Inday TrendingInday Trending
Ang Lalaking Hindi Ko Hiniling

Ang Lalaking Hindi Ko Hiniling

Nandito na naman si Hannah sa loob ng simbahan habang tahimik na humihikbing mag-isa.

Broken hearted na naman kasi siya dahil ang nobyo niyang buong akala niya’y makakasama na habangbuhay ay iniwan na naman siya dahil lang sa bagong nakilala nitong maganda at seksing babae.

“Sawang-sawa na akong humingi ng taong para sa’kin Lord,” mahina niyang usal. “Lagi nalang kasi, lagi nalang akong nasasaktan. Binibigay mo nga sila sa’kin pero binabawi mo naman agad.” patuloy niya sa pag-iyak.

Minsan naiisip niyang pati siguro si Lord ay nagsasawa na sa pagiging demanding niya.

“Simula ngayon Lord, hindi na ako hihingi. Kung gusto mo na akong bigyan bahala na po. Pero ngayon, wala po akong ibang hiling kundi ang palakasin Mo ang loob ko. Ang sakit, sakit kasi ng puso ko. Hindi rin naman basta-basta ang tatlong taon.” kausap niya habang nakatingala sa may krus .

Maya-maya ay tumayo siya upang magpaalam na. “Thank you po Lord, medyo gumagaan na po ang pakiramdam ko. Maraming salamat po uli,” aniya at saka lumabas na sa tahimik na simbahan.

Mas maigi na nga munang ipagpahinga na muna niya ang kanyang puso, para kapag dumating ulit ang bagong pag-ibig ay maayos na siya.

Lumipas ang mga araw at buwan ay mas gumagaan na ang pakiramdam niya. Hindi na gano’n kasakit at nakakangiti na siya ng totoo. Doon naman niya nakilala ang bagong kasamahan sa trabaho na si Ariel.

“Hi,” nakangiting bati ng lalaki sa kanya.

“Hello,” pormal naman niyang sagot.

“Coffee?” abot nito ng isang basong kape sa kanya.

Nagdadalawang isip pa siyang tanggapin iyon dahil hindi niya pa gaanong kilala ang lalaki.

“Ah,salamat,” nakakahiya naman kung tatanggihan niya. Maigi narin iyon dahil nakalibre siya ng kape.

“Walang ano man,” hindi pa rin nababawasan ang ngiti nito sa labi.

Ano bang meron sa lalaking ito at napakapala-ngiti naman? Sabagay, bago lang kasi sa trabaho.

Mabilis na tumakbo ang araw at mas nagiging maayos na ang puso niya. Kasama ng pagdarasal sa itaas na hihintayin niya ang paghilom noon.

Team building ng kumpanya nila ngayon kaya masaya ang lahat, pag-akyat niya sa bus ay hindi niya inakalang si Ariel ang kanyang katabi. Balewala lang naman sa kanya iyon dahil kahit paaano ay nakilala narin naman niya ang lalaki.

Ilang minuto lang ay dumating na sila sa lugar kung saan gaganapin ang team building ng kumpanya nila. Hindi niya alam kung dahil ba katabi niya si Ariel sa bus kaya sunod nalang ito nang sunod sa kanya ngayon.

Nang magpalaro ay sumasali siya, dahil sa binibigay na pa-premyo. Oo, aaminin niyang patay gutom siya sa premyo. Ngunit isang katangahan ang ginawa niya kaya natumba siya at mukhang nabali pa ang kanyang paa.

“Aray,” aniya ng maramdaman ang sakit itayo dahil mukhang may tumunog na ugat sa kanyang paa. Nabalinganga yata siya.

Agad namang lumapit sa gawi niya Ariel at walang anu-ano ay binuhat siya nito. Nais man niyang mag-inarte ay hindi na niya ginawa. Kailangan rin talaga niya ng tulong. Hindi siya iniwan ni Ariel hanggang sa magamot siya, kung nasaan siya’y nandoon din ito.

