Inday TrendingInday Trending
Tampulan ng Tukso ang Negrang Babae, Di Niya Inaasahang Pagkakaguluhan ng Kalalakihan Nang Siya ay Makarating ng Amerika

Tampulan ng Tukso ang Negrang Babae, Di Niya Inaasahang Pagkakaguluhan ng Kalalakihan Nang Siya ay Makarating ng Amerika

Mula pagkabata, puro pang-aasar na ang naririnig ng dalagang si Carina dahil sa kanyang itsura. Dahil sa kanyang kutis, madalas siyang nasasabihan ng masasakit na salita.

“Ulikba! Negra! Anak Uling! Aeta!”

Ilan lamang iyon sa mga bansag sa kanya ng mga kakilala at kamag-anak. Gayon na lamang ang bigat sa loob niya dahil alam niyang hindi naman niya pinili ang ganoong itsura. Dagdag pa ang mga magulang niyang parehong may maputi ang kutis. Minsa’y nasasabihan pa siyang ampon lamang.

Bente tres anyos na si Carina ngunit hindi pa siya nagkakaroon ni isang manliligaw. Hilig niya ang panonood ng mga nakakakilig na palabas sa tv at sa sinehan. Para sa kanya’y iyon na lamang ang nagpapakilig sa kanya dahil tanggap na niyang walang magkakagusto sa kanya.

Dahil matalino ang dalaga, noon pa’y marami na ang nag-aalok sa kanya ng magagandang trabaho. Isang araw, napagdesisyunan ni Carina na tanggapin na ang job offer sa kanya na magtrabaho sa ibang bansa. Sagot na raw ng kompanya ang pamasahe, at bibigyan na rin siya ng monthly allowance sa pagtira doon sa America.

Hinatid siya ng kanyang ama’t ina sa aiport, at nag-iyakan pa ang pamilya.

“Anak? Mag-iingat ka ha. Iingatan mo ang iyong sarili. Lalo na sa mga lalaki. Kababae mong tao tapos mag-isa ka lang nakatira doon. Please, anak. Alagaan mo ang iyong sarili.” bilin ng nag-aalalang ama.

“Ano ka ba, Papa? Sa itsura kong ito may magtatangka pa bang gumawa ng masama sa akin? Baka nga pagtawanan lang din nila ako.” pabirong tugon ni Carina. Dahil nga sa mga karanasang panlalait sa Pilipinas, inihahanda na niya ang sarili sa panglalait ng ibang lahi.

“Loka loka. Maganda ka, anak. Sa paningin namin ng papa mo, ikaw ang pinakamagandang bata sa balat ng lupa. Mag-iingat ka. Tawag ka lagi ha?” lumuluhang paalam ng ina sa anak.

Nakasakay na ng eroplano si Carina. Kinakabahan din siya dahil hindi siya sanay na mawalay sa mga magulang. Pero naisip niyang dapat niyang tiisin ang lahat ng ito para kumita ng malaking pera.

Matapos ang ilang oras na byahe, nakarating na ang dalaga sa America. Agad nitong naramdaman ang malamig na simoy ng hangin, at naalalang hindi siya nakapagdala ng jacket sa kanyang hand carry na bagahe. Naglakad na siya patungo sa kanyang mga bagahe, nang mapansin ang isang grupo ng amerikano na nakatingin sa kanya. Mula ulo, hanggang paa, ay tinititigan siya ng mga ito.

Laking pagtataka naman niya dahil halos lahat ng makasalubong niyang Amerikano ay napapatigil upang tingnan siya.

Matapos makuha ang maleta, halatang hirap si Carina dahil dalawang malalaking maleta at isang bag pa ang bitbit nito. Kaya naisipan na niyang kumuha ng taxi upang dumiretso sa tutuluyang bahay.

Nang makarating sa kanyang apartment, inabot niya ang $40.00 sa driver at bumaba. Nagulat siya nang bigla itong sumigaw.

“$40.00 only? I still need $60.00!” alam niyang alam ng driver na bagong salta siya sa lugar na iyon kaya ramdam niyang ginogoyo lamang siya nito. Agad siyang umalma, ngunit laking gulat niya nang biglang bumaba ng taxi ang lalaki at umamba na sasampalin siya. Biglang isang amerikano ang nagmabuting loob na umawat sa lalaki.

Hindi naintindihan ni Carina ang nangyari dahil sa takot, ngunit matapos kausapin ng lalaki ang driver ay agad na itong umalis.

“Hey! Are you new here? You okay?” pagtatanong ng binata. Maganda ang mga mata nito at may matangkad at magandang pangangatawan.

