Inday TrendingInday Trending
Pelikula ng Buhay Ko

Pelikula ng Buhay Ko

“Sa wakas ay natupad rin ang pangarap ko!” masayang wika ni Popoy sa sarili.

Ayaw ni Popoy na mahuli sa espesyal na kaganapan para sa pinaka-importanteng parte ng buhay niya. Kaya, inihanda niya na lahat ng kakailanganin sa pagsasalita niya para sa kanyang ginawang libro.

Maaga siyang nakarating doon na pawis na pawis. Pagod ang katawan sa pagbitbit sa kanyang saklay. Sa layo ba naman ng pagdarausan ng book signing sa bahay nila, talagang kailangan niya talaga ng limang oras para lakbayin ang lugar na iyon. May kapansanan si Popoy sa kanyang kaliwang paa kaya tanging saklay lang ang katu-katulong niya sa paglalakad.

“Haynaku, kay layo naman kasi ng lugar na ito. Bakit ba naman dito pa ginanap ang book signing,” bulong niya sa sarili.

Pagdating niya roon ay nakahanda na ang lahat, naroon na rin ang mga tagahanga ng kanyang isinulat na libro na naghihintay sa kanya. Maayos namang naidaos ang book signing ng kanyang libro kaya sa kanyang pag-uwi ay pahirapan na naman sa paglalakad. Kulang pa kasi ang pera niya pambili ng wheelchair para hindi na siya nahihirapan. Nang makarating sa sa bahay at nakaupo na sa kanyang paboritong upuan ay biglang tumunog ang kanyang cell phone.

“Hello, maaari po bang makausap si Mr. Popoy Ramirez?” tanong ng babae sa kabilang linya.

“Ako nga po si Mr. Ramirez, sino po sila?” magalang niyang tanong.

“Ako po si Kat at taga-Maharlika Film Prodiction po ako. Nagustuhan po ng aming kumpanya ang ang inyong libro kaya napagdesisyunan po namin na isapelikula ito,” wika ng kanyang kausap.

“T-Talaga po ba? Gagawin niyong pelikula ang isinulat kong libro?” di makapaniwala niyang sabi.

“Opo, kaya tumawag po ako para pag-usapan natin ang mga detalye,” anito.

Laking tuwa ni Popoy nang marinig ang magandang balitang iyon at binitawan niya muna ang bagong kwentong ginagawa niya.

Inimbitahan siya ng nasabing kumpanya upang mapag-usapan ang magiging plano ng pelikula. Nag-alok iyon sa kanya ng proseso para sa paraan ng pelikula niya. Ngunit nagulat siya nang sabihin ang kanyang mga gagawin.

“Teka, ako po ang gagawa ng script at maghahanap ng lugar na pagdadausan ng kwento?” tanong niya sa prodyuser ng pelikula.

“Tama po ang narinig niyo. Kayo ang kailangan na gumawa,” wika nito.

“Ngayon ko lang nalaman na ako pa pala ang gagawa ng lahat, kaya ko ba ito?” bulong niya sa sarili.

Wala siyang nagawa kundi sumunod sa sinabi ng prodyuser. Di niya naman magawang magreklamo o tumanggi dahil iniisip niyang baka masayang ang libro niya at oportunidad kung walang kumpanyang susuporta sa gawa niya. Naisip nalang ni Popoy na kakaunti lang marahil ang tauhan ng kumpanya kaya siya ang pinagawa lahat.

Ilang araw ang lumipas ay muli siyang tinawagan ng prodyuser at sinabihan siya na kailangan nang matapos ang pinagagawa sa kanya.

“Kailangan ko na iyan sa Biyernes, Popoy ha. Ilalapat na namin ang pelikula na iyan,” wika ng prodyuser.

“Opo, tatapusin ko na po,” sagot niya rito.

“Muntik kong makalimutan, ikaw pala ang napili namin na gaganap sa mga eksena upang mas lalong ramdam ang emosyon ng pelikula,” hayag pa ng kausap.

“Ano po?” tanging nasabi ni Popoy habang kinabahan sa sinabi ng prodyuser.

“Ang sabi ko, ikaw mismo ang gaganap sa pelikula, ayaw mo ba nun, bida ka?” anito.

“Di ko po kaya iyon, nakita niyo naman po di ba ang kalagayan ko, pilay po ako at saka di ko pa din tapos i-plot ang ilang eksena sa pelikula,” sagot niya.

“Wala na kaming ibang mapili pang gaganap sa istorya mo, kaya mo iyan, tiwala kami sa iyo Popoy, magagawa mo iyan, bibigyan ka pa namin ng mahabang panahon,” saad muli ng prodyuser.

Muli ay pumayag siya sa alok nito sa kanya. Ano nga naman ang magagawa niya kundi ang sumunod.

“Paano ko naman gagawin ito, e di naman ako marunong umarte o gumanap sa isang pelikula? Ang alam ko lang ay magsulat at maglakad gamit ang aking saklay.

Lumipas ang tatlong linggo. Natapos na niya ang lahat ng katawan ng pelikula. Handa na rin siyang sumabak sa pag-arte.Nagmadali rin siyang pumunta sa kumpanya upang ipakita ang ginawa niyang script ngunit hindi niya inasahan ang sumunod na eksena.

“Put*ng i*a, ano ito? Ikaw ba talaga ang sumulat ng libro mo? Marunong ka ba talagang sumulat?!” pagalit na singhal sa kanya ng prodyuser na halos gustong punitin ang ginawa niyang script.

Labis na nasaktan si Popoy sa nangyari. Ibinasura lahat ng prodyuser ang pinaghirapan niya. Hindi tinanggap ng lahat ng sangay ng pelikula ang istilo na ginawa niya. Di niya matanggap ang panglalait sa kanya, minura siya at dinikdik ng husto na parang trato sa isang mangmang na tao.

Halos ilang araw siyang walang kibo at hindi makakain sa pamamahiya sa kanya ng prodyuser. Pakiramdam niya ay lugmok na lugmok ang kanyang pagkatao sa mga pang-aalipusta sa kanya nito ngunit isang araw ay tumunog ang kanyang cell phone. Hindi niya alam kung sino ang tumatawag. Sinagot niya iyon at nagsalita ang isang lalaki.

“Hello, Mr. Ramirez si Edwin po ito ng SunStar Film, nabasa po namin sa website niyo ang ginawa niyong script. Inaanyayahan po namin kayo sa aming opisina upang pag-usapan ang balak naming pagsasapelikula nito,” hayag ng lalaki sa kabilang linya.

Kahit may agam-agam at sariwa pa sa utak ang pang-iinsulto sa kanya sa naunang kumpanya ay malugod pa rin niyang tinanggap ang alok ng ikalawang kumpanya na nagtiwala sa kanya. Wala ng pasubalisa. Agad na tinanggap niya ang alok ng SunStar Film. Hindi ito kasing sikat at popular ng Maharlika Film Production ngunit malaki ang tiwala niya sa kumpanyang ito na mabibigyan ng magandang exposure ang gawa niya. Subalit may hiling ang isang kumpanya, kailangan niyang ulitin ang pagkakasulat ng huling bahagi ng kanyang script. Pumayag naman siya at muli niyang isinulat ang huling bahagi ng kanyang kwento. Ang gusto kasi ng direktor ay may kung anong gugulat sa lahat ng manonood na hindi nila mahuhulaan na ganoon ang kakalabasan ng istorya. Makalipas ang tatlong araw ay natapos na ni Popoy ang lahat. Handa nang isabak ang sulat niya sa pelikula. Sa wakas, sa libo-libong pagkakamali niya sa paggawa nito noong una ay naitama din niya ang lahat.

“Sa wakas, natapos ko rin, sana ay maganda na ang kalabasan ng isinulat ko,” bulong niya sa sarili.

Muling binasa ng prodyuser at direktor ang isinulat niyang script at nagustuhan ng mga ito ang ginawa niya.

“Wow, ang ganda ng pagkakasulat , Popoy. Magaling! Kay laking kawalan sa kabilang kumpanya na pinakawalan ka nila,” sabi ng prodyuser.

“Naku, talaga po? Maraming salamat po sa ibinigay niyong tiwala sa akin,” aniya.

Tumakbo na ang paggawa ng pelikula. Gaya ng dati ay siya rin ang pinaganap sa pangunahing karakter. Pinag-aralan niya ng maigi ang dapat na emosyon ng bawat karakter na ginagampanan ng isang bida. Kahit na may mga bagay siyang di niya kayang gawin sa set ng isang pelikula ay pinilit niya pa ring gawin kahit na may kapansanan pa siya. Hindi iyon naging hadlang upang magawa niya ng tama at maayos ang kanyang trabaho.

Di nagtagal ay naipalabas ang pelikula at milyon-milyon ang kinita nito sa takilya kahit maliit na kumpanya lang ang naglabas nito. Ikinuwento sa pelikula ang buhay ni Popoy. Napanood ng lahat kung paano niya binabaybay ang biyahe niya sa araw araw gamit ang kanyang saklay. Maraming naantig sa kanyang istorya kaya isang manonood ang nagmagandang-loob na nagbigay sa kanya ng wheelchair para hindi na siya mahirapan pa sa kanyang biyahe.

Tuwang-tuwa naman ang prodyuser ng pelikula at sinabing “Ang pelikula mo Popoy ay bagong inspirasyon sa lahat ng taong nagsisikap. Na kahit na may kapansanan ay tuloy pa rin ang buhay.” anito.

Masaya rin siyang binati ng direktor at ang huling litanya nito sa kanya ay “Congratulations, Popoy! Aaminin ko, sa iyo lang namin ginawa ang ganito, na lahat ikaw ang gumawa ng eksena sa pelikula. Di namin tiningnan kung hindi ka nakakalakad. Dahil ganyan ang totoong buhay, ikaw ang gagawa ng istorya at ikaw din ang kikilos,” hayag nito.

Dahi sa naging matagumpay ang kanyang pelikula ay pinapirma siya ulit ng kumpanya ng isa pang kontrata para sa susunod niyang isusulat at gagawing pelikula. Masayang-masaya si Popoy dahil bukod sa pagsusulat ay natutunan niya na gumawa pa ng ibang bagay na nagpalabas sa kanyang tunay na talento. Hindi rin naging hadlang ang kanyang kapansanan para makilala at purihin ng iba.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement