Nakilala ni Julius si Euvelle sa birthday party ng matalik niyang kaibigan. Nasa dalaga na ang lahat ng katangian na gusto niya sa isang babae – maganda, matalino, mabait, sports minded, maalalahanin at may takot sa Diyos kaya agad niya itong niligawan.
Ulilang lubos na si Euvelle, wala na itong mga magulang. Pinalaki lang daw ito ng kanyang tiyahin, nag-aral sa sariling pagsisikap at nakapagtapos sa isa sa nangungunang unibersidad sa bansa. Para kay Julius ang babae na ang sagot sa kanyang mga dasal at gustong makasama habang buhay.
Isang araw, habang kumakain sila sa labas ay may sinabi ito na sadyang ikinagulat at ikinasaya niya.
“Totoo ba, hindi ka nagbibiro?” di makapaniwalang tanong ng lalaki.
“Oo nga sabi,” sagot ng babae.
“Talaga ba, sinasagot mo na ako?”
“Ano ka ba? Oo sabi, sinasagot na kita!”
Tuwang-tuwang niyakap at hinalikan ni Julius sa pisngi ang babae. Sa wakas ay sinagot din siya nito at opisyal na silang magkasintahan.
Naging maayos naman ang kanilang relasyon. Palagi silang nagkakasundo sa lahat ng bagay. Kahit kailan ay hindi sila nagkaroon ng di pagkakaunawaan ni Euvelle. Napakabait at maunawain ng nobya kaya mas lalo pa siyang napamahal rito. Di nagtagal ay inaya na niya itong magpakasal at hindi naman ito tumutol sa alok niya. Dalawang buwan lang nilang pinaghandaan at inasikaso ang kanilang pag-iisang dibdib hanggang sa maayos na naidaos.
Sa una ay maayos ang takbo ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa ngunit isang araw ay may napapansin si Julius sa kanyang misis.
“Hon, narinig kita kanina mula sa loob ng banyo. May iba ka bang kausap?” tanong niya rito.
“Ha? Ako may kausap? Baka guni-guni mo lang iyon, hon. Wala akong kausap,” anito.
Habang naliligo kasi siya sa banyo ay narinig niya ang malakas na boses ng kanyang asawa na para bang nakikipagdayalogo. Ang akala nga niya ay may kaalitan ito sa telepono. Ngunit nang sabihin nito na wala naman itong kausap ay pinaniwalaan niya ang misis. Sa isip niya ay baka boses lang ng kanilang kapitbahay ang narinig niya dahil may maliit na bintana sa loob ng banyo.
Isang gabi, bago sila matulog ay napansin niya na hindi mapakali si Euvelle. Panay ang paroo’t parito nito sa loob ng kanilang kwarto.
“Hon, kanina pa ako nahihilo sa kalalakad mo, may problema ba?” nag-aalala niyang tanong rito.
Imbes na sumagot ay tiningnan lang siya nito at ipinagpatuloy ang paglalakad. Nilapitan niya ang asaw at muling tinanong.
“Hon, may sakit ka ba? Bakit hindi ka mapakali?”
Muli siya nitong tiningnan at sinabing “Shhhh…huwag kang maingay, hon. Nag-iisip ako kung paano ko sila sosorpresahin,” anito.
“Sorpresa? Sino?” nagtataka niyang tanong.
“Basta, basta, malalaman mo na lang,” bulong nito sa kanya.
Napapansin ni Julius na ilang araw nang aligaga si Euvelle. Kapag naglilinis ito ng bahay ay napakabilis kumilos na para bang palaging nagmamadali at mauunahan ng kung ano. Maya’t maya rin itong nakasilip sa bintana na akala mo ay may hinihintay na espesyal na bisita.
Kinagabihan, pagdating niya galing sa opisina ay bumungad sa kanya ang madilim na kabahayan.
“Teka, wala bang kuryente?” tanong niya sa sarili. “Hon, nariyan ka ba, narito na ako!” sigaw niya pagpasok niya sa pinto.
Ipinagtaka niya na walang sumasagot sa tawag niya. Naisip niya na baka nakatulog lang ang kanyang misis sa sobrang pagod sa mga gawaing bahay kaya pinuntahan niya ito sa kanilang kuwarto. Nasa harap na siyang ng pinto ng kwarto nilang mag-asawa nang marinig niya ang boses ni Euvelle.
“Ang tagal niyo namang dumating? Tagal-tagal ko na kayong hinihintay. Isa pa po, may sorpresa ako sa inyo!” wika ng kanyang asawa sa loob ng kwarto.
“Sino bang kausap nitong asawa ko?” nagtatakang sabi ni Julius sa sarili.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto para malaman kung sino ang kausap ng kanyang misis. Pagpasok niya ay napakadilim rin sa loob ng kwarto nilang mag-asawa. Balak niya sanang pindutin ang switch ng ilaw ngunit bago niya iyon nagawa ay may pumukpok nang malakas sa kanyang ulo na kanyang ikinabuwal hanggang sa mawalan siya ng malay.
Ilang minuto lang ang lumipas ay nagising si Julius. Laking gulat niya nang makita ang kanyang sarili na nakagapos sa kama. Nakatali ang kanyang mga kamay at mga paa. May takip rin ng panyo ang kanyang bibig.
“A-anong ibig sabihin nito?” naguguluhan niyang tanong sa sarili.
Nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto at bumungad sa kanya ang asawa.
“Gising ka na pala, hon? Tamang-tama at parating na rin ang espesyal kong mga bisita,” anito.
“Anong ibig sabihin nito? Bakit mo ako iginapos at sinong mga bisita ang sinasabi mo?” aniya kahit nahihirapang magsalita dahil sa nakatakip na panyo sa kanyang bibig.
Tinanggal naman ni Euvelle ang takip sa bibig niya para siya ay makapagsalita ng maayos.
“Pakawalan mo ako dito, hon! Ano bang kalokohan ito?” sigaw niya.
“Shhh, huwag kang maingay! Huwag kang mainip at darating na sila. Matutuwa sila kapag nakita ka nila,” nakangisi nitong sabi.
“Sino bang sila? Puwede ba, pakawalan mo na ako dito, pakiusap! Tanggalin mo na itongt tali!”
“Hindi maaari, hon. E, di wala na ang sorpresa kapag tinanggal ko iyan di ba?” anito.
Mayamaya ay tiningnan nito ang suot na wristwatch at binuksan ang pinto ng kwarto.
“Ay, narito na pala sila, e! Mama, Papa magandang gabi po! Salamat po sa pagdalaw!” masayang wika ng babae.
Nahintakutan si Julius sa inaasta ng kanyang asawa. Nagsasalita ito na walang kausap. Biglang bumalik sa alaala niya nang minsang naliligo siya sa banyo at narinig niya ang malakas na boses nito na parang may kapalitan ng salita. Napagtanto niya na totoo pala ang kanyang narinig ng araw na iyon.
“Diyos ko, may problema sa pag-iisip ang aking asawa,”sabi niya sa isip habang kinakabahan sa mga mangyayari.
Mas nagimbal si Julius nang makita niya na may inilabas na malaking kutsilyo ang asawa sa tokador.
“Mama, Papa umupo po muna kayo at ihahanda ko na po ang pagkain,” anito na nakikipag-usap pa rin sa hangin.
Bigla itong lumapit sa kanya.
“Hon, a-anong gagawin mo?” tanong ni Julius sa kinakabahang tono.
“Sorry, hon pero ikaw ang sorpresa ko sa kanila, e. Ikaw ang ihahanda ko para kina Mama at Papa,” wika ni Euvelle.
“Hindi, h-huwag hon! Maawa ka sa akin. Asawa mo ako!” sigaw niya.
“Pasensya na, hon. Magugutom sina Mama kapag hindi ko ito ginawa, kaya humanda ka na!”
“Maawa ka hon, tumigil ka na sa kahibangan mo! Wala na ang Mama at Papa mo. Huwag mong gawin sa akin iyan!” patuloy na pagwawala ng lalaki habang pilit na kinakawala ang sarili sa pagkakagapos.
“Sorry, hon, pero kailangan mo nang m*mat*y, para mailuto na kita!” hiyaw ni Euvelle habang tangkang isasaksak na sa kanya ang kutsilyong hawak nang biglang may mga dumating na pulis.
“Itigil mo iyan, Mrs. Basillo!” sigaw ng isang bagitong pulis.
Agad namang nadakip ang kanyang misis. Pinosasan at sinuotan ito ng straightjacket. Kasama rin pala ng mga pulis ang mga staff ng ospital para sa mga may problema sa pag-iisip. Ang hindi alam ni Euvelle ay kanina pa pala naroon ang kapatid ni Julius na si Cris. Dinalaw nito ang nakatatandang kapatid ngunit nang matuklasan nito ang ginawa ng kanyang hipag ay palihim itong tumawag sa mga awtoridad.
“Okay ka lang kuya?” tanong ng kapatid habang tinatanggal ang mga tali na nakagapos sa kanya.
“Ayos na ako. Maraming salamat ‘tol!”
Napag-alaman nila na matagal na palang may sakit sa pag-iisip si Euvelle. Ilang beses na rin pala itong naipasok sa pagamutan ng mga baliw ngunit gumagaling kaya nakakalabas tapos ay bigla na lamang babalik sa dati at mawawala ulit sa katinuan. Ang sakit na iyon ng babae ang siya palang dahilan kung bakit maagang nawala ang mga magulang nito. Nasawi ang mga magulang ni Euvelle sa sama ng loob, hindi matanggap ng mga ito ang sinapit ng kanilang anak.
Akala ni Julius ay nasa katauhan na ng kanyang asawa ang mga katangian na gusto niya kaya agad pinakasalan ngunit may itinago pala itong madilim na lihim na kailanman ay hindi niya pinangarap sa magiging kabiyak ng kanyang dibdib.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!