“Uhh. Hmm. Yes. Thank you.” sagot ng nahihiyang dalaga. Hindi niya matingnan sa mukha ang binata dahil nahihiya siyang baka layuan siya kapag nakita ang kaniyang itsura.

“That’s great. You look so beautiful. I can’t stop looking at your face. Anyways, my name is Brent. You?” pagpapakilala ng binata. Nagulat si Carina sa narinig. Akala niya pa’y niloloko lamang siya ng gwapong binata.

“Uhh. Carina. I’m Carina. I have to go.” nahihiya pa ring sagot ng dalaga. Nagmadali na siyang umakyat papunta sa kanyang apartment at hindi na nilingon ang binata.

Kinabukasan, unang araw na ng trabaho ni Carina. Excited na siyang magsimula sa trabaho kaya’t maaga pa lamang ay pumasok na siya. Agad naman siyang winelcome ng mga katrabaho. Nakita rin niyang may ilang Pilipino ang nagtatrabaho doon kaya gumaan na ang kanyang loob.

“Hi! Carina, tama? Ako si Rochelle.” pakikipagkaibigan ng isa pang pinay na kanyang katrabaho.

“Oo, hello! Salamat naman at may Pilipino dito. Naninibago ako, kakarating ko pa lamang kahapon.” tugon ni Carina kay Rochelle.

“Nakilala mo na ba ang boss natin? Girl! Pogi, grabe! At isa pa, single!” pagkukwento ng kinikilig na si Rochelle.

Habang nagkukwentuhan ang dalawa, isang pamilyar na boses ang biglang tumawag sa kanyang pangalan.

“Ms. Carina del Castillo? Please follow me.” ‘ika ng lalaki.

Nagulat si Rochelle sabay sabing “‘Yan na si boss! Tawag ka sa office niya. Go, girl!”

Napanganga si Carina nang makita kung sino ang binata. Si Brent pala ito na nagtanggol sa kanya kagabi mula sa mapang abusong taxi driver.

Ipinaliwanag ni Brent ang mga trabaho na kailangan gawin Carina, at hindi man lang nabanggit ang pagkikita nila kagabi. Naisip tuloy ng dalaga na hindi na siya natatandaan ng gwapo niyang boss. Kaya laking gulat niya nang biglang huminto ang isang magandang sasakyan sa harap niya matapos ang kanyang trabaho.

“Hey, Carina! Come. I’ll give you a ride home.” gulat na gulat si Carina dahil si Brent pala ito. Ihahatid daw siya sa kaniyang bahay, at napag-alaman din niyang doon lang din nakatira ang boss malapit sa kanyang tinitirhan. Bilang pag-galang, agad namang sumakay ang dalaga.

Doon sila nagka-kwentuhan. Sa kalagitnaan ng biyahe, nagulat si Carina sa sinabi ni Brent. Na siya raw ang pinakamagandang babae na nakita nito at kung pwede daw bang mag-date sila. Laking gulat naman ni Carina dahil ganoon nga ang napapansin niya, na sa tuwing maglalakad siya ay napakaraming lalaki ang tumitingin at tila nagagandahan sa kanya.

Nang makauwi si Carina, agad niyang tinawagan ang ka-trabahong si Rochelle. Ikinuwento niya ang mga nangyari.

“Ano ka ba! Hindi mo ba alam? Girl, bentang benta dito sa Amerika ‘yang kutis mo. Ganyan ang gusto nila dito. Kung sa Pilipinas nasasabihan kang pangit, dito saksakan ka ng ganda! Haba ng hair!” paliwanag ni Rochelle. Laking gulat naman niya.

Dahil sa napagkasunduang dinner nila ni Brent, nagkakilala pa ang dalawa. At bukod sa kanya, may ilan ding mga amerikano ang pumoporma sa kanya. Ngunit dahil sa matiyagang panunuyo ni Brent, at sa pagpapakita nito ng magandang pag-uugali ay agad nahulog ang loob niya sa binata.

Matapos ang ilang buwang panunuyo, naging opisyal nang magkarelasyon ang dalawa. At makalipas naman ang ilang taon, naisipan din nilang umuwi ng Pilipinas upang makilala ang mga magulang ni Carina at makapagpaalam na magpakasal.

Napanganga sa inggit ang mga nanlalait sa kanya noon nang makitang ka-holding hands ni Carina ang gwapong binatang si Brent. Halos lumuwa ang mata ng mga ito sa inggit nang malamang milyonaryo din ang binata.

Tuwang-tuwa naman ang mga magulang ni Carina sa panibagong buhay ng anak. Natutunan ni Carina na hindi sagabal ang kulay ng kutis sa paghahanap ng magmamahal sa iyo ng tunay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement