Pinalayas Niya ang Manlolokong Live in Partner Dahil sa Pagkakaroon Nito ng Kabit; May Naisip Siyang Gawin sa mga Naiwan Nitong Gamit sa Kaniyang Tinutuluyan
“Hayop ka, Tristan! Huwag na huwag ka nang babalik dito! Siraulo ka!” umiiyak na sabi ni Ashley sa kaniyang kinakasamang nobyo.
“Talaga! Ayoko na sa iyo, wala naman akong pakinabang sa iyo. Puro ganda ka lang. Saka nalaspag na kita!”
Isang malakas na sampal ang ipinatikim niya sa nobyo na mahal na mahal niya, ibinigay na niya ang lahat, pero nagawa pa ring magloko at ipagpalit siya sa iba.
“Walang pakinabang? Hoy, para sabihin ko sa iyo, halos lahat ng mga damit, sapatos, bag mo, ako ang bumili! Iyang cellphone mo na ginagamit mo sa pambababae mo, ako ang bumili niyan!” at hinablot ni Ashley ang mamahaling cellphone ng kinakasama.
Akmang susuntukin siya nito subalit naging maagap si Ashley. Inilabas niya ang itinatagong balisong. Itinutok dito.
“Sige! Subukan mo! Subukan mo lang talaga! Hindi ako mangingiming itarak sa iyo ‘to! Sige!” galit na galit na banta ni Ashley.
“Walang hiya ka, Tristan! Ipinaglaban kita sa mga magulang ko!” emosyunal na sumbat ni Ashley. “Kahit tutol sila sa relasyon natin dahil nakikitaan nilang wala kang kuwenta, sumige pa rin ako dahil naniniwala ako na magbabago ka. Pero hindi… hindi ka nagbago… at ngayon, lolokohin mo pa ako! Lumayas ka rito bago pa ako tumawag ng pulis! Layas!”
Wala nang nagawa si Tristan kundi ang lumayas.
“Mas mabuti pa nga na umalis na lang ako! Doon na ako kay Rosette. Di hamak na mas maganda at mas masarap kaysa sa iyo! Isaksak mo sa baga mo ‘yang mga ipinagmamalaki mong gamit mo!” sabi ni Tristan sabay alis.
Tila nanghihina namang napaupo si Ashley sa sahig habang umiiyak. Tinawagan niya ang kaibigang si Sandra. Pinapunta niya. Nasa kabilang unit lamang ito.
“Mars, anong nangyari? Sinaktan ka ba ng hayop na Tristan na ‘yun?” tanong ni Sandra. Nagtungo siya sa kusina, kumuha ng baso. Binuksan ang refrigerator. Naglagay ng malamig na tubig sa baso. Bumalik sa tabi ng kaibigan. Iniabot ang baso sa kaniya.
“O mars, uminom ka muna ng tubig para mahismasan ka.”
Kinuha naman ni Ashley ang baso at nilagok ang tubig na lamang nito. Ikinuwento niya kay Sandra kung ano ang ginawa ng magaling na nobyong si Tristan sa kaniya.
“Aba mabuti nga ‘yang ginawa mo na ‘yan. Hayaan mo na siya, mars. Kaya mong mabuhay nang wala siya,” wika ni Sandra sa kaibigan. “Mag-move on ka na. Ang mga walang kuwentang lalaki na kagaya ni Tristan, hindi na ‘yan dapat pa pinanghihinayangan.”
Makalipas ang tatlong araw, hindi na nga bumalik si Tristan. Ipinasya ni Ashley na maglinis ng bahay, lalo na sa kaniyang kuwarto kung saan naroon pa ang mga gamit ng nobyo. Aaminin niya, nalulungkot pa rin siya sa mga nangyari, ngunit kailangan naman niyang mahalin ang sarili niya.
Lumipas ang isang linggo.
Isang buwan…
Isang taon…
Tuluyan na ngang nakalimot si Ashley kay Tristan. Nabalitaan niya na may ibang babae na ito at nasa ibang bansa na.
Mukhang hindi na nito babalikan ang mga naiwang gamit.
“Paano ko kaya madidispatsa ang mga ito?” tanong ni Ashley sa kaniyang sarili.
Mamahalin pa naman ang mga gamit ni Tristan na karamihan ay siya rin ang bumili para dito. Nanghihinayang naman siya na itapon ang mga ito.
Hanggang sa tila nagliwanag ang bombilyang nasa itaas ng kaniyang isipan.
“Paano kaya kung ibenta ko na lamang ito online? Maaalis ko na ang mga ito rito, kikita pa ako, mapapakinabangan ko pa,” sa isip-isip ni Ashley.
Isang gabi ay sinubukan na nga niya ang naisip na live selling. Magmula sa mga damit nito, mga bag, mga sapatos, hanggang sa mga koleksyong sinturon ay talaga namang ibinenta niya, at upang mas makapukaw ng atensyon, sa bawat gamit na kaniyang ibinebenta ay may ‘hugot’.
“Oh mga suki, huwag kayong magma-mine ha kung hindi ninyo kayang panindigan, kagaya niya na hindi marunong manindigan!”
“Pasok mga suki, walang laspag na mga item dito, yung kabit lang niya!”
“Hindi kayo masasayangan dito, ako lang ang sinayang niya!”
“Tulungan n’yo akong maka-move on, mga bes! Nagbabawas ako ng basura dito sa bahay! ‘Ika nga nila, may pera sa basura!”
Patok naman sa mga online buyers ang estilo ng kaniyang pagbebenta, kaya kahit may kamahalan ang presyo ng kaniyang mga itinitinda, ay may nagma-mine pa rin at bumibili nito.
Hanggang sa maubos at mawala ang lahat ng mga gamit ni Tristan na nag-iiwan ng alaala sa kaniya.
Masayang-masaya si Ashley dahil nakapag-move on na siya, nadispatsa na niya ang mga gamit ng nagloko na nobyo, kumita pa siya!