Inday TrendingInday Trending
Napakaselosa at Abusada ng Babaeng Ito sa Kinakasamang Nobyo, Palibhasa, Alam Niyang Mahal na Mahal Siya Nito at Hindi Matitiis; Isang Araw, Naputol ang Pisi Nito

Napakaselosa at Abusada ng Babaeng Ito sa Kinakasamang Nobyo, Palibhasa, Alam Niyang Mahal na Mahal Siya Nito at Hindi Matitiis; Isang Araw, Naputol ang Pisi Nito

“Nasaan ka na Zaldy? Ang tagal-tagal mo naman? Kanina pa ako naghihintay rito sa bahay, hindi pa ako kumakain. Alam mo namang hindi ako nagluluto. Wala rin akong pera dito para mag-order. Umuwi ka na, kung hindi ay hihiwalayan nila kita! Uuwi na lang ako sa Pangasinan!” tungayaw ni Lottie sa kaniyang kinakasama habang kausap ito sa cellphone.

Magsasalita pa sana si Zaldy subalit pinatayan na siya nito ng linya. Napahinga na lamang nang malalim si Zaldy.

Nasa elementarya pa lamang sila ni Lottie ay magkakilala na sila. Childhood sweetheart. Halos hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Masayang-masaya si Zaldy nang sagutin siya ni Lottie. Hanggang sa sila ay maging hayskul at makatuntong sa kolehiyo, nagtagal ang kanilang relasyon.

Hanggang sa ipinasya na nilang magsama sa iisang bubong bilang mag-live in.

Ngunit tunay ngang makikilala mo ang tunay na ugali ng isang tao kapag nakasama mo na sa iisang bahay.

Napag-alaman ni Zaldy na tamad sa mga gawaing-bahay si Lottie. Wala itong alam na gawain kundi humilata, magpaganda, manood ng TV, at kumain lang. Hindi marunong magluto. Nang mauso ang internet at gadget, lagi na lamang nakadukmo sa social media.

Naging sunod-sunuran na rin si Zaldy kay Lottie sa takot na layasan siya nito. Kaya lahat ng mga kapritso nito ay ibinibigay niya. Magmula sa mga damit, sapatos, mga produktong pampaganda, at pagkain. Kesehodang wala na siyang maipon para sa sarili niya, ang mahalaga, alam niyang napapasaya niya ang babaeng pinakamamahal niya.

Ngunit isa pa sa mga bagay na kinaiinisan ni Zaldy sa live in partner ay ang pagiging selosa nito.

Kapag ito ang naglalakwatsa o sumasama sa mga kaibigan, inaabot ito ng madaling-araw bago makauwi. Minsan nga, hindi na umuuwi. Pinakamatagal na ang tatlong araw na hindi ito umuuwi at ni sa malas ay hindi man lamang nagpaparamdam.

Pero kapag siya, ginabi lamang nang kaunti dahil nayakag ng barkada, kung ano-ano na ang mga paratang nito sa kaniya.

Kesyo nambababae raw siya. May kabit. At kung ano-ano pa.

“Uy pare, kailan mo ba balak pakasalan si Lottie? Grabe ah, hindi pa nga kayo mag-asawa, grabe na ang pang-a-under sa iyo,” naiiling na sabi ng kaibigang si Chris sa kaniya.

“Mahal na mahal ko si Lottie pare, pero alam mo, ipinagpapasalamat ko rin na hindi pa kami kasal dahil sa ugali niya. Ang hirap ispelengin. Hindi pa kami mag-asawa talaga ha?” tugon naman ni Zaldy.

“Buntisin mo na kaya?” pilyong sabi ni Chris.

“Sira! Pero darating tayo diyan. Sige na, alis na ako, at naghuhuramentado na.”

Nagpaalam na si Zaldy upang umuwi na.

Pagdating niya, ganoon na lamang ang gulat niya nang sumapok sa kaniyang mukha ang takip ng rice cooker na ibinato sa kaniya ni Lottie.

Tumama ang hawakan nito sa kaniyang ilong. Naramdaman niyang may umagos na mainit-init na likido. Hinawakan niya. Dugo.

“B-Bakit? Bakit mo ko binato?”

“Bakit ngayon ka lang? Iyan ang bakit na sagutin mo?” galit na untag at pang-aaway ni Lottie.

“Hindi ba’t nagpaalam na ako sa iyo na lalabas kami ng barkada? Ano bang problema mo?” medyo nagtaas na ng boses si Zaldy.

“Problema ko, gutom na ako!”

“Hindi ko naman dala ang kaldero! May pera ka naman ah. Imposibleng wala. Bakit hindi ka bumili? Alam mo, sawang-sawa na ako sa mga ginagawa mo sa ‘kin. Hindi porket alam mong mahal kita ay aabusuhin mo ko nang ganito. Baka sa susunod, kung ano na ang maibato mo sa akin!” sa galit ni Zaldy ay napagsalitaan na niya nang masakit si Lottie.

“Aba at sumasagot ka na ngayon! Kung hindi mo na matiis ugali ko, umalis ka na rito at hindi na kita kailangan!” pagpapalayas ni Lottie sabay-turo sa pintuan.

Hindi rin alam ni Zaldy kung tinamaan siya ng sapak, subalit mabilis siyang nag-impake ng mga gamit.

“Kukunin ko na lang yung iba. Mas mabuti na nga ang ganito. Hindi mo na ko ginalang. Mas mainam na nga na maghiwalay na lang tayo,” saad ni Zaldy sa natamemeng si Lottie.

Buo na ang loob ni Zaldy na iwanan na si Lottie. Bubukod na siya.

Kinabukasan ay bumalik din siya hindi upang makipag-ayos kay Lottie kundi upang kunin na rin ang iba pa niyang mga gamit.

Makalipas ang tatlong araw ay tila nahimasmasan si Lottie. Siya naman ang nanuyo kay Zaldy.

Subalit buo na ang desisyon ni Zaldy na lumayo na kay Lottie.

Sising-sisi naman si Lottie sa ginawa niya. Wala na siyang magawa dahil nasaid na ang pasensya nito.

Mas lalong nanghinayang si Lottie makalipas ang tatlong taon, naging matagumpay na sa kaniyang trabaho ang dating kinakasama, may sariling pundar na bahay at mga sasakyan.

Samantalang siya, hirap na hirap na itaguyod ang sarili dahil wala siyang alam gawin kundi ang umasa sa ibang tao.

Advertisement