“Pwede kanang umuwi Ariel,” nakangiti niya wika. Mukhang kanina pa kasi siya binabantayan ng lalaki, hindi ba ito napapagod?

“Ayos lang ako. Mas gusto kong bantayan ka,” anito.

“Ha? Wala naman ‘to, malayo sa bituka.”

“Mas maigi parin iyong may nagbabantay sa’yo.”

“Ayos lang talaga. Atsaka may mga kasama naman ako dito, okay na ako. Huwag kanang mag-aalala,” aniya para lang talaga umalis na ito. Naaalibadbaran na kasi siya rito.

“Ikaw kasi, sino ba naman ang nagsabi sa’yong pakyawin mo ang lahat ng laro? Ayan tuloy nabalian ka,” sermon nito na ikinalaki ng mata niya.

Anong karapatan ng lapastangang pagalitan siya? Ibubuka na sana niya ang kanyang bibig upang singhalan ito nang muli itong magsalita.

“Sobra akong nag-alala sa’yo kanina. Akala ko talaga kung napaano kana, akala ko kung may nangyari na sayong mas malala pa d’yan. Parang gusto ko ngang pagalitan ang nagpasimuno ng mga larong iyon kanina e, nakakainis ka kasi hindi ka nag-iingat.”

Bakit naman ito mag-aalala sa kanya? Sa katunayan ay taga-bigay lang naman ito ng kape sa kanya na may kasama pang smile. Pero hanggang doon lang, wala naman siyang nakikitang malisya roon.

“Ayokong nakikita kang nahihirapan. Ayoko din na nakikita kang nasasaktan, tapos hindi mo pa iniingatan ang sarili mo.”

“Sandali nga! Ano ba iyang mga pinagsasabi mo d’yan? Baka pwede mong linawin sa’kin?”

“Mahal kita kaya ayokong nakikita kang nasasaktan. Hindi pa ba halata?” nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. “Araw-araw kitang binabantayan, kapag nakikita kong napapagod kana ay binibigyan kita ng kung anong alam ko para mabawasan ang pagod mo,” biglang may nag-play sa isipan niya na tagpo.

Kung hindi siya hahatiran ng kape ni Ariel, minsan ay ibinibigay nito sa kanya ang maliit na unan. Minsan naman ay pagkain at kung anu-ano pa. Pero hindi naman niya iyon binigyan ng malisya.

“Sa tuwing uuwi ka nasa likuran mo ako lagi. Hindi ka kasi lumilingon kaya hindi mo ako nakikita. Natatakot kasi akong mapahamak ka. Tapos kapag malakas ang ulan at wala kang masakyan. Mas minamabuti kong ako ang mabasa huwag lang ikaw,” pag-amin nito.

Oo nga. Lagi nga itong to the rescue para kumuha ng taxi para sa kanya. Pero talagang wala siyang malisya sa mga ginagawa nito. O talagang nagbubulagbulagan lang siya dahil hindi pa siya handang buksan ulit ang puso niya?

“Mahal kita Hannah, baka pwede mo rin akong mahalin?” anito.

Mukhang hindi naman mahirap mahalin ang lalaki, hindi naman niya minsanman isinara ang puso. Nagpahinga lang siya.

“Makakapaghintay ka ba? Medyo ginagamot ko pa kasi ang puso ko, pasensya kana kung naging manhid ako sa mga pagpaparamdam mo. Kagagaling ko lang kasi sa masakit na relasyon kaya gano’n pero kung makakapaghintay ka mas maigi, para mas makilala kita at mas makilala mo ako,” aniya.

“Hihintayin kita, dahil totoong mahal kita. Isa iyong pangako, Hannah.”

Minsan talaga, kapag hindi inaasahan ay doon dumarating ang pag ibig. Kasi sabi nga nila, walang nakakaalam sa timing ni God- Siya lang.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement