”

Tinapik naman siya nito sa likod at saka nagsalita. “Pinapatawad na kita kuya. Basta huwag mo ng uulitin iyon ah, nakakatakot ka,” biro nito.

“Patawarin mo ako Miguel, pangako hinding-hindi ko na uulitin iyon. Labis akong nagsisi noong nakita kitang natumba. Hindi ko kaya, hindi ko kayang mawala ka. Patawarin mo ako,” iyak siya nang iyak dahil sa pagsisising nadarama.

“Tahan na kuya.”

Buti nalang ay natauhan siya. Dahil sa totoo lang, bukod sa pag-ibig na matatagpuan sa ibang tao, wala nang hihigit pa sa pagmamahal na matatagpuan sa tahanan, pagmamahal na walang pag iimbot at pang iiwan- pagmamahal ng PAMILYA.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement