Bata palang ay alam na ni Prince na hindi siya normal at may kakaiba sa kanya. Hindi gaya ng mga kalaro niyang lalaki na mas gusto ang laruang baril-barilan, mas gusto niya ang barbie. Mas nae-engganyo rin siya sa palda kaysa shorts at mas gusto niya ang mahabang buhok.
Nais man niyang gawin ang hiling ng puso niya’y buong lakas naman niya iyong pinipigilan dahil sa kanyang Amang laging ipinapaalala sa kanyang bubugbugin siya nito kapag nakita siyang lalambut-lambot.
Isang araw ay sumama siya sa mga barkada niyang beki, sasayaw kasi ang mga ito sa isang fiesta at nais niyang sumali. Tutal medyo malayo naman ang baryong ito sa bahay nila.
Naghahanda na ang lahat para sa gaganaping sayaw. Seksing damit, full make-up with red lipstick. Inayos pa ng mga ito ang buhok niya upang mas magmukha siyang babae.
“Vakla! Ang ganda-ganda mo, grabe.” masayang papuri ng kasama niyang beki na nag-ayos sa kanya.
“Talaga Girl? Ay, kinilig naman ako,” natutuwa niyang wika. For the first time ay nakita niya ang kanyang totoong ganda.
“Gandara Park!” masayang nagtatalon ang mga kasama niyang beki nang biglang natigilan dahil tinawag ang pangalan niya ng isang lalaking may matigas na boses.
“Prince!” galit na wika ng kanyang Tatay.
Paglingon niya rito ay kulang nalang hilingin niyang sana lamunin na lamang siya ng lupa. Agad itong lumapit sa kanya at pakaladkad siyang hinila mula sa mga kasama. Natakot naman ang mga ito sa Tatay niya kaya walang magawaa ng mga ito, habang may malungkot na tingin sa mga mata.
Pag-uwi sa bahay ay agad siyang inilublob ng Tatay niya sa drum nilang punong-puno ng tubig dahil kaiigib niya lang no’n.
“Babae ka o lalaki?!” matigas na tanong nito.
“Lalaki tay,” malambot niyang wika kaya muli na naman siyang inilublob nito.
“Wala akong anak na binabae! Lalaki ka o babae?!”
Malunud-lunod na siya nang muli nitong iniangat ang kanyang mukha. “Lalaki tay,” pilit niyang pinapatigas ang boses. Ang akala niya ay tapos na ang kalbaryo niya ngunit hindi pa pala dahil sinuntok siya nito ng ubod lakas sa mukha dahilan upang matumba siya sa sahig. Nang hindi pa nagsawa ay muli siyang itinayo nito at sinuntok ulit sa sikmura.
“Para matauhan ka! Uulitin ko, wala akong anak na binabae kaya umayos ka!” anito saka umalis sa harapan niya.
Naiwan siyang naghihina habang umiiyak sa sakit na natamo ng kanyang katawan. Isa ba talagang malaking kasalanan ang maging pusong mamon? Bigla namang kumidlat ang kalangitan at bumuhos ang malakas na ulan. Na para bang nakikiramay ito sa sakit na kanyang nararamdaman.
Simula noon ay lagi na lamang siyang pinag-iinitan ng kanyang Tatay, kaunting mali ay binubugbog siya agad nito. Kapag nakikita nitong lalambut-lambot siya ay agad siyang nakakatikim ng suntok at sipa. Kulang nalang ay itali siya nito at gawing punching bag. Ang lahat ng sakit niya ay iniiyak na lamang niya sa ulan, upang walang makakita at makapansin.
Lumipas ang maraming taon ay bigla na lamang nanghina ang kanyang ama at hindi na makawala sa sariling higaan nang hindi inaalalayan. Matagal nang sumakabilang buhay ang Nanay nila at tatlo lamang silang kapatid- isang tunay na babae, isang tunay na lalaki at siya na alanganin. Ang dalawa ay nasa malayo na at may sarili nang pamilya, kaya sa madaling salita ay siya na lamang ang natira upang alagaan ito.
“Tay, tutulungan ko na po kayong tumayo.” wika niya at akmang lalapitan ito nang matigilan dahil sa sinabi nito.
“Huwag na! Hindi ko kailangan ang tulong mo. Bakit ka pa ba nandito? Dapat umalis kana, ito na ang pagkakataon mo para gumanti sa mga nagawa ko noon sa’yo.”
“Tay naman. Kalimutan na po natin iyon. Matagal nang nangyari ang lahat ng iyon. At saka syempre, tutulungan kita dahil Tatay kita,” aniya at walang anu-ano itong tinulungan upang makatayo.
Kahit medyo naiinis ito dahil sa itsura niyang naka-duster, naka-lipstick at mahaba ang buhok ay hindi na lamang niya pinapansin. Wala nang lakas ang ama upang bugbugin siya ngayon.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay siya ang laging nagpapaligo, nagpapakain, at umaalalay rito.
Hanggang isang araw habang binibihisan niya ito ay bigla nitong hinawakan ang kamay niya at masuyo siyang nginitian, Nagtataka man ay nginitian niya rin ito pabalik.
“Maraming salamat anak ah,” nakangiti nitong wika. “Presko na ang pakiramdam ko at hindi na ako naiinitan. Kanina kasi, pakiramdam ko buhay pa ako’y sinusunog na ang kaluluwa ko.” biro nito.
“Si Tatay talaga kahit kailan,” aniya at ipinagpatuloy ang pagpulbo rito at pagbihis.
“Prince, bago man lang ako pumanaw ay gusto ko sanang makahingi sa’yo ng patawad. Patawarin mo sana ako sa mga nagawa ko sa’yo noon. Patawarin mo ako sa hindi ko agad pagtanggap sa’yo, sa pang-aalipusta ko sa’yo anak.” mangiyak-iyak nitong wika.
Hindi na niya kaya pang sumagot dahil bumabara na ang kanyang lalamunan. Umiiyak na siya dahil sa sinabi ng Ama.
“Ngayon ko na nalaman na hindi sinusukat ang kabutihan ng isang tao sa kung ano ang kasarian niya. Dahil sa totoo lang anak, mas lalaki ka pa kaysa sa’kin.” malungkot itong tumitig sa mata niya at pinahiran ang kanyang luha. “Masaya ako at naging anak kita, Prince. Mahal na mahal ka ni Tatay at proud na proud ako sa iyo.”
“Matagal na po kitang napatawad Tay. At saka hindi naman po ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo. Kaya kalimutan na po natin iyon,” aniya at inalalayan itong humiga. “Matulog na po kayo Tay, bukas ulit,” hinalikan niya muna ito sa noo saka tuluyang lumabas sa silid ng ama.
Kinabukasan nang gisingin niya ito ay hindi na dumidilat pa ang matanda. Hinintay lang pala nito na mapatawad niya bago lisanin ang mundo.
Malungkot man dahil wala na ang tatay niya ay masaya naman siya, dahil sa huling sandali ay naramdaman niya ang matagal nang hinihingi mula rito- pagtanggap.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!