Ganti-Ganti Lang
“Daddy! Mommy! Huwag parang-awa niyo na!” sigaw ng batang si Yassie sa mga lalaking nakatakip ang mukha, ngunit hindi siya pinakinggan ng mga ito. Limang putok na ng baril ang sumunod na narinig niya.
Noong siya na ang susunod na babarilin, isa sa mga lalaking nakatakip ang mukha ang sumalunghat sa kanila, pinaslang niya ang ilan sa mga kasamahan at ibinigay niya ang isang baril sa batang si Yassie. Kahit puno ng takot at nanlalabo ang mga mata dahil sa luha, itinutok at pinutok niya ang baril sa mga taong pumaslang sa kanyang mga magulang.
Sa kasamaang palad, nabaril rin ang lalaking tumulong sa kanya. Doon na siya nagpasyang kunin ang ibang bala at baril ng mga taong nakahandusay sa harapan niya saka siya tumakbo palabas.
Sa murang edad namulat si Yassie sa karahasan ng buhay. Natuto siyang magnakaw para mairaos ang bawat masasalimuot na araw na mayroon siya. Kung minsan kapag may nakakatinginan lamang siyang babae sa daan, hihintayin niya itong makapunta sa madilim na lugar saka niya ito nanakawan.
Lumipas ang mga taon na laging ganoon ang eksena ng buhay niya. Parang ipis na lang ang tingin niya sa mga taong napap*slang niya. Dahil sa poot na mayroon ang puso niya, wala siyang ganang makipag-usap kahit pa kanino.
Ngunit may isang babae ang laging nagpupunta sa kanyang barung-barong para abutan lang siya ng pagkain at isang piraso ng papel na laging may nakasulat na, “Magpatawad ka.” Kapag sigurado na siyang nabasa na ni Yassie ang nakasulat, aalis na siya.
Malimit nakikita niya na tinatapon lamang ng dalaga ang kapirasong papel na iyon, pero hindi siya nagpapatinag dito. Isang araw naalibadbaran na ang dalaga, pinapasok niya ang babae sa kanyang barung-barong at doon tinutukan niya ito ng kutsilyo.
“Hindi ito ang unang beses na nagamit ko ito para kumuha ng buhay ng tao, di ako mangangali-ngaling isama ka sa listahan ng mga iyon. Ano bang kailangan mo sakin?” walang kaemosyong-emosyong sabi ni Yassie.
“A-ate, ibaba mo yan. Please.” nauutal-utal na ika ng babae, nabigla naman siya sa narinig, pamilyar ang boses ng babaeng ito sa kanya, ibinaba niya ang baril saka niya inaalis ang bandana sa mukha nito.
Wala siyang masabi sa mukhang natunghayan. Napaiyak na lamang siya saka niyakap ang babae sa harapan niya.
“Sinabuyan nila ako ng asido ate bago nila p*slangin ang mommy at daddy. Nagising na lang ako na puro walang buhay na katawan ang nakapalibot sakin. Kinuha ko ang mga pera nila daddy para mabuhay mag-isa at hanapin ka.” ani ng dalaga habang iyak nang iyak sa dibdib ni Yassie. “Ngayon ate, alam ko hinahanap ka ng mga pulis, sumuko kana. Lalaban tayo ng patas at tama. Makukulong ka man, pero ipapangako ko sayo, mailalabas rin kita ng kulungan at magbabagong buhay tayo.” pagkukumbinsi ni Kassie sa kanyang ate.
Noong una ay ayaw niyang sumuko sa mga pulis. Alam niya kasing patung patong na kaso na ang mayroon siya at paniguradong pang habangbuhay na sistensya ang ipapataw sa kanya ngunit nakumbinsi siya ng kapatid noong sabihin nito na gagawin ang lahat mahanap lamang ang mga sumalbahe sa magulang nila.
Mahirap man ang buhay sa loob ng selda, tiniis niya iyon. Araw-araw siyang binibisita ng kapatid para palakasin ang loob niya at doon unti-unti niyang natatanggap ang pagkawala ng kanyang mga magulang. Nawili rin siya sa mga proyekto sa loob ng selda katulad na lamang ng pa-zumba sa umaga at paggawa ng mga bag gawa sa plastic tuwing hapon.
Dahil sa hilig naman niya talaga ang mga bagay na ginagawa niya sa loob, naging leader siya ng mga kapwa b*langgo. Pinamumunuan na niya kada umaga ang Zumba at tuwing hapon naman ang paggawa ng mga gamit para maibenta.
Araw-araw ganito ang ginagawa ni Yassie. Natuto na ulit siyang makihalubilo sa iba at doon siya naliwanagan. Maraming siyang aral na natutunan sa mga kasama sa loob ng selda. Ang iba pala ay mas matindi pa ang karanasan kaysa sa kanya.
Doon niya naalala ang pirasong papel na laging binibigay sa kanya ng kapatid, “Magpatawad ka.” at sa pagkakataong iyon, sa loob ng mahabang panahon, napagdesisyunan niya muling magdasal para humingi ng tawad at para patawarin ang mga naging dahilan sa pagkawala ng mga magulang niya.
Talagang milagro nga naman ang nagagawa ng panalangin, kinabukasan ay nabalitaan niyang nahuli ng mga pulis ang utak ng kasalanang iyon. Ito pala ay ang business partner ng kanilang daddy. Nakita niya ito, pinigilan niya ang sarili. Nagulat na lamang siyang lumuhod ito sa harapan niya saka sinabing, “Patawarin mo ako Yassie.” saka na ito ipinasok sa loob ng selda.
“Daddy, Mommy, matatahimik na ako gaya ng pagtahimik niyo.” nakangiting ani ni Yassie, sabay yakap sa nakababatang kapatid.
Kahit gaano kahirap, kahit gaano kasakit, magtiwala lamang sa Diyos at laging pipiliing gumawa ng kabutihan. Dahil sa bandang huli, di Niya naman tayo pababayaan.