Nangibang Bansa ang Lalaki Para Makaahon sa Hirap, Pamilya Pa Pala ang Sisira ng Lahat ng Pangarap Niya
Para sa kapakanan ng kaniyang pamilya ay lakas loob na nangibang bansa si Zack. Nais niyang maipagpatayo ng magandang bahay ang kaniyang mga magulang at mapatapos ng pag-aaral ang dalawang nakababatang kapatid.
“Ma, nagpadala na ako kahapon pandagdag sa pagpapagawa ng bubong ng bahay, andun na din po ang pang matrikula nina Angel at Gabby.”
“Salamat anak, sige mamaya ay dadaanan ko na ha.”
Buwan buwan ay halos walang natitira sa kaniyang pera dahil ipinapadala niya ang karamihan sa kaniyang pamilya. Ngunit kung minsan ay kinukulang pa ito para sa kanila.
“Nak, baka pwede mo naman kaming padahan kahit limang libo lang, wala na kaming pangkain eh.” Wika ng tatay niya.
“Kakapadala ko palang nung isang linggo pa, wala na po akong hawak na pera dito.”
“Napakadamot mo naman, marami ka namang pera diyan eh.”
Hindi nila iniintindi ang kalagayan ng anak at ginagasta lamang ang pera nito sa mga walang kabuluhang bagay. Nabaon pa sila sa utang dahil napakaluho din nila.
“Bili tayo ng bagong TV para maganda na ang panonood ko ng telenobela.” Wika ng kaniyang nanay.
“Oo nga ma, tsaka bagong sala set para komportable tayo.” Wika ni Angel.
Mas inuuna pa nila ang pagbili ng mga materyal na bagay kaysa ipagawa ang bahay na matagal nang sinusustentuhan ni Zack. Wala naman itong kamalay-malay sa kung saan ginagamit ng pamilya ang perang kaniyang pinaghirapan.
“Ma, uuwi na ako sa susunod na buwan, magsasara na itong kompanyang pinapasukan ko dahil nalugi.”
“Ano? Biglaan naman yata, paano na ang mga gastusin natin?”
“Gagawan ko ng paraan, maghahanap ulit ako ng bagong mapapasukan.”
“Aba’y bilisan mo yan, hindi pwedeng mawawalan tayo ng pera. Nag-aaral pa ang mga kapatid mo.”
Nalungkot si Zack na hindi man lang siya nagawang kamustahin ng kaniyang pamilya. Nag-aalala din siyang umuwi na walang dalang pera dahil kakaunti lang ang naipon niya. Sa pagdating niya sa tahanan ay laking gulat niya na walang nagbago rito.
“Bakit sira pa din ang bubong? Ang mga pader bakit hindi rin nabago? Diba malaking pera ang ipinadala ko para sa pagpapaganda ng bahay?”
“Ah eh nagastos ko kasi ang pera anak, naipambayad ko sa mga pinamili kong gamit ng bahay.”
“Inuna niyo pa yun ma? Mas mahalagang mapaayos itong bahay dahil pag tag-ulan ay pinapasok ng tubig.”
Labis man ang kaniyang galit ay wala na rin siyang nagawa. Ilang linggo pa lang simula nang umuwi si Zack ay nauubos na ang kaniyang dalang pera, siya lamang kasi ang inaasahan ng buong pamilya sa araw-araw na gastusin. Minabuti niyang mag-apply muli ng trabaho sa ibang bansa at sa kabutihang palad ay agad din siyang natanggap at nakaalis.
“Ma andito na ako, sa susunod na buwan pa ako makakapagpadala ha, kailangan ko munang kumayod.”
“Sige anak, tawag ka lang pag magpapadala ka na ha.”
Nagpasiya si Zack na huwag ng ipadala ang buong sahod sa kaniyang pamilya at itago na lamang ang sobra upang siya na mismo ang magpagawa ng kanilang bahay pagbalik niya.
“Zack bakit eto lang ang padala mo? Kulang ito.”
“Tama lang yan ma, sobra pa nga dahil binayaran ko naman na ang buong tuition nina Angel.”
Wala na ngang nagawa ang kaniyang ina kundi pagkasyahin at tipirin ang buwanang padala ng anak. Sa tuwing may gusto siyang bilhin ay pinag-iipunan niya na lamang ito at hindi na basta basta binibili.
Sa dalawang taong kontrata ni Zack sa ibang bansa ay nakaipon siya ng perang pampagawa ng kanilang bahay. Ito ang inuna niyang pagkagastusan sa kaniyang pag-uwi.
“Oh eh di ayan maayos na ang bahay natin.” Wika niya.
“Marami ka naman palang pera bakit hindi mo man lang akong padalhan ng sobra.” pagtatampo ng kaniyang ina.
“Huwag ka mag alala ma, may inilaan ako para sa iyo bago ako ulit umalis.”
Ipinaliwanag niya sa pamilya ang hirap ng kaniyang pagtatrabaho at hindi dapat ginagasta ang kaniyang perang pinapadala sa mga hindi importanteng bagay.
Naintindihan naman ito ng kaniyang magulang at ipinangakong mas magiging matalino pa sa paggamit ng perang ipinapadala ng anak.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!