Inday TrendingInday Trending
Inilihim sa Loob ng Apat na Taon ng Dalagitang Ito sa Kaniyang mga Magulang Kung Saan Talaga Siya Nag-aaral; Bakit Kaya?

Inilihim sa Loob ng Apat na Taon ng Dalagitang Ito sa Kaniyang mga Magulang Kung Saan Talaga Siya Nag-aaral; Bakit Kaya?

“Anong gagawin ko, Rose Ann… hindi ko na alam ang gagawin ko. Hirap na hirap na ako,” naiiyak na tanong ni Ella sa kaniyang kaibigan.

Napakalaking problema ng kinahaharap ni Ella dahil hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa kaniyang mga magulang na hindi talaga siya nag-aaral sa Pamantasan ng Republika ng Pilipinas.

Apat na taon na siyang nagsisinungaling at nagtatago sa kanila na sa ibang pamantasan siya nag-aaral, at hindi sa PRP.

Tandang-tanda pa niya kung paano ipinangalandakan ng kaniyang Inay ang pagkuha niya ng entrance exam sa naturang prestihiyosong pamantasan sa buong Pilipinas.

“Kapag nakapasa ang anak ko diyan, iskolar ‘yan! Iskolar ng Bayan ang tawag sa kanila. Saka mga matatalinong bata lang talaga nakakapasok diyan!” pagbibida ng kaniyang Inay sa kanilang mga kapitbahay, apat na taon na ang nakalilipas.

Bilib na bilib naman ang mga kapitbahay nila sa kaniya.

“Ang suwerte-suwerte mo talaga sa mga anak mo, Alora! Kami nga na may mga perang pampaaral sa mga anak namin, hayun, bulakbol ang mga anak!” sabi ng isang kaibigan ng ina.

“Oo nga! naku, kapag ‘yang si Ella mo ay nakapagtapos ng kurso niya, imbitahan mo kami sa pakain ha?”

Ipinagsabi na kaagad ng kaniyang ina na doon na siya papasok gayong kukuha pa lamang siya ng entrance exam.

Ganoon na lamang ang panggigipuspos niya nang malamang hindi siya nakapasa. Mabuti na lamang at may iba pa siyang pamantasang pinagpasahan ng aplikasyon para makapagsulit. Doon siya pinalad na makapasa.

Matagal niyang inilihim na sa ibang pamantasan siya pumapasok. Mabuti na lamang at hindi na kailangang magsuot ng uniporme sa PRP at sa pamantasang kanyang tunay na pinapasukan, kaya nabawasan ang kaniyang dapat na ilihim.

Subalit pinakaingat-ingatan niyang huwag makita ng mga magulang ang kaniyang ID. Mabubuko siya.

At makalipas nga ang apat na taon, heto’t magtatapos na siya. Tiyak na malalaman ng mga magulang na sa ibang pamantasan siya nag-aaral, dahil dadalo ito sa graduation ceremony.

“Anong gagawin ko ngayon, besh?”

“Besh, alam mo… dapat siguro magsabi ka na nang totoo sa kanila. Wala eh. Alangan namang manalangin ka ng kung anomang sakuna o kalamidad sa araw na ‘yon? Hindi naman puwede ‘yun, besh,” payo ni Rose Ann.

“Eh… kinakabahan ako besh… tiyak na magagalit sila…”

“Ano ka ba besh, real talk lang tayo ah… nakakagalit naman talaga ginawa mo, ano ka ba. Dapat kasi, umpisa pa lang, naging tapat ka na. Eh ‘di sana wala kang sakit ng ulo ngayon. Huwag mo nang pahirapan sarili mo. Gusto mo samahan kita?”

Pero tama naman si Rose Ann. Kasalanan din naman niya kasi kung tutuusin. Wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang sarili niya. Kung noon pa lamang ay ipinagtapat na niya sa kanila na hindi naman talaga siya nakapasa sa PRP, wala siyang problema ngayon.

Pero ginusto rin naman niya kasi na mataas ang tingin sa kaniya ng mga kapitbahay nila.

Nang gabing iyon, kinausap ni Ella ang mga magulang. Ipinagtapat na niya ang katotohanan. Ganoon na lamang ang galit ng kaniyang mga magulang sa kaniya, lalo na ang kaniyang Inay.

“Anak, walang kaso sa amin kahit hindi ka sa PRP nag-aaral, o sa kahit na saang pamantasan man. Ipinagmamalaki ka namin dahil matalino kang bata. Ang ikinasasama ng loob namin, bakit kinailangan mong magsinungaling sa amin sa loob ng apat na taon? Ganoong katagal mong natiis? Sa akala mo ba ay hindi namin maiintindihan?” sumbat ng kaniyang Inay.

Hindi na dumagdag pa sa tensyon ang kaniyang Itay dahil mataas na nga ang emosyon ng kaniyang Inay.

“Sorry po, Inay, Itay… binigo ko po kayo…” umiiyak na pagpapaumanhin ni Ella.

Sa pagkakataong ito ay nilapitan na ng mag-asawa ang kanilang anak. Niyakap ito. Malumanay na ang pagsasalita ng kaniyang Inay.

“Anak, Ella… hindi mo kami binigo ng Itay mo. Gagraduate ka nga ‘di ba? Iyon ang mahalaga, higit pa sa kung saang paaralan o pamantasan ka magtatapos. Sa arena ng tunay na buhay, nababalewala na iyan, dahil ang mahalaga sa trabaho, ang kasipagan, dedikasyon, diskarte, at pag-uugali mo. Huwag mo na lamang uulitin ang pagsisinungaling, anak,” sabi ng kaniyang Inay.

“Ipinagmamalaki ka namin ng Inay mo, anak,” sabi naman ng Itay.

Pagkaluwag-luwag ng mga ngiti sa labi ni Ella nang abutin niya ang diploma ng pagtatapos habang nasa entablado. Kitang-kita niya ang kasiyahan sa mukha ng kaniyang mga magulang.

Sa wakas, ‘graduate’ na siya sa kurso, gayundin sa kaniyang paglilihim.

Advertisement